ISANG IMPORMANTE ang tumawag sa inyong lingkod upang ilahad ang impluwensya ng isang mahiwagang tao na gumagamit ng alyas Boyet Evangelista. Si Evangelista raw ay bagyo sa Department of Agriculture (DA), National Irrigation Authority (NIA), Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa Philippine Road Board (PRB).
Ang taong ito raw ay nakalalabas-masok sa opisina ng mga matataas na opisyal ng nasabing mga tanggapan. Siya raw ang nilalapitan ng mga contractor na nais makakuha ng juicy contract sa mga tanggapang ito.
Hindi raw pumapalya ang mga ipinapangakong kontrata ng taong ito sa mga contractor para sa mga nasabing tanggapan kahit gaano pa kalaki ang pinag-uusapang halaga ng kontrata. Maging ang mga kontrata raw na nangangailangan ng bidding ay kaya niyang maipanalo.
Ang catch nga lang raw ay humihingi siya ng 10% commission sa halaga ng bawat kontrata. Ang pag-require niya ng advance na 5% sa mga contractor ang una niyang agad na inilalatag sa mga lumalapit sa kanya.
Ang natitirang 5% ay saka na raw niya sinisingil kapag lu-mabas na ang Sub-Allotment Release Order para sa ipinangako niyang kontrata mula sa Department of Budget and Management.
Ang pangalan ng taong ito ay putok na putok daw sa construction community at labis siyang pinagkakatiwalaan ng mga contractor dahil wala pa siyang tinatakbuhan at palaging nakade-deliver ng pangako. Dahil dito, nako-corner niya ang maraming kontrata sa DA, NIA, DPWH at PRB.
Ang tanong ngayon, sino kaya ang mga koneksyon ng taong ito sa nasabing mga tanggapan? Nakasisiguro tayong mga decision-maker at hindi pangkaraniwang mga opisyal ang kanyang mga kakilala rito.
At sino naman ang mga decision-maker sa DA, NIA, DPWH at PRB?
Daang matuwid pa rin? Ang mga maniniwala ay hindi na matuwid ang pag-iisip!
NOONG MAY 2, 2013, may ipinalabas na press release si Leah Cruz, ang presidente ng Vegetable Importers, Exporters and Vendors Association (VIEVA). Sa nasabing press release, inihayag ni Cruz ang planong pag-export umano ng ating bansa ng mga shallot – isang uri ng sibuyas natin – sa mga bansa tulad ng Malaysia, Singapore at Indonesia.
Pinuri ni Cruz ang Bureau of Plant Industry (BPI) dahil ito raw ang nagbigay-gabay at nagturo sa atin ng magagandang agricultural practices.
Noong May 7, 2013, sa isa pang press release ni Cruz, sinabi niyang ang Pilipinas raw ay magsisimulang mag-export ng bigas sa Dubai sa mga darating na panahon.
Bakit hindi rin magpalabas ng press release si Cruz para ibigay ang kanyang pahayag ukol sa mga pumuputok na alegasyon hinggil sa kanyang pagkakaroon umano ng monopoly sa import permits na iniisyu ng BPI para sa pag-angkat ng mga bawang?
Bakit hindi rin magbigay ng pahayag si Cruz tungkol sa usapin ng mga kuwestiyonableng “extended” import permit na binubusisi ngayon ng Bureau of Customs ngunit patuloy pa ring nakalulusot hangga’t hindi nagbibigay ng official statement ang BPI ukol dito?
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source sa loob ng BoC at BPI, ang gumagamit ng mga “extended” import permit na ito ay mga kumpanya na pagmamay-ari umano ni Cruz. Makai-lang beses naming tinawagan si Cruz sa kanyang tanggapan sa VIEVA upang kunin ang kanyang official statement hinggil sa isyung ito, ngunit palagi kaming bigo.
Ang inyong lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87TULFO at 0917-7WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo