ANG HOTEL Centro ay isa ng landmark ng Puerto Princesa City na matatagpuan sa San Pedro National Highway. Ito ay isang five-star hotel resort at pinakamalaking hotel sa buong Palawan.
Nang ipinatatayo pa ito, kumalat ang balita na si People’s Champ at Saranggani Representative Manny Pacquiao ang isa mga major partner. Hanggang ngayon, marami pa ring mga tao ang naniniwala na isa nga si Pacquiao sa mga may-ari nito.
Ngunit, nang tawagan ko at tanungin ang kampo ni Pacquiao, mariing itinanggi nila na ka-partner si Manny sa Hotel Centro. At katulad daw sa iba pang mga negosyo, ipinapuputok na kasapi ang sikat na boksingero para mabilis na makilala.
Pero ang totoong may-ari ng Hotel Centro na alam ng buong Palaweño ay ang mag-asawang Teddy at Bella Tiotangco. Sila rin ang nagmamay-ari BCT Trading and Construction at TGT Construction.
At isang mapagkakatiwalaang source ang nagsabing si dating Governor Joel Reyes daw ay may malaking perang ipinuhunan umano sa Hotel Centro. ‘Di maikakaila sa buong Palaweño ang pagiging malapit ng mga Tiotangco kay Reyes.
Bagama’t wala na si Reyes at ang bagong gobernador ng Palawan ay si Jose Alvarez, nakakukuha pa rin umano ng kontrata ang BCT na siyang ipinagtataka ng marami dahil magkatunggali umano si Reyes at Alvarez. Isa sa mga kasalukuyang proyekto raw ng BCT ay ang 70 kilometers road contruction sa El Nido, Palawan.
- Sir, pakipasadahan nga ho ninyo iyong mga nangongotong na MMDA sa may C.P. Garcia dahil kahit madaling-araw ay nandoon sila. Kahit kumpleto ang papeles mong dala ay kung anu-anong kaso ang ibibigay sa iyo kapag ‘di ka nag-abot sa kanila. Pakitulungan po kami.
- Idol, pakimanmanan nga itong mga MMDA sa Monumento to Caloocan. Malakas mangotong sa mga delivery close van. Kapag nakaparada ka saka ka huhulihin at pasasakayin sa motor para dalahin sa kabilang kanto para roon magkabayaran. Lagi na lang delivery close van ang kinokotongan nila. Tulungan n’yo po kami. Salamat.
- Sir, pakikalampag naman po ang mga kinauukulan sa may C-5 Road, sa tapat ng SM Aura at Market! Market!, na magkaroon ng police visibility sa lugar dahil talamak po ang ginagawang pang i-snatch ng mga batang snatcher. Pakiaksyunan po, marami nang mga tao ang nabibiktima ng mga batang snatcher na ito.
- Sir, irereklamo ko lang po iyong mga pulis na nangongotong dito sa Taytay dahil kinuha po nila pati ang lisensya ko.
- Idol Raffy, nabugbog po kasi ang anak ko noong isang araw paglabas sa eskuwela. Hinarang daw ng mga tambay dahil nanghihingi ng pera at noong walang maibigay ay binanatan na siya. Pangalawang beses na po kasi itong nangyari sa anak ko, noong una ay cellphone niya ang kinuha kaya ‘di sinaktan, nitong huli ay walang nakuha sa kanya kaya siguro nabugbog. Ang gusto ko lang pong malaman ay kung paano mareresolba ng barangay o kapulisan ang ganitong problema sa lugar namin.
- Isa po akong concerned citizen, pakitulungan naman po ang mga tanod dito sa Brgy. Talaba 2 sa Bacoor, Cavite dahil walang natatanggap na sahod. Kawawa naman ang pamilya ng mga tanod dito. Salamat po.
- Concerned citizen lang po, ang mga estudyante po kasi ng Project 6 Elementary School ay pinagbabayad ng mga guro tuwing Lunes ng mula sampu hanggang bente pesos dahil pambili raw ng mga ginagamit na bond papers. Hindi po ba bawal ito? Salamat po.
Shooting Range
Raffy Tulfo