Sinasaktan ng Asawa

Dear Atty. Acosta,

MATAGAL NANG hindi naaayos ang pagsasama namin ng asawa ko. At kamakailan ay lumala na ang sitwasyon sapagka’t lagi na niya akong binubugbog. Mabuti na lamang at naroon ang mga pinsan ko upang saklolohan ako. Lumapit ako sa aming barangay upang humingi ng tulong ngunit ang sabi nila sa akin ay hindi nila ako matutulungan dahil hindi na kami magka-barangay ng asawa ko dahilan sa lumipat na siya ng tirahan. Wala po bang paraan upang hindi na makalapit sa akin ang aking asawa at upang hindi na niya ako masaktan?

Carmen

 

Dear Carmen,

MAHIGPIT NA ipinagbabawal ang pananakit lalo na kung ito ay ginagawa sa isang babae. Ang pananakit ay hindi lamang sa pisikal na aspeto, kung hindi pati na rin sa emosyonal, sexual at psychological na aspeto, kasama na rin ang pinansiyal na panggigipit. Ayon sa batas, kung ang pananakit ay idinulot ng kanyang asawa, dating asawa, o nobyo, maaaring maghain ng reklamo ang babaeng biktima sa Regional Trial Court na itinalagang Family Court ng lugar, kung saan naganap ang pananakit. Batay sa Republic Act No. 9262 (Anti- Violence Against Women and Their Children Act of 2004), “The crime of violence against women and their children is committed through any of the following acts: (a) Causing physical harm to the woman or her child; x x x” (Section 4, id)

Mayroong mga pagkakataon na hindi agarang naihahain ang reklamo sa hukuman. Sa ganitong sitwasyon, maaaring kumuha ang biktima ng protection order mula sa Barangay na nakasasakop sa lugar na kanyang tinitirhan o sa lugar kung saan naganap ang pananakit. Ang layunin ng nasabing kautusan ay upang mapangalagaan ang kapakanan ng biktima at maiwasan ang karagdagang pananakit laban sa kanya.

Sa iyong sitwasyon, tama ang ginawa mong paglapit sa inyong Barangay sapagkat ito ay mayroong awtoridad na magpalabas ng protection order. (Section 14, id) Subalit masasabi nating mayroong pagkukulang ang mga opisyal ng inyong Barangay sapagka’t wala silang ginawa upang ikaw ay mabigyan ng nasabing kautusan. Hindi sapat na dahilan na hindi na kayo magka-barangay ng iyong asawa sapagkat mayroong mga pagkakataon na nililisan o pinapaalis ang asawang lalaki sa kanilang tahanan lalo na kung mayroong nagaganap na pananakit. Marahil ay makabubuting mapaalalahanan mo ang mga opisyal ng inyong Barangay sa kanilang responsibilidad at muling hilingin sa kanila ang pagpapalabas ng protection order na mayroong bisa sa loob ng labinlimang araw mula sa pagpapalabas nito.

Sa oras naman na makapagsampa ka ng reklamo sa hukuman, maaari mong hilingin ang pagpapalabas ng Temporary Protection Order (TPO) na mayroong bisa ng tatlumpung (30) araw. Kung sa palagay mo ay hindi nawawala ang panganib ng pananakit ng iyong asawa, maaari mong hilingin sa hukuman ang pagpapalabas ng Permanent Protection Order (PPO) bago matapos ang tatlumpung araw na bisa ng TPO.

Sana ay nabigyan namin nang linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleTimber
Next articleHindi Bolero si P-Noy!

No posts to display