KAMAKAILAN, ISINAMPA ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ang kasong tax evasion laban kay Bella C. Tiotangco dahil sa hindi pagbayad sa kanyang income tax noong taong 2008 na nagkakahalaga ng P277.2 million.
Ayon sa BIR, si Bella ang nakarehistrong may-ari ng BCT Trading & Construction na nangongontrata ng mga proyekto sa Provincial Government ng Palawan. Pero lingid sa kaalaman ng BIR, ang asawa ni Bella na si Teddy ay may sariling kumpanya rin – ang TGT Construction.
Ang kumpanyang BCT at TGT ang dalawang pinakamalaking construction company sa nasabing probinsya na nabigyan ng malalaking proyekto sa mga panahon ng administrasyon ni dating Palawan Governor Joel Reyes – na ngayon ay wanted sa batas at nagtatago na. Si Reyes ay isinasangkot sa bilyun-bilyong katiwalian sa Malampaya gas share funds.
Ayon sa mga Palaweño, bago naging bilyonaryo ang mga Tiotangco, sila ay mga simpleng tao lamang na maaaring maihalintulad umano ang kabuhayan kay Janet Lim-Napoles. Si Bella ay tubong Narra, Palawan samantalang si Teddy naman ay tubong Bulacan.
INIWAN NI Teddy ang Bulacan at pumunta ng Palawan. Doon itinatag niya ang maliit na negosyo na nagtitinda ng mga gulong at baterya. Dito nakilala ni Teddy si Bella. ‘Di tulad daw ni Teddy na ugaling Chinese ang umiiral na tahimik umano at low-profile, si Bella ay matalino, agresibo at madiskarte, ayon pa sa mga Palaweño.
‘Di naglaon, pinasok nila ang pangongontrata ng supplies sa Kapitolyo. Sa mga panahong iyon, vice-governor pa lamang si Reyes. Mangilan-ngilan, kahit papaano, ay nakakukuha naman daw sila ng mga kontrata. Dito na rin umano nagkrus ang landas ng mga Tiotangco at Reyes.
At nang maupo si Reyes bilang gobernador, namayagpag na ang mga Tiotangco sa mga kontrata sa Kapitolyo. Sa mga panahon na ring ito umano itinatag ang mga kumpanyang BCT at TGT. Halos lahat ng mga proyekto ng BCT ay may kinalaman sa Malampaya.
Noong taong 2009, sa kasagsagan ng administrasyong Reyes, bigla-bigla na lamang – halos overnight – lumaki nang husto umano ang mga Tiotangco. Agad nilang nalampasan ang mga super milyonaryong pioneer sa buong Puerto Princesa at sa iba pang mga lugar sa Palawan.
Sa taong ito rin nagsampa sa Ombudsman ng kasong kriminal at administratibo laban kay Bella at sa iba pang mga opisyal ng Kapitolyo at ng DPWH ang Palawan Anti-Corruption Crusader na si Dr. Jose Antonio Socrates.
Ang kasong isinampa ni Socrates ay may kinalaman sa P420 million halaga ng infrastructure projects na pinondohan ng Malampaya gas share funds. Pero nang yumao si Socrates noong September 23, 2012, ‘di naglaon, biglang idinismis ng Ombudsman ang kaso laban kay Bella at sa iba pa dahil sa umano’y kakulangan sa ebidensya.
KUNG SERYOSO talaga ang ating gobyerno na tukuyin at habulin ang mga sangkot sa paglustay sa Malampaya gas share funds, at kung saan napunta ang mga pera rito, dapat magsagawa sila ng malalim na imbestigasyon sa mga taong nagkaroon ng ugnayan kay Reyes.
Isang mapagkakatiwalaang source ang nagsabing dapat silipin ng DOJ ang naging pinakamalaking reclamation project sa Coron, Palawan noong panahon ni Reyes gamit ang pondo mula sa Malampaya. Nang makumpleto raw ang proyektong ito, ibinenta sa mga foreigner ang mga lupain na siyang kinatitirikan ngayon ng mga malalaki at sikat na resort sa Coron pero ang perang napagbentahan ay napunta umano sa bulsa ng mga pribadong indibidwal.
Ayon pa sa mga Palaweño, baka puwedeng busisiin ng BIR ang ITR naman daw ni Teddy. Dahil ayon sa kanila, siya ang may-ari umano ng pinakabago, pinakamalaki at nag-iisang five-star hotel sa Puerto Princesa – ang Hotel Centro.
Sa likod daw ng hotel na ito, sa ‘di kalayuang property nakatayo umano ang grandiyosong mansyon sa buong Palawan na pag-aari raw ng mga Tiotangco.
Bakit daw hindi paimbestigahan ng mga kinauukulan ang mga bulung-bulungan ng mga Palaweño para patotohanan o pasinungalingan na ang mga Tiotangco ay marami pang mga malalaking resort tulad halimbawa ng Comia Bay Resort sa Brgy. Luzviminda, Sta. Lucia, Palawan; Fort Barton; San Vicente, Palawan, Coron, Palawan at marami pang iba.
(Itutuloy…)
Shooting Range
Raffy Tulfo