MARAMING KUMALAT na mga haka-haka tungkol sa pagkadiskubre sa pagkawala ng convicted road rage killer na si Rolito Go sa New Bilibid Prison (NBP).
May mga balitang nagsasabing sobra raw kasi kung magpatubo ng interes si Go sa mga pautang niya sa loob ng NBP na dinaig pa ang 5-6 ng Bumbay. Kaya, ipinadukot daw siya para magantihan at pagkakitaan pa.
Mayroon ding lumilitaw na balitang balak daw talagang tumakas ni Go papuntang ibang bansa at magpagamot na rin doon saka lalaho na lang na parang bula.
May mga haka-haka ring matagal na raw naglalabas-masok si Go sa minimum security niyang kubo sa NBP para bisitahin ang kanyang mga kamag-anak sabay liwaliw na rin daw – katulad sa ginawa ni dating governor Antonio Leviste.
At ang balitang lumabas sa media, na ayon na rin kay Go, siya ay dinukot sa loob ng NBP ng ilang mga kalalakihang nagpakilalang mga agent ng NBI para hingan ng ransom ang kanyang mga kamag-anak. Pero bandang huli, pinakawalan din daw siya ng walang naibigay na ransom money.
PERO ANG isang anggulo na hindi pa lumalabas sa mga haka-haka na dapat paimbestigahan ng Malacañang ay ang posibleng pagkakasangkot ng malaking sindikato sa loob ng NBP sa usaping ito.
Matatandaan na ang pinaka-ultimong dahilan sa pagkakasibak sa puwesto ng dating NBP director na si Ernesto Diokno ay matapos masundan at makunan ng video footage ng isang TV show si Leviste habang pagala-gala sa Makati. Bago pa nito, marami ng mga problema sa loob ng NBP na kinakaharap ni Diokno na nalalagay sa alanganin ang kanyang puwesto noon.
Pero ang kaso tungkol kay Leviste ang ‘ika nga’y “the last straw that breaks the camel’s back”. Sa madaling salita, ‘yun ang nagselyo sa kapalaran ni Diokno.
Ngunit bago mangyari ang lahat, ilang inmates na miyembro umano ng sindikato ng droga sa loob ng NBP ang ipinalipat ni Diokno sa iba’t ibang penal colony sa bansa. Ito ay para ma-control ang paglala ng illegal drug problem sa NBP. Dito na nag-umpisa ang pagdagsa ng sunud-sunod na sakit sa ulo na tinamo ni Diokno.
SA KASO naman sa naka-indefinite leave na NBP Director Gaudencio Pangilinan, nag-umpisa ang kanyang sakit sa ulo nang pakialaman niya ang matinding katiwalian sa P800 million a year catering sa NBP at sibakin ang isa sa mga opisyal sa Bids and Awards Committee. Agad na tumakbo sa media ang taong ito at nag-ala whistle blower kuno.
Nadagdagan pa ang sakit sa ulo ni Pangilinan matapos niyang higpitan ang mga pribilehiyo ng mga VIP inmate na siyang negosyo ng mga empleyado sa NBP. Lumala pa lalo, nang patayin niya ang raket ng mga empleyado tulad na lang sa pagpapahinto sa pagsingil ng bayad sa pag-iwan ng cellphone ng lahat ng mga dumadalaw, atbp.
Pero nayari siya matapos niyang pakialaman ang sindikato ng droga at hulihin ang mahigit P3 million na Shabu at mga baril nila na nakatago sa kisame. Dito na siya hindi umubra.
KUNG MAYROONG Antonio Leviste sa kaso ni Diokno, mayroon namang Rolito Go sa kaso ni Pangilinan. Si Diokno ay sinet-up. Ngayon ang tanong, ano’ng posibilidad na si Pangilinan ay sinet-up din? Ito ang dapat masusing imbestigahan ng Malacañang.
Sa mga nakaraang administrasyon sa NBP sa mga nakaraang taon, bibihira ang magkaroon ng ingay at masibak sa puwesto ang mga namuno, dahil marunong silang “makisama” at sinusunod ang status quo.
Shooting Range
Raffy Tulfo