Single pa rin?

Dear Atty. Acosta:

Good day, po! Nagpakasal po ako sa asawa ko year 2005. Pero siya po pala ay kasal sa dati niyang asawa. 10 years na po silang hiwalay ng kanyang asawa, kasi nanlalalaki daw po ang kanyang asawa. Sa nababasa ko po sa inyong column, null and void ang kasal namin. Ngayon po ang tanong ko, paano ko siya maiaalis bilang beneficiary ko sa SSS. Mayor po pala ang nagkasal sa amin. Papalitan ko pa po ba ang SSS ID ko, kasi dalaga pa ako nang kumuha ng SSS ID. Until now hindi ko pa po pinapalitan at saka po passport ko. Single pa rin ako. Sa ngayon po ay hiwalay na kami ng asawa ko at may isa kaming anak na lalaki. Kung halimbawa po na mag-abroad ako, wala po bang magiging problema sa papers ko.

Abby

ANG KAGUSTUHAN NINYONG mapaalis bilang “beneficiary” sa SSS ang inyong asawa ay mangangailangan ng patunay na ang inyong kasal ay walang bisa.

Ayon sa inyong pagsasalaysay, matagal nang hiwalay sa kanyang unang asawa ang lalaking inyong pinakasalan. Kung sila ay lehitimong kasal at buhay pa o hindi idineklarang patay ng korte ang kanyang asawa noong kayo ay ikasal, ang inyong kasal ay walang bisa.

( Article 35(4), 41 Family Code of the Philippines)

Ganun pa man, wala kayong kapangyarihan para ideklara o sabihing walang bisa ang iyong kasal, ta-nging ang korte lamang ang may kakayahang gawin ito. Kaugnay nito, kailangan ninyong maghain ng petisyon sa korte para ideklarang walang bisa ang inyong kasal. Kapag ito ay naisakatuparan na ninyo at idineklarang walang bisa ang inyong kasal, ang kautusan o pinal na desisyon ng korte na nagsasabing walang bisa ang inyong kasal ay inyong ipapakita sa tanggapan ng SSS para matanggal bilang “beneficiary” ang inyong asawa.

Patungkol naman sa inyong passport na kung saan nakasaad doon na kayo ay walang asawa, hindi ito magiging sanhi ng anumang problema sa inyong paglalakbay.

Ipinapayo namin sa inyo na ilagay sa mga papeles na inyong gagamitin para makalabas ng bansa o sa anumang transaksyon na kayo ay may asawa, lalo na kung sinumpaan ito, sapagkat maaari kayong sampahan ng kasong “perjury” o pagsisinungaling. Hanggang wala pang deklarasyon ng korte na nagsasabing walang bisa ang inyong kasal, hindi pa ninyo maaaring ideklarang kayo ay walang asawa o “single”.

Atorni First
By Atorni Acosta

Previous articlePanalo sa kaso, pero…
Next articleTawid-pasada program, walang silbi at sanhi ng kalituhan

No posts to display