SI DOMINIC Alfred Tan ay isang online seller ng mga high-end cellphones na nagsimula noong taon pang 2010.
Sa kanyang online profile, makikita ang daan-daang mga positibong feedback mula sa mga nabentahan niyang customer. At marami sa kanila ang nagsabing siya ay madaling katransaksyon.
Pero marahil ang positibong feedback na ito ang siya ring naglagay sa kanya sa kapahamakan dahil nakita ng mga kawatan na malakas siyang kumita kaya masarap siyang gawing biktima.
Dahil madali siyang katransaksyon, inisip din ng mga kawatan na madali rin siyang ihulidap.
NOONG FEBRUARY 24, tulad ng kanyang nakagawian, nakipagkita siya sa isang “customer” na gustong bumili ng cellphone. Ang napili nilang meeting place ay isang gasoline station sa Mandaluyong City.
Hindi niya alam na ang taong inakala niyang customer ay pain lang pala. Matapos mainspeksyon ng pain ang iPhone 4S at maipaliwanag na rin ni Dominic ang mga features nito, nag-abot ng P1,500.00 ang nagpapanggap na customer.
Pumalag si Dominic dahil P12,800.00 ang halaga ng cellphone. Sinabi ng kanyang katransaksyon na saglit lang dahil kukuha pa siya ng pera sa kanyang kasama. Pero paglabas nito ng kotse ni Dominic, biglang kinuyog si Dominic ng mga armadong kalalakihang nakasibilyan at nagpakilalang mga pulis.
Sinabihan si Dominic ng grupo na kailangan siyang sumama sa presinto dahil may mga nagrereklamo raw sa kanya na mga customer na napagbentahan niya umano ng mga nakaw na cellphone.
PAGDATING NG presinto, dinala si Dominic ng grupo sa opisina ng hepe ng Criminal Investigation Unit. Dito nakaharap niya si Police Inpector Herculano Mago Jr. Ang unang agad na tinanong ni Dominic kay Mago ay nasaan ang mga complainant at nais niyang makaharap ang mga ito.
Pero sinabihan siya ni Mago na nasa kabilang kuwarto lamang sila. Sinabi ni Dominic na may nais siyang tawagan, ngunit bago pa man niya magawa ito, agad na inagaw ng isa sa mga miyembro ng grupo ang kanyang cellphone.
Kinuha rin nila ang kanyang limang unit ng iPhone 4S, isang iPad 4 at isang iPhone 5S. Kinumpiska rin ng grupo sa kanyang wallet ang halagang P77,000.00 na mula sa mga nabentang cellphone.
Pagkatapos noon, maya’t maya, paulit-ulit na sinasabi ng mga kasamahan ni Mago kay Dominic na paparating na ang iba pang mga complainant laban sa kanya na ikinatuwa naman ni Dominic dahil nais niyang kumprontahin ang mga ito.
SINABIHAN NI Mago si Dominic ng “palalayain ka namin pero wala kang makukuha sa mga ito (cellphones at pera niya) dahil ibabayad sa mga complainant mo.”
At kasama rin sa kondisyon ng kanyang kalayaan ay ang pagpirma sa isang pirasong papel na nagsasabing walang ginawang masama sa kanya ang Mandaluyong PNP at hindi siya magrereklamo laban sa kanila.
Dahil sa pagod at dala na rin ng takot, napilitan siyang pirmahan ang nasabing dokumento. Pasado alas-onse na ng gabi nang siya’y pakawalan ng mga pulis.
Mula nang damputin hanggang sa siya ay tuluyang makaalis ng presinto, ni isa sa mga sinasabi ng grupo na complainant laban kay Dominic ay ‘di niya nakaharap.
Noong March 4, dumulog na sa Wanted Sa Radyo (WSR) si Dominic para magsumbong. Agad ko namang tinawagan ang isa sa miyembro ng grupo na dumampot kay Dominic at nakausap si SPO2 Lito Custodio.
Ang bungad kaagad sa akin ni Custodio ay nai-file na raw ang kaso sa piskalya. At direct filing daw ang ginawa nila. Pinanindigan ni Custodio na entrapment operation ang nangyari dahil sa reklamo raw ng isang estudyante.
Sinabi rin sa akin ni Custodio na ang mga cellphone na nakuha nila kay Dominic ay kanilang ipinasa raw sa piskalya bilang ebidensya.
PERO NANG mag-usisa si Dominic sa Mandaluyong Prosecutors Office, sinabihan siyang walang nai-turn over ang mga pulis na mga cellphone na nakuha sa kanya. Tadtad din ng butas ang mga diskarte at pahayag ng grupo ni Mago.
Una, sa sinasabi ng mga pulis na nahuli nila sa akto si Dominic na nagbebenta ng nakaw na cellphone sa isa nilang asset, bakit hindi nila agad ito ipina-inquest, at pinakawalan pa?
Pangalawa, sa sinasabi ng mga pulis na may mga complainant laban kay Dominic, at isa nga raw rito ay estudyante, bakit hindi inihinarap ang mga ito kay Dominic sa presinto?
Pangatlo, sa sinasabi ng mga pulis na nagreklamo ang ilan sa mga customer ni Dominic dahil nakaw raw ang nabili nilang unit, nasaan iyong mga taong napagnakawan na dapat sanang magsisilbing pangunahing complainant?
‘Di ba dapat maunang magreklamo muna ang mga nanakawan ng cellphone bago makapagreklamo ang mga nakabili nito? Dahil paano malalaman ng mga customer na galing sa nakaw ang kanilang nabili kung walang magrereklamong nanakawan?
KINAUSAP KO rin ang Chief of Police ng Mandaluyong na si Police Superintendent Tyrone Masigon. Nangako si Masigon na paiimbestigahan ang kaso at sinabi niyang tama lang na isoli ng kanyang mga pulis ang mga cellphone at pera na nakuha kay Dominic.
Hiniling din ni Masigon kay Dominic na pumunta sa kanyang tanggapan para matulungan niya ito. Pero laking gulat na lamang ni Dominic nang mapag-alaman niyang sa mismong araw ng kanyang pagpunta sa WSR ang araw na pagsampa ng kaso ng mga pulis sa piskalya laban sa kanya sa kasong pagbebenta ng mga nakaw na cellphone.
Lumilitaw na ginantihan siya ng mga pulis dahil sa pagsumbong sa WSR. Dahil doon, hindi na dumaan si Dominic kay Masigon at dumiretso na ito kasama ang crew ng WSR sa CIDG Camp Crame na siya namang tumulong para makapagsampa si Dominic ng kaso sa Office of the Ombudsman.
Ang mga kasong isinampa kay Police Inspector Herculano Mago Jr. at sa kanyang mga kasamahan ay criminal and administrative cases – robbery, illegal arrest, arbitrary detention at violation of R.A. 3018 – anti-graft and corrupt practices act.
Sa tulong ng CIDG, nakilala ni Dominic ang iba pang mga pulis na sangkot umano sa panghuhulidap sa kanya sa pamamagitan ng photo gallery ng mga pulis Mandaluyong. Sila ay sina PO2 Julius Bacero, PO2 Angelito Consigna at PO1 Edwin Tan. Ang tanong ngayon, sino ang kawatan, ang mga pulis o si Dominic?
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo