ANG DEPARTMENT of Labor and Employment (DOLE) ay nagpalabas ng cease and desist order para ipatigil ang operasyon ng contractor ng warehouse na bumagsak sa Guiguinto, Bulacan noong nakarang Lunes, kung saan ito ay kumitil sa buhay ng 12 katao, kasama na ang isang 14 taong gulang na batang manggagawa.
Batay sa imbestigasyon ng DOLE, ang Hoclim Co Construction Corporation na responsable sa pagpapatayo ng warehouse ay nag-o-operate nang walang kaukulang permit at nagpatrabaho pa ng isang menor de edad na batang lalaki. Si Edmund Bernabe ang 14 na taong gulang na batang namatay sa insidente. Dagdag pa rito na wala rin umanong aprubadong papeles ito para sa Construction Safety and Health Program (CSHP).
Hindi na bago ang sakunang ito sa atin. Paulit-ulit na lang ang mga ganitong trahedya dahil tila hindi naman ginagawa nang tama ng mga nasa gobyerno ang kanilang trabaho. Ang mga taga-local government unit na siyang nagmamatiyag at nagbabatantay sa mga kompanyang ito ay dapat nang gawin nang maayos ang kanilang mga trabaho upang hindi nakalulusot ang mga ganitong proyekto.
MARAMING TAON na ang nakalipas ay mayroong isang disco pub sa Timog, Quezon City na nasunog habang maraming mga kabataan dito ang nagsasayawan. Marami sa kanila ang nilamon ng apoy nang buhay sa loob ng Ozone Disco club dahil walang fire exit ang naturang gusali. Tumagal na ang kaso at ilan lamang ang napatunayang may sala. May nakulong pa ba sa krimeng ito?
Ang mahirap sa atin ay pinatatagal lang ang kaso hanggang ang isyu ay malimot na at hindi natin namamalayang wala nang mananagot dito at nakabalik na sa dating gawain ang mga responsable sa ganitong sakuna. Lagi na lang na ang mga mayayamang may-ari ng kompanyang sangkot ay nakalulusot sa kaso. Kapag naglaon ay babayaran lang ang mga taong nagdedemanda at ayos na ang lahat.
Malaki talaga ang nagagawa ng pera lalo na kung ang mga nasa gobyerno ay tila nababayaran. Sigurado akong maraming mga kompanyang gaya ng Hoclim Co Construction Corp. na nakalulusot sa mga permit at regulasyon ng gobyerno dahil sa suhol na ginawa nito sa ilang tanggapan ng pamahalaan.
ANG PROBLEMA rin sa DOLE ay kumikilos lamang tuwing matatapos na ang isang trahedyang tulad nito. Napakaraming mga labor problem gaya ng unfair labor practice, child labor, at mga bagay na may kinalaman sa safety ng mga manggagawa na umiiral sa maraming kumpanya pero tila hindi nila tinutugis hanggang hindi ito nasangkot sa isang trahedya o isyu ng korapsyon.
Ang mga violation na sinabi nila sa kanilang report gaya ng hindi pagtalima sa Republic Act 9231: “An Act Providing for the Elimination of the Worst Forms of Child Labor and Affording Stronger Protection for the Working Child by employing a child laborer in hazardous work like construction” ay patuloy na binabale-wala ng maraming construction firms sa bansa. Kung susubukan lang tumambay ng mga taga-DOLE sa mga construction site nang isang araw ay tiyak na marami silang makikitang paglabag sa batas.
Ang siste ay nand’yan lang ang mga iyan at magre-report ng napakaraming violation pagkatapos na lang ng aksidente o isang trahedya gaya nito, na maraming buhay na ang nasayang. Kung noon pa man ay ginawa na ng DOLE ang trabaho nito nang maayos, hindi na sana naka-operate ang kompanyang responsable rito at wala sanang namatay.
KUNG MAPATUTUNAYAN daw na nagkasala ang mga ito, sila ay nahaharap sa multang hindi bababa sa P100,000.00 hanggang isang milyong piso o pagkakakulong nang hindi rin bababa sa 12 hanggang 20 taon. Ito lang ba ang katumbas ng buhay ng mga biktimang namatay sa trahedyang ito? Mayroon nga bang maipakukulong? Sa tingin ko ay hangga’t walang negosyanteng maipakukulong ang ating pamahalaan ay patuloy ang ganitong problema sa atin.
Malalakas ang loob ng mga negosyanteng ito na magpatakbo ng mga kompanya nila sa kabila ng hindi nila pagsunod sa mga alituntunin ng batas dahil tila kayang-kaya nilang lusutan ang mga kasong gaya nito at ginagamit nila ang kanilang mga salapi bilang panangga.
Ang may sala rito ay parehong ang mga kompanyang hindi tumupad sa mga alituntunin ng batas at ang gobyerno dahil patuloy pa rin ang korapsyon, bayaran, at suhulan sa mga tanggapang nangangasiwa sa mga pagpapatayo ng gusali at mga bagay na may kinalaman sa trabaho at mga manggagawa.
KUNG SERYOSO ang DOLE sa mga sinasabi nitong dapat ay maayos ang mga benepisyo tulad ng Pag-ibig, PhilHealth, SSS, pasahod nang tama, at mga safety programs para sa mga manggagawa ay dapat simulan na ito ng DOLE at imbestigahan na ang lahat ng kompanya. Hindi na nila dapat hintayin ang magkaroon ng isa pang trahedya para magdadadakdak sila ng mga violation ng mga pribadong opisina.
Sobra na ang kaapihan ng mga manggagawang Pilipino. At labis na ang pagdurusang dinaranas ng mga maralitang manggagawa. Ang pamahalaan din ay may sala at marahil nga ay ito ang pinakamakasalanan sa lahat.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo