ISANG KASAMAHAN ko po ang nasabit sa isang kaso rito sa Jeddah. Matagal ko na pong kasama ito at alam kong wala siyang kasalanan. Ilang buwan na po siyang nakakulong at ni minsan ay hindi siya nabisita ng sinumang abogado o tauhan ng ating embahada. Halos masira na po ang kanyang ulo dahil sa kanyang desperadong sitwasyon. Gayundin ang pag-aalala ng kanyang pamilyang nandito. Ang asawa niya ay dinapuan na nga ng sakit at ang mga anak niya’y kung saan-saan na napadpad. Sa sobrang awa ko ay ako na ang tumutulong sa kanila. Pero hindi ko po maibuhos ang buong panahon ko dahil ako ri’y nagtatrabaho. Wala po bang maitutulong ang pamahalaan sa anyo ng abogado o legal assistance? — Dino mula sa Jeddah
SA ILALIM ng batas, meron tayong Legal Assistance Fund. Ito ay maaaring gamitin bilang pambayad sa dayuhang abogado na nakontrata ng pamahalaan para kumatawan sa OFW na nahaharap sa kaso sa ibang bansa.
Maaari rin itong gamiting pampiyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado o para ipambayad sa korte at iba pang cost of litigation.
Sa ilalim ng kasalukuyang regulasyon, ang pambayad sa mahusay na abogado ay hindi hihigit sa $3,000 bawat akusado. Ang pampiyansa naman ay hindi rin hihigit sa $3,000 bawat isa.
Liban pa sa mga gastos sa korte, sagot din nito ang gastos sa biyahe, pamasahe at per diem gayundin ang mga pambayad sa mga gastos sa komunikasyon na may kinalaman sa tulong para sa legal na serbisyo ayon sa karampatang tuntunin at regulasyon.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo