NAAALALA MO ba ang pagsabit mo ng medyas sa inyong Christmas tree? Ang paghihiling na sana may chimney rin kayo sa bahay, kung saan dinadaluyan ng regalo tuwing Pasko? Naniniwala sa tawang “Hohoho” na sa iisang tao ang pinanggagalingan? Ang pag-aasam na maging pet si Rudolph the Red Nose Reindeer? Malamang sa malamang pinagdaanan nating lahat ‘yan mapa-bagets man o not so bagets, dumaan din sa pagkabata. Dumaan din sa paniniwala kay Santa Claus.
Naalala ko noon, gising na gising ako ng mga alas-siyete hanggang alas-otso ng gabi ng ika-24 ng Disyembre, hindi dahil sa masasarap na pagkaing ihahapag sa Noche Buena, pero dahil sa pananabik kay Santa Claus at sa regalo niyang dala para sa akin. Kaya nga lang, bata pa ako noon kaya ano pa nga ba, nakatulog din ako pagkalaunan. Pagkagising ko, alas-sais na, magsisimba na. Taun-taon, nauulit at nauulit ang pangyayaring ‘yan. At taun-taon din akong nabibigo na makita si Santa Claus. At sigurado rin ako na hindi lang sa akin nangyari ito kundi pati kayo na nagbabasa nito.
Sino nga ba si Santa Claus? ‘Yung may puting balbas na mahaba at puting kulot-kulot na buhok? ‘Yung may malaking tiyan na umuumbok sa kanyang pulang long sleeves na polo na may puting lining at pulang pang-ibaba na may itim na belt? ‘Yung may sumbrerong tela na pula at may lining na puti rin? ‘Yung nakasalamin at may tawang “Hohoho”? ‘Yung may mga reindeers na kasama, nangunguna na riyan si Rudolph? ‘Yung namimigay ng regalo sa bisperas ng Pasko? Siya nga ba si Santa Claus? Sigurado ka ba? Ni hindi mo pa nga siya nakikita.
Alam n’yo, ako na ang magsasabi sa inyo. Hindi siya si Santa Claus. Hindi siya si Santa Claus na inaakala niyo dahil hindi lang siya si Santa Claus. Gusto n’yo ba silang makilala? Oo, tama, sila nga. Dahil hindi lang iisa si Santa Claus, marami pa sila. Subukan mong lumingun-lingon sa paligid dahil baka nga ‘yung katabi mo, si Santa Claus na ‘yan.
Sa panahon ngayon na sinubukan ang mga Pilipino ng sunud-sunod na kalamidad tulad ng lindol sa Bohol at bagsik ni Yolanda sa Visayas, talagang nangibabaw ang bayanihan. Bumuhos ang tulong ng mga Pipilipino pati na rin ng mga banyaga mula sa iba’t ibang bansa. Bawat tao, maliit man o malaki may naiambag na tulong. Nagbigay ng pera, damit, pagkain at panalangin. Sa aktong ito ng pagbibigayan, ikaw ay nagiging si Santa Claus. Tama, kapag ikaw ay nagbibigay, nagiging tunay si Santa Claus.
Sino nga ba si Santa Claus? Ikaw, ako, tayo, lahat tayo puwedeng maging Santa Claus. Hindi rin kinakailangang maghintay pa ng Pasko para maging si Santa Claus. Kaya mga bagets, huwag malungkot dahil hindi n’yo nakita si Santa Claus na inaakala n’yo noong bata pa kayo, dahil totoong may Santa Claus at maaaring ikaw ‘yun.
Kung kayo ay may komento o suhestyon, maaaring mag-email sa [email protected] o mag-text sa 0908-8788536.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo