NGAYONG LUMABAS na ang hatol ng Kataas-taasang Hukuman sa isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP), ang tanong ng marami ay mayroon bang kailangang managot? Paano pananagutin ang mga maysala? Sino ang tunay na may sala?
Sa mga tanong na ito iikot ang ating talakayan sa artikulong ito. Bubusisiin natin ang tunay na intensyon ng DAP at kung bakit ito idineklarang unconstitutional. Babalangkasin din natin ang depensa ng Palasyo na ginawa ang DAP “in good faith” at kung sapat ba ang dahilang ito para masabing walang pananagutan ang pamahalaan dito.
Titingnan din natin ang prinsipyo sa likod ng isang tunay na demokratikong pamahalaan kung saan bukas dapat ito sa lahat ng uri ng pagsisiyasat at imbestigasyon, maging sa sarili nitong mga opisyales o pag-iimbestiga sa pangulo mismo kung siya ba ay tunay na may sala at pananagutan. Sa huli ay gagawa tayo ng isang pagbalangkas sa estado at kalikasan ng ating kasalukuyang sistema ng pamamahala.
AYON SA ilang mga political scientists at eksperto sa politika ay nag-uugat ang DAP sa sistema ng pagnanakaw ng pera ng bayan sa panahon ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Sa isang kakaibang sistemang politikal sa pamamahala ng bansa o mas kilala sa tawag na “modified parliamentary system” ay nagawa ng namayapang dating Pangulong Marcos na maisakamay nito ang paggawa ng batas, pag-interpreta ng batas at siya ring pagpapatupad nito.
Ang kaibahan ni Marcos kay PNoy sa usaping legalidad ng DAP ay nasa uri ng pamahalaang pinatatakbo at mga prinsipyong nakapaloob dito. Ang estilo ng bersyon ng DAP ni Marcos ay legal dahil sa loob ng isang “modified parliamentary government” ay nasasakamay rin ng presidente ang tinatawag na “power of the first” ng Kongreso. Samantala, sa ilalim ng “presidential form” ng gobyernong Aquino ay malinaw ang pagkakahiwalay ng kapangyarihang ng lehislatibo at ehekutibo.
Ang pagkakaroon ng power of the first ng Kongreso ang dahilan kung bakit hindi maaaring magpasya ang ehekutibo o ang pangulo ng bansa sa kung ano at saan dapat mapunta ang pondo ng bayan. Tila hindi yata nakita ni Secretary Butch Abad ang kaibahang ito at ng iba pang mga gobyernong sumunod kay Marcos kaya patuloy nila itong inabuso.
Masasabi nating matalino talaga si Marcos dahil alam niya ang mga alituntunin at pangangailangan ng isang pamahalaan alinsunod sa batas na itinatakda ng Konstitusyon. Ngunit, hindi naman natin sinasabing tama ang ginawa ni Marcos sa pagpapaikot ng kapangyarihan ng gobyerno sa kanyang mga kamay dahil ito mismo ang nagluklok sa kanya sa bansag na diktador.
ANG DAP ay hindi ayon sa Konstitusyon base sa pagbabalangkas ng Korte Suprema at napakalinaw naman sa ating lahat kung bakit. Gaya ng ipinaliwanag ko sa itaas na ito ay dahil sa pagkakaroon ng magkahiwalay na kapangyarihan ng tatlong sangay ng gobyerno.
Batay sa sinusunod nating porma ng pamamahala na isang “presidential form”, ang “power of the first” o pagpapasya sa pondo ng bayan at kung saan ito mapupunta, ay nasa kapangyarihan ng Kongreso at wala sa kapangyarihan ng ehekutibo o ng pangulo. Ang ginawang pangingialam ng gobyerno sa pagpapasyang ito sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng DAP ay malinaw na pagsuway sa tinatawag na “separation of powers”.
Madali naman itong maunawaan lalo na ng mga abogado at political scientists na sa tingin ko ay marami sa mga tagapayo ni PNoy ang may ganitong kakayahan at kaalaman. Ngunit ang tanong ay bakit sa kabila ng napakalinaw na probisyong ito ng Saligang Batas hinggil sa “separation of powers” ay itinuloy pa rin ng pamahalaan ang DAP?
Dalawa ang sagot sa tanong na ito. Una, ay dahil sa nakasanayan na ito mula pa sa panahon ng pamamahala ni Marcos. Pangalawa, walang pumupuna at nakalulusot ito sa taong bayan. Kaya naman sa tingin ko ay dapat talagang may managot sa panloloko at pang-aabusong ito.
Hindi sapat na dahilan na ginawa ito ng pamahalaang PNoy “in good faith” dahil hindi naman tayo naniniwala sa pilosopiyang “the end justifies the menas”. Kung magiging ganito kasi ang paniniwala natin ay dapat hindi natin ikulong ang mga taong nagnakaw dahil kailangan nilang pakainin ang kanilang mga pamilya. Ang pagpapakain at pag-aruga sa pamilya ay isang “benevolent action” o mabuting gawa. Ngunit, hindi rin naman katanggap-tanggap na galing sa nakaw ang ipakakain mo sa iyong pamilya.
KUNG NAIS nating tunay na maging matuwid ang ating pamahalaan ay panahon na para panagutin ang mga may kasalanan. Dito lang magkakaroon ng tunay na katarungang panlipunan. Kung ang pangulo man ay nagkasala kahit hindi niya ito sadya o hindi niya alam na mali ito, dapat niyang papanagutin ang kanyang sarili.
Ang mga magigiting na pinuno ay yaong mga nagkamali at kusang pinanagot ang sarili sa pagkakamali sa pamamagitan ng pagbibitiw sa tungkulin. Ang mga simpleng manggagawa kapag nagkaroon ng pagkakamaling administratibo sa ganito kalaking lebel at pinsala ay tahasang inaalis sa puwesto. Ganito rin dapat ang maging patakaran ng pamahalaan sa kaso ni Abad.
Ang PangulongAquino man ay dapat magkaroon ng pananagutan dito. Kahit alam natin na politikal ang prosesong “impeachment” at mukhang malabo ito dahil sa malaking alyansang politikal ng Pangulo, dapat ay magkusa siya na magbitiw dahil ito ang kanyang ipinangako sa taong bayan.
Ang tuwid na daan ay magiging makatotohanan kung ang mismong pinakamataas na opisyal ng gobyerno ang magiging halimbawa ng pagiging matapat sa pangako nito na lahat ay lilinisin at aalisin ang mga mali at kurakot sa gobyerno maging sino man ito o maging ang Pangulo mismo.
Ang tunay na matuwid na lider ay yaong kapagnagkamali ay aaminin at tatanggapin ang pagkakamali. Bukod sa pagtanggap at pag-amin at dapat bumaba rin ito sa puwesto dahil “public office is a public trust”.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo