AKO AY MAY kontrata para magtrabaho sa Dubai nang dalawang taon. Noong isang taon ay nagsimula akong magtrabaho sa isang telephone company. Nakakaisang taon pa lang ako sa pagtatrabaho ay bigla na lang namatay ang aking matandang employer. Dahil dito, pinalitan siya ng panganay niyang anak. Hindi naging maganda ang pagpapatakbo ng anak sa kumpanya. Dahil dito, may ilan kaming kasamahan na nagsumbong sa ating labor attache sa Dubai. Nalaman ito ng anak ng employer at agad-agad ay pinatalsik kaming limang manggagawa. Pag-uwi namin dito sa Pilipinas, agad kaming nagtungo sa ahensyang nag-recruit sa amin para alamin kung ano ang aming gagawin. Ngunit hindi kami pinansin. Sabi ng ahensya, sa employer muna kami makipag-usap dahil wala silang alam sa nangyari. Ngunit ayaw na kaming kausapin ng employer. Balak po sana naming magsampa ng kaso sa DOLE. Puwede po ba naming sampahan ng kaso ang ahensya kapag walang nangyari sa paghahabol namin sa employer?
– Alvin ng Batangas City
UNA MUNA’Y ALAMIN mo kung tama at may basehan ang pagkakatanggal sa inyo. Kung may dahilan ang pagpapatalsik sa inyo, wala na kayong habol. Pero kung hindi tama ang pagpapaalis sa inyo, maaari kayong maghabol at magsampa ng kaso rito sa National Labor Relations Commission. Tandaaan na ang may pananagutan na patunayan kung may basehan o wala ang pagpapatanggal sa OFW ay ang employer at hindi ang manggagawa.
Pangalawa, palaging nangyayari na bago makapagsampa ng kaso ang isang OFW ay napaalis na siya at nandito na siya sa Pilipinas. Kaya’t ang hinahabol ng manggagawa ay ang ahensya na siyang naririto sa bansa. May tatlong partidos na kasangkot sa kaso mo. Una ay ang foreign employer. Pangalawa ay ang ahensya. At pangatlo ay kayo, ang mga OFW. Sa pananaw ng batas, isang partido lamang ang employer at ahensya. Iisa lang ang kanilang kinakatawang interes. At isang partido naman ang OFW.
Dahil dito, isinasaaad ng Magna Carta for OFWs (RA8042), na ang pananagutan ng employer at ahensya ay “joint and solitary”. Ang ibig sabihin, maaari mong sampahan ng kaso ang sinuman sa kanila o sabay sila. Kapag kinasuhan mo ang ahensya, para mo na ring kinasuhan ang employer. Ang sinuman sa kanila ay maaaring magbayad sa iyo ng bayad-pinsala o damages. At bahala na ang ahensya na singilin ang employer para sa kanyang ibinayad.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo