SA ARAW-ARAW na ginawa ng Diyos ay iba’t ibang karanasan ang dumadaan sa ating mga palad. Sa mga karanasang ito tayo natututo at nagkakaroon ng kagalingan para suriin kung ano ang tama o mali. Dahil dito ay nagiging mas mahusay tayo sa buhay at makatarungan sa ating pagpili at pakikitungo sa ating mga kapwa.
Ang mga mabubuting kuwentong-buhay na nangyayari ay ikinatutuwa natin at ikinagagalit naman ang masasama. Kadalasan ay ikinalulungkot natin ang mas maraming bagay na nagaganap sa ating buhay. Subalit, sa mga kuwentong ito ng ating buhay tayo tumatapang at nagiging mas matatag.
Tatlong magkakahiwalay na kuwento ng paniningil nang mahal sa publiko, isyu ng pananampal sa isang tulak ng droga at ang pang-iiwan ‘di umano ng minorya sa Senado kay Senator JV Ejercito ang pag-uusapan natin sa artikulong ito.
ANG PASYALANG Manila Zoo na matatagpuan sa bandang Quirino Avenue, Manila, malapit sa Roxas Boulevard ay naging bahagi na ng “pagkabata” ng marami nating mga kababayan sa Maynila. Isa ito sa itinuturing na pinakasikat sa mga pampublikong pasyalan ng mga taga-Metro Manila. Ang class B, C at D ang mas madalas na klase ng mamamayan ang nagsisipagpasyal dito.
Ang problema ngayon sa pampublikong park na ito ay ang pagrereklamo ng maraming kababayan nating kapos sa buhay hinggil sa sobrang taas na paniningil ng administrasyon ng Manila Zoo sa entrance fee nito. Kung dati ay P20 lang ang regular entrance fee, ngayon ay tumaas na sa P100.00. At kung dati ay P10.00 lang ang special rate ng mga residente ng Maynila, ngayon ay P50.00 na.
Tila hindi na yata makatarungan ang presyong P100.00 na entrance fee para sa mga simple at hirap sa buhay na kababayan natin. Isipin ninyo na kung ang pamamasyal na lang sa Manila Zoo ang tanging libangan ng mga kapos na pamilya, ngayon sa napakamahal na entrance fee nito ay hindi na nila kakayanin pang makapasok sa pampublikong park na ito.
Pati ba naman sa simpleng pagkakaloob ng konting kasiyahan sa buhay sa pamamagitan ng pamamasyal sa pampublikong parke ng Manila Zoo ay maipagkakait pa sa mga tao dahil sa napakamahal na entrance fee? Hindi na ito maka-masa. Parang hindi na ito pang-mahirap! Kaya sa mga kinauukulan na baka maaaring kung hindi man ibalik sa dati ang presyo ng entrance fee sa Manila Zoo, baka puwede pang babaan. Huwag na nating ipagkait sa mga mahihirap nating kababayan ang isang simpleng pasyalan.
PINAGPIPIYESTAHAN NAMAN ngayon sa mga social media ang pananampal sa mukha ni Mayor Herbert “Bistek” Bautista sa isang Chinese drug pusher. Mukhang hindi na nakayanan pang magtimpi ni Bautista pagkatapos magpakita ng kabastusan ang nasabing drug pusher na nahuli ng Quezon City Police District, kaya hindi sadyang nasampal ang salarin.
Hanga naman ako sa pagiging maginoo ng alkalde dahil sa paghingi niya ng public apology sa kanyang nagawa kahit hindi naman talaga kailangan. Maging ang mga taong nagte-text sa amin ay sumusuporta sa ginawa ni Bautista. Katunayan ay pati si Davao Mayor Rodrigo Duterte ay nagsabing walang mali sa ginawa ni Bistek at kung siya ang tatanungin ay baka “natadyakan pa ang drug pusher”.
Minsan ay sadyang lumalabas ang ating pagiging “tunay na tao” na galit sa “masamang gawain”. Ang droga ay lason na sumisira sa lipunan. Ito ang sanhi ng mga karumal-dumal na pagpatay, pagnanakaw at iba pang mga krimen na nagpapahirap sa buhay at kaligtasan ng mga mamamayan. Wala itong pinipili at ang masakit ay kadalasang mga buhay ng kabataan ang nasisira nito.
Natural lang na magalit tayo sa mga taong wala yatang puso at kaluluwa na kayang pagkakitaan ng pera ang buhay na sinisira ng droga. Ako ay umaayon sa paniniwala ni Mayor Herbert na dapat nang ibalik ang parusang bitay sa mga tulak ng droga gaya ng drug pusher na nasampal niya, na tila napakayabang pa at walang takot sa ating batas.
ANG HULING isyu ay ang pagkakaiwan daw sa ere ng minorya sa Senado sa ginawang “kontra-SONA” ni Senador JV Ejercito. Mula na rin sa bibig ni Senator Tito Sotto, ang opisyal na tagapagsalita ng minority block sa Senado, ang pag-iwan sa ere kay Ejercito. Sinabi kasi ni Sotto na walang balak ang minorya na gumawa ng kontra-SONA sa huling SONA ni PNoy dahil naniniwala umano sila na sinsero ang Pangulo sa mga sinabi nito.
Ang lumalabas ngayon ay tila nag-solo at naiwan sa ere si Ejercito. Mahirap na kung kailan nalalapit ang eleksyon ay tila nag-iiwanan sa ere ang mga taga-oposisyon. Puwede rin namang isipin na likas na ito sa kultura ng politika sa Pilipinas na kung saan sa tuwing sasapit ang eleksyon ay nagkakawatak-watak ang mga magkakapartido at kumakampi sa ibang partido.
Baka magulat na lang tayo kung isang araw ay si Vice President Binay ang biglang mang-iwan sa ere kung lumundag ito sa bakuran ng partido Liberal kung saan kasapi si PNoy. Ngunit malakas ang usap-usapan na hindi naman pang-iiwan sa ere ang magaganap, bagkus ay isang pagsasanib-puwersa umano sa isang kumbinasyong Binay-Roxas.
Sa kung ano pa mang karanasan mayroon tayo sa araw-araw, masaya man o nakagagalit, ang pinakamahalaga ay gamitin natin ito upang mapaunlad natin ang ating mga sarili at lipunang ating kinabibilangan.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo