SINO BA ang makalilimot sa isang makaagaw-hiningang hostage crisis sa pinakapopular na park sa Maynila? Ang Rizal Park o Luneta ay kilalang tourist destination sa Pilipinas dahil dito nakatayo ang bantayog ni Dr. Jose Rizal. Sa kasamaang-palad, dito rin naganap ang hostage-taking drama na kumitil sa maraming buhay ng mga turistang Chinese galing sa bansang Hong Kong.
Ang trahedyang ito rin ang nagdulot ng lamat sa pagkakaibigan ng Pilipinas at Hong kong. Sinisisi ng Hong Kong ang palpak na pagresponde ng gobyernong PNoy sa malagim na kinahantungan ng hostage drama. Hindi rin naman natin maitatanggi ito dahil saksi tayo sa nangyari. Tila ba walang isip ang mga pulis na humawak dito.
Ang pagwawala ng hostage taker ay bunga na ng kawalang-katarungan sa trabaho bilang pulis una pa lang. Lalo pa itong nagwala at tuluyang nag-amok dahil sa hindi maingat na operasyon ng mga pulis sa insidente lalo na nang damputin nila ang kapatid ng hostage-taker. Ito ang naging mitsa ng pagpapakawala ng bala ng hostage-taker na ikinamatay naman ng mga turistang Hong Kong nationals.
PAGKATAPOS NG maraming imbestigasyon at resulta nito, hindi nagustahan ng mga opisyales ng Hong Kong ang kinalabasan sa huli. Ipinahayag ng Hong Kong ang pagkadismaya nito sa ginawang aksyon ng gobyerno hinggil sa insidente at pinahihingi ng paumanhin ang gobyernong PNoy.
Nagmatigas naman si Pangulong Aquino na hindi ito kailangang humingi ng paumanhin na humantong para lalong magalit ang Hong Kong at tuluyan nang lumaki ang lamat sa pagkakaibigan ng dalawang bansa. Dahil dito, nagpatupad ng ilang parusang may kinalaman sa foreign affairs ng Pilipinas at Hong Kong ang kanilang gobyerno.
Kabilang na ang paghingi ng VISA approval sa mga opisyales ng gobyerno ng Pilipinas na tutungo ng Hong Kong, sa mga parusang ipinataw nila dahil sa patuloy na pagmamatigas ni Pangulong Aquino hinggil sa paghingi ng paumanhin.
NGAYONG NASA ikaapat na taon na ang ating Pangulo sa kanyang puwesto, tila may iisang pagkatao siya na litaw sa mga desisyong ginawa nito. Sa aking sariling opinyon, may kayabangan ang administrayong Aquino at kulang sa pagpapakumbaba.
Hindi ko naman sinasabi na dapat ay maging sunud-sunuran tayo sa mga demand ng mayayamang bansa. Ngunit kailangan din ng pagpapakumbaba, lalo at aminado tayo sa ating mga pagkukulang. Dapat ay marunong tayong tumayo sa kinalalagyan ng ibang tao o nasyon.
Hindi naman siguro kabawasan sa pagkatao ang pagpapakumbaba. Bagkus ay mas nagiging matalino ang pagtingin nito sa mga bagay sa mas malawak na perspektibo. Ito ang isa sa pagkakaiba ng tinatawag na “wisdom” sa “knowledge”.
Ang problema kasi sa kasalukuyang gobyerno, tila ba ipinakikita nito na lagi silang tama. Para yatang sarado ang kanilang isip sa mga opinyon at suhestyon ng iba. Ang resulta tuloy ay kawalang-kaunlaaran sa bansa at lalo pang nasisira ang ating diplomatikong relasyon sa ibang bansa gaya ng Hong Kong, China at Taiwan.
NGAYON AY muling nagbukas ang pinto ng Hong Kong sa Pilipinas para sa bagong pakikipagkaibigan. Ang pangyayaring ito ay dala ng pagpunta ni Manila City Mayor Joseph Estrada sa Hong Kong upang personal na humingi ng paumanhin at wakasan na ang problemang dulot nito sa bansa.
Isang mapagkumbabang puso at may dignidad na lider ng bansa natin ang ipinakita ni dating Pangulong Estrada. Ang dating minamaliit ng marami dahil hindi ito nakatapos ng kolehiyo ang nagpakita ng tunay na “wisdom” at ito ay sa simpleng paraan ng paghingi ng paumanhin.
Hindi naman gaanog kumplikado ang buhay para lagi tayong mag-isip nang malalim. Kadalasan ay puso lang ang dapat magpasya. Ang ginawang hakbang ni dating Pangulong Estrada ay isang tagumpay para sa ating lahat bilang isang bansa.
Ngayon ay mas may kapayaaan na sa puso ng ating mga kababayang OFW sa Hong Kong. Matagal din silang naging biktima ng takot dahil sa nangyari. Mahirap kasi ang manirahan at magtrabaho sa ibang bansa. Kailangan nilang makisama at makitungo sa kultura at gawi roon. Lalo ito naging mahirap para sa mga OFW sa Hong Kong nang mangyari ang insidenteng iyon.
ANG PAGIGING lider ng isang estado ay hindi lamang nangangailangan ng talino. Mas kailangan ang puso sa pagiging lider. Hindi kasi lahat ng bagay ay nakikita ng isipan. May mga bagay na tanging puso lang ang may kakayahang makagawa gaya ng paghingi ng paumanhin o patawad.
Minsan ang lider ay kailangan ding maging simple upang makita nito ang mga simpleng solusyon sa buhay. Kailangan na maranasan nito ang simpleng buhay ng mga tao para matutunan din ang isang simpleng solusyon.
Dito ako humanga kay dating Pangulong Estrada. Isa siyang simpleng tao na may taglay na wisdom. Ang hindi nakita ng napakaraming tagapayo ni PNoy ay nakita ng isang simpleng lider na may malaking puso bilang simpleng tao at tagapangulo.
Kailangan nating ibaba ang ating mga paa sa lupa. Kailangan nating magyapak kung kinakailangan. Dito lang natin matututunan ang pagiging isang simple tao at simpleng solusyon.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo