NOONG JUNE 2011, iniutos ng noo’y acting Ombudsman Orlando C. Casimiro ang pagkakasibak sa serbisyo ni Abelardo Bragas dahil sa pagkakasangkot umano sa P430 million fertilizer fund scam ng siya ang OIC Regional Executive Director ng Department of Agriculture (DA) sa Region IV-A.
Pero noong January 2013, ibinalik ni DA Secreatary Proceso Alcala si Bragas sa serbisyo at binigyan ito ng bagong puwesto at promotion bilang Regional Executive Director ng DA sa Region V.
SI OPHELIA Agawin ay isa rin sa mga sangkot umano sa tinaguriang “the mother of all scam” noong kapanahunan ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo. Siya ang accountant ng noo’y DA Undersecretary Jocjoc Bolante, ang itinuturong arkitekto ng nasabing fertilizer scam.
Pero nang maupo sa puwesto si PNoy at i-appoint niya si Alcala bilang Kalihim ng DA, ibinalik ni Alcala si Agawin sa DA at binigyan pa ito ng juicy position. Ipinagkaloob ni Alcala kay Agawin ang posisyon bilang Assistant Secretary na siyang tagapangasiwa sa pamimigay ng budget ng DA sa mga non-government organization (NGO) para sa iba’t ibang livelihood program.
NANG PUMUTOK naman ang pork barrel scam sa panahon ni PNoy, isa si Agawin sa idinawit ng whistleblower na si Benhur Luy na sangkot umano sa pagbibigay ng pondo sa mga pekeng NGO. Dahil dito, napilitang pagbakasyunin si Agawin habang siya ay pinaiimbestigahan.
Pero kamakailan, balik-trabaho muli si Agawin. Iniutos ni Alcala ang pagbalik ni Agawin mula bakasyon, dahil ayon sa kanya, hindi lang naman daw si Agawin ang may kasalanan sa pork barrel scam!?
SA NAKARAANG State of the Nation Address (SONA) ni PNoy, iniutos ng Pangulo ang pag-abolish sa National Agribusiness Corporation (NABCOR). Ito ay matapos lumitaw sa imbestigasyon ng Commission on Audit (CoA) na tadtad sa katiwalian ang ahensyang ito.
Ayon sa records ng CoA, mula taong 2007 hanggang 2009, u-mabot sa mahigit P1.2 billion na pork barrel funds ang napunta sa mga pekeng NGO sa pamamagitan ng NABCOR. Ang NABCOR ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng DA.
Dahil doon, dahan-dahang nagkaroon ng tanggalan ng mga empleyado ng NABCOR bilang preparasyon sa tuluyang pagpapasara rito. Pero ningas-kugon lang pala dahil hanggang sa mga oras na isinusulat ang artikulong ito, patuloy pa rin sa operasyon ang NABCOR.
Ang siste pa, may mga pumuputok na balita, na kamakailan, pi-nabalik-trabaho ang ilan sa mga tinanggal nang mga empleyado nito.
NANG MAUPO sa kanyang puwesto ang yumaong Jessie Robredo bilang Secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG), pumutok ang pangalan ng isang pulis ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame na nagngangalang Lito Aguas a.k.a. “Bibeth” na na-ngongolekta ng tara sa lahat ng mga pasugalan sa buong bansa para sa DILG.
Nang masulat ko noon sa espasyong ito ang tungkol kay Aguas, at makausap ako ni Robredo mismo sa telepono hinggil sa nasabing artikulo, agad niyang sinibak si Aguas sa Camp Crame at itinapon sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
Pero nang maupo bilang District Director ng Southern Police District si Police Chief Superintendent Jose Erwin Villacorte, balik-Maynila si Aguas. Pumuputok ngayon ang mga balita na si Aguas ay balik muli sa kanyang gawain na pa-ngongolekta ng tara sa mga iligalista.
Ayon sa mga kumakalat na balita, si Aguas ang kumukolekta umano ng tong sa lahat ng mga pasugalan sa buong teritoryo na sakop ng SPD at gamit ang pangalan ni Villacorte.
NANG SI RECOM Echiverri ang nakaupong mayor ng Caloocan, ang tinaguriang sakla queen na si “Lucy” ay hindi umano pinayagang makapag-operate sa nasabing siyudad.
Pero pagkaupo na pagkaupo raw ni Oscar Malapitan bilang bagong mayor ng Caloocan, hinanap daw umano ng isang nagpapakilalang kamag-anak ni Malapitan si “Lucy” para hilingin dito na muling bumalik sa Caloocan.
Ngayon, namamayagpag umano ang mga pasugalan ni “Lucy” at iba pang uri ng mga pasugalan sa buong Caloocan. Ang mga
nangongolekta umano ng tong mula sa lahat ng mga iligal sa Caloocan ay isang barangay chairman at isang nagpapakilalang kamag-anak umano ni Malapitan na dati ay kawani ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
NANG SI Echiverri ang alkalde ng Caloocan, si alyas “Poleng” ang tinaguriang video karera king, ay napilitang lumayas ng Caloocan matapos ang sunud-sunod na panghuhuli at panghaharas sa kanya ng mga pulis-Caloocan.
Pero nang maupo si Malapitan, muling nakabalik si “Poleng” at namamayagpag ang daan-daang mga makina niya sa Bagong Silang. Si “Poleng” ay putok na putok bilang isa sa mga campaign manager umano ni Malapitan noong nakaraang eleksyon.
NANG SI Police Chief Superintendent Marcelo Garbo Jr. ang nakaupong National Capital Region Police Office Director, ipinairal niya ang “no take policy” sa kanyang mga tauhan sa Bicutan para sa lahat ng mga pasugalan.
Kasunod noon, binantaan niya ang lahat ng kolektor na nago-ngolekta ng tara para sa mga pulis na sakop ng NCR na tumigil na. Isa sa mga kolektor na tinablan ng takot ay isang dating pulis na si “Baby Marcelo”. Napilitan itong mag-abroad para magpalamig.
Isa sa mga gambling lord na ibinilin din ni Garbo sa kanyang mga tauhan na ipatigil ay ang tinaguriang lotteng king ng Pasay at Parañaque na si alyas “Tristan”.
Pero ngayong wala na si Garbo, balik-Pilipinas si “Baby Marcelo” at bumalik ito sa pangongolekta muli ng tong, at ginagamit ang tanggapan ng NCRPO. Balik operasyon din si “Tristan” at
muling namamayagpag ang kanyang lotteng operation sa buong Pasay at Parañaque.
Si “Baby Marcelo” ang sinasabing nagbigay ng pahintulot kay “Tristan” na bumalik at sakupin muli ang dalawang nabanggit na siyudad bilang kanyang gambling territory.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyerne, 2:00-4:00 pm. Napanonood din ang inyong lingkod sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At sa Aksyon Weekend news sa TV5 pa rin tuwing Sabado, 5:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo