SA TAKBO ng pulitika sa Pilipinas, tila mahirap na nga makahanap ng isang tunay na lider na hindi isang “TraPo”. Ang salitang “TRAPO” ay isang salitang balbal na sumibol para tukuyin ang mga pulitikong gumagalaw base sa tradisyunal na paraan ng pagpapasikat at pagpapabango ng pangalan sa mga tao para matiyak ang pananatili nito sa posisyon bilang halal ng bayan.
Tipikal para sa isang trapo ang pagbebenta ng prinsipyo para lang sa kasiguruhang mananatili sila sa kapangyarihan. Maraming ganitong uri ng pulitiko sa Pilipinas. Mas kilala sila sa tawag na “TraPo”. Kung ang isang senador ay nagpaikut-ikot na sa pagiging kongresista, gobernador, presidente, at bumabalik muli sa mga puwestong ito nang paulit-ulit, walang duda na isang hardcore trapo ito.
Sa darating na halalan sa 2016, hindi na ako nagtataka kung halos lahat ng makikita nating pulitikong tumatakbo sa puwesto ay pawang mga trapo. Mayroon ding mga dating matitino ngunit sa paglipas ng panahon ay napasama na ng pulitika at naging ganap ng trapo. Dapat tayong maging mapanuri ngayong darating na eleksyon para matukoy natin ang kung sino ang hindi “TraPo”.
LANTAD NA sa lahat ng pahayagan ang pag-aanunsyo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na hindi na ito tatakbo sa labanan para sa pagkapangulo. Gaya ng sinabi ni Duterte noon pa man na hihintayin niya ang payo ng kanyang pamilya, naging matapat si Duterte sa kanyang binitawang mga salita. Sumapit na ang takdang panahon at nagdesisyon siya ayon sa idinidikta ng kanyang konsensya, sa saloobin ng kanyang pamilya, at prinsipyong iniingatan sa buhay.
Saludo ako bilang isang mamamahayag sa ipinakitang katapatan ni Duterte sa kanyang mga salita at gawa. Bibihira na siguro ang mga pulitikong tulad niya na hindi iniisip ang sariling kagustuhan, bagkus ay inuuna ang kanyang pamilya at bayan. Hanga ako sa kanya bilang isang matapang, matalino, makatao, at maprinsipyong lider ng bayan. Si Duterte ang isang mabuting halimbawa ng hindi trapong pulitiko.
Nakapanghihinayang isipin na magreretiro na siya sa 2016, ayon na rin sa kanyang pahayag noong ibinalita niyang hindi na siya tatakbo sa pagkapangulo. Sa tingin ko ay nawalan ng pagkakataon ang Pilipinas na magkaroon ng isang magaling na pangulo ng bansa. Hindi rin naman unang nangyari ito sa Pilipinas. Maraming mga lider ang bansa na dapat sana’y naging pangulo ng Pilipinas ngunit hindi ito nangyari. Sina Jerry Roxas, Epifanio Delos Santos, Ninoy Aquino, at Jovito Salonga ay dapat sana’y naging magagaling na pangulo ng ating bansa.
NGAYON, ISANG bagong panghihinayang na naman ang hindi pagtuloy ni Mayor Duterte sa pagkapangulo. Ngunit, dito rin natin napatunayan kung gaano siya katapat sa kanyang mga salita at ipinakita niya na hindi siya isang trapo. Nakalulungkot lang na tila naiwan sa ating pagpipilian ang mga kandidatong kailangan pang patunayan ang kanilang sinseridad sa paglilingkod sa bayan. Sina DILG Secretary Mar Roxas, Senator Grace Poe, at Vice President Jejomar Binay ay may kani-kaniyang laban sa pagtatanggol sa kanilang mga sarili mula sa akusasyon ng pagiging trapo.
Si VP Binay ay naging bukas naman sa kanyang intensyon tumakbo sa pagka-pangulo mula sa unang araw pa lamang ng kanyang pagkaupo bilang pangalawang pangulo. Halos abot-kamay na rin niya ang pagpalit kay PNoy sa pagka-pangulo dahil pinagharian niya ang pangunguna sa survey ng iba’t ibang kompanya sa pagsukat nila sa kahusayan ng isang lingkod-bayan. Mas mataas pa ang mga nakuha ni VP Binay noon kumpara kay PNoy sa satisfactory rating ng isang ehekutibo.
Ngunit pagkaraang naglabasan ang mga isyu at alegasyon kay Binay ay kasabay na nitong gumuho ang mataas na popularity rating niya. Ang puna ng marami ay tila umiiwas siyang harapin ang mga isyu at bintang sa kanya. Ang mga ebidensyang ipinakikita sa pag-iimbestiga ng Senado ay nanatiling totoo sa mata at isip ng mga tao dahil nabigo si Binay na harapin at pabulaanan ang mga ito.
Dagdag pa sa binabata ni Binay ang kritisismong gaya ng maraming TraPo, inilagak din niya ang kanyang buong pamilya sa mga posisyon sa pulitika gamit ang kasikatan ng pangalang Binay, yaman, kapangyarihan, at impluwensya. Ang isyu ng dynasty ay isang mabigat na pasanin ngayon ni Binay.
SI GRACE Poe ang tila pumalit sa kasikatan ni Binay bilang isang presidential bet. Bagong pangalan sa pulitika ngunit bitbit ang kasikatan ng kanyang ama na itinuturing na isang legend, hari ng pelikulang Pilipino at ganap na isang National Artist. Nagpakita rin siya ng kahusayan sa trabaho bilang MTRCB chairman at senador. Kaya lang ay naging iskeptikal ang mga tao sa kanyang tila pamumulitika base sa mga huling isyu na kanyang sinawsawan.
Marami rin ang kritikong bumabatikos sa tila matagal na pag-aanunsyo niya ng kanyang opisyal na pagtakbo sa pagka-pangulo sa kabila ng pagdalo niya sa mga pagpupulong ng mga presidentiables at paglalabas niya ng isang political advertisement gaya nila Roxas at Binay. Maaaring nangunguna pa rin si Poe ngayon sa mga survey, ngunit hindi naman ginagarantiya ng survey results ang kagalingan, katapatan, pagkakaroon ng prinsipyo sa buhay, at hindi pagiging trapo.
Shooting Range
Raffy Tulfo