TAMA NGA naman ang kasabihang ito…
Paano mo lilinisin ang dungis ng ibang bakuran kung ang sarili mong pamamahay ay hindi mo maisaayos o mawalis man lang ang mga basura?
Kung baga sa Bureau of Customs (BOC), paano masusugpo ang mga ismagler kung ang mga kasabwat ng mga ito na kumikilos sa mismong bakuran ng ahensiya ay hindi masawata?
Eksakto ito, parekoy, sa ginawa ni Customs Commissioner Ruffy Biazon!
Kabaligtaran ng inaakusa ng kanyang mga kritiko, hindi tumitigil si Biazon na linisin sa mga basura at salot ang Aduana.
Kung baga, hindi na kinakailangang magngangakngak sa media ni Ruffy para sabihin lamang na may ginagawa siya. Hindi uso sa kanya ang pulos dakdak bagkus ang ginagawa niya ay seryosong aksiyon.
Kamakalawa, isang sindikato na binubuo ng mga nagpapanggap na tauhan ng Customs ang ipinaaresto ni Biazon. Ang pito na gumagamit pa ng pekeng ID ay hanep din. Mayroon silang sariling opisina sa loob ng BOC na kumpleto sa kagamitan gaya ng computers para magmukha nga naman silang opisina.
Ang modus ng sindikato ay maki-pagtransaksyon sa mga importers/ brokers kung gusto nilang makapagpalusot ng mga epektos o kargamento.
Nahuli ang pito kataong miyembro ng sindikato matapos ang ginawang pagpapadakip ni Biazon sa isang Nilo Penaflor, nagpapakilalang broker.
Ang matindi sa lokong Penaflor na ‘to, ginagamit na nga niya ang tanggapan ng Office of the Commissioner eh, kinakaladkad niya pa ang pangalan ni Biazon. Ang ipinakakalat ng kumag, eh kaanak daw niya si komisyoner.
Hayun ang loko, tiyak nang maghihimas ng rehas at bayag sa kulungan. Hak, hak, hak!
Samantala, pinakakasuhan na ni Biazon ng Usurpation of Authority ang pitong inaresto. Hindi muna isiniwalat ang kanilang pangalan para hindi mabulabog kung sino man ang kanilang ginagamit na patron sa BOC.
Ang hakbang na ito ni Biazon, parekoy, ay patunay na nililinis niya ang Aduana. At ramdam ng mismong mga taga-Aduana na hinding-hindi siya nagbibiro!
Saludo ang bayan sa inyo Commissioner…. Keep up the good works!
Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303