Simply Jesse

NAKALULUGOD ANG ulan ng parangal at papuri ng pamahalaan sa pumanaw na DILG Sec. Jesse Robredo. Subalit ‘di iilan ang may tawag-pansin. Tila diumano labis-labis ang mga parangal na ito na kung matatanong lang si Jesse ay ‘di niya mismo magugustuhan.

Sapagkat si Jesse ay simpleng nilalang lamang. Sa naging aklat ng kanyang maikling buhay at taos na paglilingkod sa bayan, tinalikuran niya ang mga papuri at parangal. Nawika niya minsan, mawawalan ng malalim na kahulugan ang pagli-lingkod kung maghahangad ng papuri at parangal. ‘Yon si Jesse. Vintage Jesse.

Ayon din kami sa ibang parangal. Subalit ‘yong panukala na bigyan siya ng national heroes burial ay nakatataas ng kilay.

Minarapat ni Jesse na lagi siyang mag-weekend sa Naga sapagkat doon niya natatagpuan ang tunay niyang katauhan.  Naglalakad na naka-kamiseta at naka-tsinelas, nakikisalamuha sa mga ordinaryong tao at nakikinig at umaaksyon sa kanilang mga problema. Ayaw niya ng mga bodyguards o iba pang borloloy ng kapangyarihan. Mahalaga sa kanya ang taimtim at mabilis na aksyon sa mga dinudulog na sitwasyon o problem. Sa paglilingkod lapat ang paa niya sa lupa. At higit sa lahat siya’y maka-Diyos.

Natural na ngayon lang lumabas ang balita ng hanay-hanay na taong maliliit na walang ingay na natulungan niya. Ang kaunlaran ng Naga City dahil sa kanyang pamamahala ay isang patunay ng pambihira niyang katapatan at paglilingkod.

Matahimik at marangal na ating ilibing si Jesse. Sabi ng kanyang maybahay, ito ang nararapat. ‘Wag nating sawsawan ng kung anu-ano pang palamuti. Just simply Jesse. Mabuting nilalang. Magaling na lider.

SAMUT-SAMOT

 

NAKABABALISA NANG labis ang persistent abdominal pains. Maraming pinagmumulan. Maaaring peptic or duodenal ulcer. Maaari ring colon disease. Mga diabetes ay prone sa ganitong sakit. Lalo ‘yung mga tinanggalan ng gall bladder. Ayon sa mga doktor, prevention ay good diet at avoiding fatty or salty foods. Kailangang kumain ng maraming gulay at uminom ng maraming tubig. Nakatutulong din ang lots of exercise.

ISANG LINGGO na akong nagtitiis ng sakit. May mga prescribed medicines subalit ang tagal umepekto. Namimilipit ako ‘pag sinusumpong. Malaking tulong ang pagdarasal. Kapalaran ng isang diabetic ang ganitong sitwasyon. Kaya mga mambabasa ko’y umiwas sa sakit na ito. At kung hereditary, dapat sumunod sa payo ng doktor. Napakahirap na sakit. Na walang lunas.

KILLER MONTH ang Agosto. Sa buong mundo at sa ating bayan ang daming sakuna at trahedya. Kahapon sa History Channel, napanood ko ang “Armageddon Series” tungkol sa mga senyales ng pagtatapos ng mundo. Nakapangingilabot. Nangyayari ngayon sa mundo ay maaaring senyales ng Armageddon. Kalaswaan, violence, pagsipot ng mga anti-Christ at walang kalunasang digmaan sa Middle East ay umiiral ngayon. Same sex marriages, paglapastangan sa relihiyon ay laganap din. May mga states sa U.S. na nag-bann ng Bibliya sa public places. Is the end time near?

ANONG HABA man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy. This is the long and short of Lourdes Sereno’s Chief Justice appointment. Pangita na sa una pa lang. Si Sereno ang unang SC nominee ni P-Noy. Mahigit na 18 taon siyang manunungkulan. Unang babaeng Chief Justice. Prerogative ni P-Noy ang paghirang sa kanya. Ewan ko kung bakit ako ‘di comfortable. Siya ba’y magiging independent-minded? Isa sa mga tanong na umiikot.

BALITA AY nakatakas na ng bansa si dating Palawan Gov. Joel Reyes na akusado sa diumano sa pagpatay kay environmentalist Manuel Ortega. Gumamit daw ng fake passport at nasa Vietnam na raw. Papaano nangyari ito? Dapat tigilan na ni DoJ Sec. Leila de Lima ang kadadada sa media at magtrabaho siya. Responsibilidad niya ang nangyari. Labis ding inutil ang Bureau of Immigration.

DAPAT PAPURIHAN ng pamahalaan ang mga foreign diver na tumulong sa search and retrieval operations ni Sec. Jesse Robredo. Isa sa kanila, isang German national, ang muntik pang maaksidente. Kapuri-puri ang tulong ng U.S. at Australia. Wala tayong narinig na tulong sa ibang ASEAN neighbors lalo na ang Japan.

BIGYAN NA ng media ng pagkakataon na makapagpahinga ang mga iniwan ni Robredo. Huwag nang bulatlatin pa ang kung anu-ano. Masyadong over-coverage lalo na ang isang dambuhalang network. Ganyan din ang coverage na ginawa kay Dolphy. Tantanan.

NABAON NA sa kontrobersiya ang pagpapagamot ni dating Pangulong GMA. Kahapon, pinabulaanan ng kanyang cardiologist ang sinabi sa media na may life-threatening condition siya pagkatapos nasabon ng PMA ang cardiologist. Kaawa-awa naman si GMA. Wala nang naniniwala sa kanya.

ATENEO PA rin ang top favorite sa UAAP Championship. Malamang FEU ang makakalaban. Samantala sa next season’s NBA, balik favorite ang Lakers with its acquisition of Dwight Howard at Steve Nash. Subalit malakas pa rin ang Miami Heat. Sa boxing, tila wala nang interesado kay Pacquiao. Sawa na ang publiko sa mga gimik niya.

NAGING MATAGUMPAY ang ikapito at ikawalong International All-Breed Dog Shows ng Canine Handlers and Trainers Association of the Philippines (CHATAP) na affiliate ng Asian Kennel Club Union of the Philippines, Inc. (AKCUPI) nu’ng nakaraang Agosto 26 sa Tiendesitas sa Ortigas Ave., Pasig City. Dalawang batikang dog judges, isang Malaysian at isang Taiwanese ang may kanya-kanyang set ng nanalo sa best baby puppy, best Philippine born at best in show na pinili mula sa pitong breed groupings. Nagsimula ang show ng ala-1 ng hapon at nagtapos ito ng ika-7 ng gabi. Pagkatapos ng show ay nagkaroon ng exhibition show ng mga aso na dala ni dog trainer Randy Macalma. Dito nagpakita ng iba’t ibang talento ang mga aso tulad ng pagsasayaw ng Hawaiian, paglulukso sa lubid at pagsasayaw ng tinikling. Kaya’t mga batang kasama ng kanilang mga magulang ay enjoy sa panonood. Ang CHATAP ay pinamumunuan ni Dennis Javier.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleJamie Christine Berberabe Lim, Sumungkit ng 2 Gold Medal AAK Team PHL, Nag-uwi ng 3 Gold sa Korean Invitational Karatedo
Next articleDivine Lee, kinakargo ang kasalanan ng ama

No posts to display