SI PO3 Rolando Anselmo ng Pasig City PNP ay isang sertipikadong gagong pulis. Noong January 22, pinigilan ng security guard na si Edgar Villacenteno na makapasok si Anselmo sa Eusebio Bless Village, Maybunga, Pasig dahil wala siyang maipakitang ID.
Umalis si Anselmo. At pagbalik ng pulis patolang ito, may kasama na siyang dalawa pang pulis patolang tulad niya. Pinosasan nila si Villacenteno at kinaladkad papuntang presinto saka binugbog pagdating doon.
Hindi pa nakontento sa ginawa niyang kawalanghiyaan sa pobreng sekyu, binitbit niya ito sa korte at ipina-inquest sa kasong “Direct Assault”. Ipinalitaw ni Anselmo sa kanyang reklamo sa piskalya na nilusob siya ni Villacenteno at tinangkang saktan daw siya nito pati na ang dalawa pa raw niyang kasamahang armadong pulis patola.
Hindi naman nagdalawang-isip ang piskal. Pinaniwalaan niya ang alegasyon ni Anselmo sapagkat isa rin siyang sertipikadong pulpol. Nang dahil sa isang gagong pulis patola at pulpol na piskal, nagdurusa ngayon sa kalaboso ang isang pobreng security guard na ang tanging kasalanan ay sapagkat ginagawa lamang niya ang kanyang tungkulin.
ISANG MALAKING sindikato ng mga smuggler na nagpupuslit ng resins ang namamayagpag ngayon sa Buerau of Customs (BOC), ayon sa isang kawani ng Customs Intelligence and Investigation Service na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Dalawa raw ang ginagamit na modus operandi ng grupo para makaiwas sa pagbayad ng kahit singkong buwis – ang tinatawag na “transhipment” at “warehousing”.
Bagama’t ang kanilang accreditation ay sa Port of Manila (POM) lamang, sinasadya nilang iparating ang kanilang mga shipment sa Manila International Container Port (MICP).
Sa konting “lagay” magre-request sila sa MICP na ilabas ang kanilang mga kargamento at sa POM na lang daw sila magpa-file ng entry kung saan doon na rin daw sila magbabayad ng karampatang buwis.
Pero wala silang ipa-file na entry sa POM. Wala ring lalabas na record sa POM na may mga dumating silang mga kargamento, maliban lang sa MICP na pinayagan silang ilabas ang kanilang mga cargo dahil ito nga ay transhipment.
SA PANGALAWANG modus, ipararating nila ang kanilang kargamento sa tamang pier pero sa pag-file nila ng kanilang entry, palilitawin nilang ito ay mapupunta sa bonded warehouse.
Pinapayagan ng ating gobyerno na mag-import ang mga manufacturer ng resins na may bonded warehouse ng kanilang mga raw materials nang walang binabayarang buwis – sa kondisyon na kapag ito ay naging finished product, kanilang i-export din.
Pero bago mabigyan ng bonded warehouse license ang isang resins manufacturer, kinailangang mayroon siyang makina na magpo-process ng resins hanggang sa ito ay magiging plastic.
Ngunit sa kaso ng sindikatong ito, sa halip na i-manufacture ang kanilang mga ipinararating na resins, kanila itong ibinebenta sa local market.
Ito ngayon ang pinakamatindi, bukod sa walang makina ang sindikato, matagal nang hindi pinapayagan ang warehousing. Ito ay ipinatigil noong panahon pa ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Kaya ang malaking tanong, paano nakalulusot ang sindikato at pinapayagan silang gamitin ang bonded warehouse sa pag-file ng kanilang mga entry?
ILAN LAMANG sa halimbawa ng mga karagamento ng sindikato na naipuslit palabas ng MICP gamit ang transhipment na modus operandi ay ang mga sumusunod na entry: T1274 — 4×40, T648 — 4×40, T297 — 4×40, T351 — 2×40, T409 — 1×40, T573 — 1×40, T236 — 4×40, T408 — 1×40, T545 — 1×40, T649 — 4×40.
Ang mga sumusunod na entry ay halimbawa naman ng warehousing modus operandi ng sindikato: W534 — 6×40, W515 — 4×40, W357 — 4×40, W1059 — 1×40, W1062 — 4×40, W1064 — 4×40, W1076 — 4×40. Isang alyas “Julie” ang itinuturong utak umano ng sindikatong ito.
KAMAKAILAN, IPINASARA ng BOC ang bonded warehouse ng isang small-time cigarette company. Ito ay dahil bawal na nga ang warehousing. Nadiskubre rin kasi ng BOC na matagal nang nakalilibre sa pagbayad sa buwis ang nasabing kumpanya dahil sa kanilang ginagamit na bonded warehouse.
Pero toothpick ang operasyon ng nasabing cigarette company kung ikukumpara sa mala-trosong sindikato ng mga resins na namamayagpag ngayon sa Customs. Kaya-kayang bumili ng mga kakampi ang sindikatong ito sa Malacañang!
PATULOY PA rin sa pangungurakot sa suweldo ng mga reservist ang ilang mataas na opisyal ng Philippine Army. Noong nakaraang linggo, January 17, inilantad ko ang sumbong ng isang reservist tungkol sa pagbubulsa umano sa kanilang buwanang suweldo at uniform allowance ng kanilang mga opisyal sa Army.
Ayon sa nagsumbong, buong batch ng 2012 graduates sa 407th Bravo Company sa Sablayan, Occidental Mindoro ang hindi nakatikim na makatanggap ni isang kusing ng kanilang P3,000.00 monthly allowance at P7,000.00 yearly uniform at boots allowance.
Mahigit 260 ang mga reservist ng Batch 2012. Bukod sa batch na ito, kinukurakot din daw umano ang pera ng mga ibang nakaraang batch.
Nakapanayam ko noon si Captain Anthony Bacus, ang Chief ng Public Affairs ng Philippine Army. Nangako si Bacus na aaksyunan ang problema pero hanggang ngayon tikom pa rin ang bibig ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines tungkol sa usaping ito.
Mga kawatang manong sa Philippine Army, mahiya-hiya naman kayo sa mga balat n’yo. Paano n’yo kaya nasisikmurang ipalamon sa inyong pamilya ang mga pagkaing ipinamamalengke ninyo na nagmumula pala sa mga perang ninakaw sa inyong mga sundalo?
IPINAGBAWAL NI Legazpi, Albay Mayor Noel Rosal ang paggamit ng isang ruta ng mga tricycle sa isang parte sa kanilang lugar dahil sa sobra na raw tindi ng trapik doon.
Ayon sa mga nagsumbong sa inyong lingkod, ang mga elementary at high school na estudyante ay napipilitang maglakad nang mahigit isang kilometro para makakuha lang daw ng masasakyan dahil dito.
Ang siste, maglalabas daw si mayor ng 100 unit ng tricycle na pag-aari niya na kanyang ilalagay sa ruta na ngayon ay ipinagbabawal niya na gamitin ng ibang mga tricycle operator. ‘Yun naman pala eh, tsk… tsk… tsk…
Tinangka naming tawagan si Mayor para kunin ang kanyang pahayag, ngunit tumanggi siyang magbigay ng komento.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo