UNTI-UNTI NANG LUMALANTAD ang tunay na kulay ng isang sikat na personalidad. Sa libro ng kanyang buhay, kapag hindi ka niya kakampi ay kalaban ka na niya, pepersonalin ka na niya.
Nu’ng una ay bait-baitan pa ang sikat na personalidad, nanliligaw pa kasi siya. Pero kapag nalaman niyang hindi pala kabilang sa kanilang balwarte ang artista ay tinatatakan na niya ‘yun.
Matagal nang nambabraso ng mga artista ang sikat na personalidad para sumama sa kanilang kampo. Talagang naglalaan siya ng panahon para lang sa pagte-text sa mga artista at pulitikong gusto niyang makasama nila sa partido nila. Pero hindi lahat ay nakukuha niya sa kanyang pambabraso.
May mga artistang may sariling dahilan kung bakit ayaw nilang sumama sa grupo ng sikat na personalidad. May karapatan silang tumanggi, kaya napapahiya siya.
Nu’ng minsan ay tinext niya ang isang kilalang personalidad, ang sabi niya, “Ayoko na sa iyo, hindi ka sumama sa amin, good luck na lang sa iyo.”
Ang pinadalhan ng text ng sikat na personalidad ay isang aktor na tatakbo sa isang mataas na posisyon, pero hindi sumama sa kanilang kampo. Kaya malaki ang tampo niya sa naturang aktor-pulitiko.
Sabi ng mga nakakausap namin, “Bakit kailangan niyang mambraso? Karapatan na ang nakataya rito, kaya bakit niya pinanghihimasukan pati ang personal conviction ng mga artista?
“Hindi ba mas maganda kung ang mismong artista ang magsasabi sa kanya na gustong sumama sa kanila? Bakit siya nambabraso? Sapilitan na ba ang labanan ngayon?” Marakulyo ng aming kausap.
At may komento pa kaming narinig kamakailan, ang sabi, “Hindi n’yo ba napapansin, humihina na ang minamanok niya? Nu’ng una talaga, kanila ang momentum, pero habang tumatagal, bakit ganu’n na? Humihina na ang puwersa nila, marami nang naiinis, ang sikat na personalidad kaya ang reason kung bakit?”
Puwede. Maaari. Baka nga. Mismo! Korek!
NAPAKALAYO SA BITUKA ni Willie Revillame ang makihalo sa mundo ng pulitika. Kahit katiting na interes lang ay wala sa kanya, pero totoong-totoo na napakaraming lumalapit sa kanya para gawing kandidato sa kanilang partido.
Meron pa ngang pulitikong nagsabi sa kanya, “Alam mo, Willie, palawakin mo na ang pagtulong mo, huwag ‘yung ganyang apat na pares ng contestants lang sa Willie Of Fortune ang napapasaya mo.
“Kung puwede mo namang mas palakihin, bakit ang hindi? Kumandidato ka, panahon mo ngayon, siguradong mananalo ka,” komento ng isang pulitiko kay Willie.
Maraming nagpapayo ng ganu’n sa kanya, nakakailang meeting na nga siya sa iba’t ibang grupo, pero sa pagtatapos ng kanilang meeting, isa lang ang sinasabi ni Willie.
“Hindi po ako pampulitika, kung ginusto ko lang, ‘di noon pa sana? Pero hindi ko po kasi nakikita ang sarili ko na nasa isang opisina, sa labas talaga ang destinasyon ko. Parang public service din naman ang ginagawa ko sa Wowowee araw-araw.
“Pasensiya na po, pero talagang hindi ako designed para sa politics. Hindi ko talaga nakikita ang sarili ko sa mundo ng politics,” standard niyang litanya.
Money and power daw make people comfortable. Sa aspetong ‘yun ay hanga kami kay Willie, meron na siyang kayamanan, pero hindi niya pa rin hinangad ang kapangyarihan.
Guwardiyado pa rin ng sikat na TV host ang kanyang huwisyo.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin