KUNG ANG henerasyon noon ng ating mga magulang ay maaari mong maikumpara sa kahulugan ng mga salitang “hindi pa”, “go ba?” at “sige na”, ang henerasyon naman ngayon ay maaari mo namang maihalintulad sa mga salitang “hindi na”, “go lang” at “sige pa.”
Nakuha mo ba ang aking mga pagtutulad? Na-gets mo ba kung bakit ko nasabi ‘yan? Isa lang naman kasi ang aking tinutukoy. Ito ay ang peer pressure.
Naalala ko noon sa kuwento ng mga nakakatanda, bahay-eskwela-bahay lang ang routine ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Halos bilang lang sa kamay ang mga panahon na sila ay nakaaalis kasama ang mga kaibigan. Minsan nga may say pa sina itay at inay sa pagpili ng kanilang sasamahan na kabarkada. Ganito na lang katakot sa mga magulang ang mga kabataang namumuhay noong mga 70 – 80’s.
Kung ito ay iisipin sa pananaw ng bagets ngayon, marahil matatawa lang siya. Bakit? Kasi tila ang mga kabataan ngayon ay mas takot pa sa kaibigan nila kaysa sa magulang nila. Tama nga naman sila, hindi ba?
Uso ang grupu-grupo ng magbabarkada sa mga bagets ngayon. Nabubuo ito simula high school o kaya’y kolehiyo. Sa bawat magbabarkada, mapapansin na kung ano ang mayroon sa isa, mayroon din ang lahat. Kung saan ang gala ng isa, roon din ang punta ng lahat. “One for all, all for one” kumbaga. Maganda ang prinsipyong ito para magkaroon ng solid na samahan. Pero ito rin ang sumisira sa samahan ng isang anak sa kanyang magulang.
Bakit ko nga ba nasabi iyan? Hindi man natin napapansin, hindi man natin sadyain, kitang-kita na mas pinapaboran natin ang mga kagustuhan ng ating mga kabarkada kaysa sa kagustuhan ng ating mga magulang. Pagdating sa pagpapaalam tulad na lang sa pag-gimik, pagbili ng ating mga luho, pinipilit natin sa kanila ang gusto natin kahit hindi naman talaga kailangan at importante. Kaya natin pinipilit para lang maging “in” tayo at hindi mapag-iwanan sa barkada.
Atin na ring napagpapalit ang tunay na kahulugan ng kung ano ang nakabubuti sa kung ano ang nakasasama sa atin. Pakiramdam natin kapag hindi tayo pinayagan ng ating mga magulang sa kadahilanang delikado o kaya’y hindi naman mahalaga iyon, iniisip natin na nakasasama ang ginagawa nilang pagbabawal sa atin dahil masyado tayong hinihigpitan kaya hindi natin nagagawang masulit ang buhay ng isang bagets sa mundo. Tinatamaan ka ano? Sapul ba?
Mga kabataan nga naman ngayon, masyadong madamdamin. Sa tingin n’yo ba, sa ginagawa nating ito, pinararamdam ba natin ang tama sa ating mga magulang? Imbes na matuwa sila na nakikita nila tayong lumalaki, mas nangangamba pa sila dahil sa mga maling impluwensya na maaari nating makuha sa paligid. Sa maniwala ka man o hindi, isa sa posibleng pagkuhanan ng “bad influence” ay sa mga barkadang hindi marunong unahin at respetuhin ang desisyon ng mga magulang.
Kahit sabihin mo pa na masyadong maiksi ang buhay para maging choosy, nagkakamali ka. Maging choosy rin paminsan-minsan lalo na sa mga kaibigan. Kasi ang mga kaibigan ay ang mga taong kapatid mo hindi man sa dugo pero sa puso. Kaya dapat bigyan ng sey ang mga magulang sa pagpili ng iyong kaibigan. Hindi lang dahil sila ang may alam ng mas nakabubuti, pero dahil alam nila kung sino ang mga taong dapat pagkatiwalaan. Huwag mamili sa pagitan ng barkada o magulang. Kasi dapat, kailanman hindi naging tanong iyan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo