GALIT TAYO SA mga kabulastugang ginawa ng mag-asawang Arroyo noong sila pa ang hari sa Palasyo!
Dahil dito, naniniwala tayo, parekoy, na dapat lamang pagdusahan ng mag-asawa ang kanilang kahayupan!
Na kung iisa-isahin, baka mangalay na tayo sa kasusulat ay hindi pa rin mailalahad lahat.
In short, napakarami talagang paglabag sa batas na ginawa ang mag-asawang ito!
Karma na ito sa kanila, ‘ika nga!
Pero, sa ganang akin, dapat silang papanagutin doon lamang sa mga paraang legal at hindi nararapat na gamitan ng maniobra na labag din sa batas.
Dahil walang kuwenta kung sa pagbabayad ng mag-asawang Arroyo sa kanilang mga kalapastanganan noon ay makagagawa rin ang administrasyong Aquino ng mga paglabag sa batas!
Ibig kong sabihin ng legal na paraan ay ang pagsunod sa utos ng korte.
Sa totoo lang, parekoy, bagama’t kuwestiyonable pa rin sa mga Arroyo ang “jurisdiction” ng Regional Trial Court, gayunman, masaya na rin tayo dahil medyo bumaba na ang tension sa pagitan ng Palasyo at Korte Suprema.
I mean, kung hindi man sinunod ng tropang De Lima ang utos (Temporary Retraining Order) ng Supreme Court, at least sinunod naman nila ang utos ng Regional Trial Court.
At in full force pa!
Hak, hak, hak!
Bibigyan natin ng pansin, parekoy, unang nagpalabas ng utos (TRO) ang Kataas-taasang Hukuman, ngunit dahil hindi ito pabor sa gusto ng Palasyo ay tahasan itong sinuway.
Ayon sa tropang De Lima, magpa-file pa sila ng motion o kanila pang iaakyat sa korte ang legalidad ng usapin kaya hindi pa ito nararapat ipatupad.
Kung ganito ang basehan, hindi ba’t nagsampa rin ng motion ang mga Arroyo o nasa korte pa ang usapin sa legalidad ng joint Comelec-DoJ committee?
Eh, bakit agad na nilang ipinatupad ang findings nito at isinampa sa RTC ang kaso?
Isa pa, hindi ba’t 4:30 ng hapon noong Biyernes ay kinuwestiyon ng mga abogado ng Arroyo ang order ng RTC sa pamamagitan ng pagsampa ng motion?
Eh, bakit agad itong ipinatupad ng Palasyo?
Ibig bang sabihin, ang korte na kinikilala ng Palasyo ay ‘yun lamang korte na nagbibigay ng order na sang-ayon sa gusto ng administrasyong Aquino?
Hindi ba’t selective justice ang tawag sa ganito?
Aba eh, akala ko ba ay all-out justice ang commitment ng Palasyo?
Matuwid na daan pa ba ito?
Na kaagad sinunod ang utos ng RTC pero isinantabi ang utos ng Korte Suprema?
Sa pagkakaalam nina P-Noy at tropang De Lima, sino ba ang tinatawag na korte?
‘Yun lang bang korte na sumusunod sa kanilang kapritso? Pwe!
Sa panig naman nina Gloria, hindi ba’t ang Department Circular #41 o ang paglalabas ng Watch List Order ay ipinatupad sa kanyang kapanahunan?
Sa pamamagitan ng kanyang DoJ Secretary noon na si Alberto Agra?
Eh, bakit nila ito kinukuwestiyon ngayon sa Korte Suprema na sinasabing unconstitutional, samantalang sila ang may gawa nito?
Ibig bang sabihin ay legal ito noong panahon pa ng kanilang katarantaduhan pero ngayong ginagamit na ito kontra sa kanila ay illegal na?
Letseng buhay ito… ang gulo!
At ang kaguluhang ito, parekoy, o kaliwa’t kanang paglabag sa batas, sa totoo lang ay sinimulan noong panahon ni lola Glory.
Na sinusundan naman ngayon nina P-Noy!
Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303