WALA PA ring matukoy na mga suspek at motibo ang mga awtoridad tungkol sa pag-ambush at pagpaslang kay Police Chief Inspector Romeo Ricalde Jr., ang chief ng Special Operations Unit (SOU) ng Northern Police District (NPD). Bago napunta sa SOU si Ricalde, siya ay nagkapagsilbi rin bilang hepe ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng NPD.
Ayon sa mga report, si Ricalde ay papauwi na ng kanyang bahay mula sa kanyang opisina, sakay ng kanyang SUV, nang tambangan ng riding-in-tandem ng dalawang ‘di pa nakikilalang tao sa Quezon City noong Biyernes. Ilang bala ng M-16 riffle ang na-recover sa crime scene.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Superintendent Richard Albano, si Ricalde ay may dalang cash na nagkakahalaga ng P199,000.00, US$401.00, at 100.00 Euros nang siya’y tambangan. Ito ay hindi raw pinakialaman ng mga salarin at nai-turnover din sa misis ni Ricalde, ayon pa rin kay Albano.
ISANG MAPAGKAKATIWALAAN source sa NPD ang nagsabi sa akin na nakasisiguro siyang may kinalaman sa kanyang trabaho ang motibo sa pagpaslang kay Ricalde.
Bagama’t maraming malalaking kaso ang hinawakan at kinasangkutan ni Ricalde at ng kanyang grupo sa SOU partikular na noong siya’y nasa DAID pa, dalawang kaso ang dapat daw silipin ng mga awtoridad.
Ang isang kaso raw na ito ay tungkol sa mga tauhan ni Ricalde sa DAID na nasangkot sa pagdukot ng kanilang asset nitong taon at pag-salvage umano rito para patahimikin. Nabuhay raw ang nasabing asset at nagsumbong ito sa kamag-anak na isang pulis din pala.
At ang pangalawang kaso ay ang tungkol daw sa mga tauhan ni Ricalde sa SOU naman na tumawid ng Maynila at pumunta ng Binondo para kalawitin ang isang negosyanteng Chinese doon. Pinakawalan din daw ang Chinese matapos nitong makapagbigay umano ng kalahating milyong piso. Ang nasabing Chinese ay may isang kaibigan daw na taga-NBI na siyang nag-udyok dito na magsumbong kay Director General Marcelo Garbo Jr., ang chief ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
HINDI KO na mabilang ang dami ng mga sumbong na aking natatanggap sa Wanted Sa Radyo (WSR) hinggil sa mga miyembro ng DAID na nasasangkot sa panghuhulidap, at kung minsan pa nga, pagpaplanta ng droga sa kanilang mga biktima para pasukahin ng pera.
May ilang pagkakataon pa nga na ang magandang asawa o live-in partner ng kanilang hinuling tao ay napagdidiskitahan at minomolestya bago nila pinakakawalan ang kanilang biktima – ito ay matapos na sila ay tumanggap na ng hinihinging pera at naipa-deed of sale na rin nila sa pangalan ng kanilang asset ang motorsiklo ng biktima.
Marami sa mga taga-DAID na ito – at least 80 percent – ay mga taga-NPD. At ang 20 percent ay paghahatian na ng QCPD at Southern Police District (SPD).
Notorius talaga ang mga taga-DAID ng NPD sa gawain na kung tawagin sa police lingo ay “tawid-teritoryo” – ang paghuli sa mga umano’y drug pusher sa ibang lugar na hindi nila sakop nang walang kaukulang coordination.
Ang kanilang pakay talaga rito ay hulidap. Kadalasan, kapag pumunta at nagsumbong ang kanilang biktima sa kinauukulan, mahirap silang matukoy dahil wala nga sila sa gallery ng mga litrato ng mga pulis ng lugar na nakasasakop sa kanilang pinagkalawitan ng kanilang biktima.
Pero may ilang sumbong na rin akong natanggap tungkol sa mga miyembro ng SOU ng NPD na nanghuhuli umano ng mga delivery truck na may mga lamang kargamento at ikinukulong ang driver at pahinante sabay na ini-impound ang truck sa ‘di malamang violation. Saka pa lamang pinakakawalan daw ang mga ito kapag pumunta ang may-ari sa presinto para makipag-usap at “makipag-areglo”.
MAKAILANG BESES ko nang iminungkahi sa aking programang WSR, maging sa espasyong ito, na dapat ang mga miyembro ng Anti-Illegal Drugs ng ating kapulisan ay sumailalim sa periodic random drug testing at lifestyle check.
Kailangan din na huwag silang tumagal sa kanilang puwesto para maiwasan na makapag-establish para ‘di matukso dahil maraming pera sa droga. May alam akong mga pulis na napababalitang pagkatapos ng ilang taong pagsilbi sa Anti-Illegal Drugs, sila’y nakapagpundar ng mga KTV bar, restaurant, ilang unit ng taxi, rental apartment complex, pawnshop at lending company na nagpapautang sa high rollers ng mga casino.
Shooting Range
Raffy Tulfo