MATAPOS ANG kaliwa’t kanang pagkakabuking sa talamak na smuggling ng mga bigas, pumuputok na naman ngayon ang hinggil sa malawakang oil smuggling sa bansa. Dahil dito, mismong si Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon na ang umamin na kailangan nang magkaroon ng malawakang balasahan sa bureau.
At ang dapat na nangunguna sa listahan ni Biazon na mabalasa ay ang amo ng isang gumagamit ng alyas na Andy Wong na kilala sa code name na “Peter” sa smuggling community. Ang mag-among ito ang isa sa kadahilanan kung bakit lumalala ang smuggling sa bansa.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, si “Wong” ay taga-Cebu City at dinala siya ni “Peter” sa Maynila upang maging kolektor ng mga tong mula sa mga smuggler. Ang lahat ng smuggler ng bigas at electronics sa buong bansa ay tinatarahan ni “Wong” ng P20,000 per container. Sa ibang mga smuggled items naman tulad ng ukay-ukay, gulay, IPR atbp., P15,000 kada lata naman ang hinihingi raw na tara ni “Wong”.
At sa mga regular items, ang kinokotong daw ni “Wong” mula sa mga smuggler ay P10,000 per container. Pagdating naman sa smuggling ng langis, ang amo na raw ni “Wong” ang nakikipagtransaksyon na mismo sa mga player.
ISA SA mga taong dapat manmanan ni Deputy Commissioner for Intelligence Group General Danilo Lim ay ang gumagamit ng psuedonym na “Dennis Lee”. Bukod sa fictitious ang ginagamit niyang pangalan, walang anumang klaseng dokumentong makapagtutukoy na siya ang nagmamay-ari ng pinakamalakas at pinakamalaking brokerage company sa buong bansa. Kada linggo, umaabot sa 500 containers ang kanyang ipinaparating sa pamamagitan ng Manila International Container Port (MICP) na lahat ay galing ng China. Lahat daw ng klaseng kontrabando ay ipinapara-ting ng taong ito.
Isang abogadong special assistant – taga-Ilagan, Isabela – ng isang mataas na opisyal ng BoC ang tumatayong silent partner umano ni “Dennis Lee”. Ito raw ang dahilan kung bakit nagmimistula siyang untouchable.
SAKSAKAN TALAGA ng pagka-inutil ang ilan sa mga kawani ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Dahil sa kanilang pagiging inutil, nagiging takbuhan ngayon ng mga kawatan ang mga tiwaling pawnshop para idispatsa ang kanilang ninakaw na mga alahas.
Isa sa mga pangunahing patakaran na ibinigay ng BSP sa mga pawnshop pagdating sa pagtanggap ng isinasanglang gamit, kinailangang magpakita ang nagsasanglang kliyente ng valid ID, at proof of ownership kung ang isinasanglang bagay ay napakalaking halaga na.
Kamakailan, isang amo ang nagreklamo sa inyong lingkod. Ninakawan ang nasabing amo ng kanyang kasambahay ng mga mamahaling alahas. Napag-alaman niyang isinanla ng kasambahay ang kanyang mga alahas sa isang pawnshop matapos niyang makita ang mga resibo ng pinagsanglaan na nakasiksik sa damitan nito.
Sa mga resibo, gumamit ng alyas ang magnanakaw na kasambahay at umamin din ito na hindi na siya hiningan ng anumang ID at dokumento ng pawnshop na pinagsanglaan niya ng mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit P200,000.
Ilang linggo nang nakararaan, nagsubok ang T3 na gumamit ng isang asset na nagpanggap na tirador at nagtangkang magsangla ng mga alahas sa iba’t ibang pawnshop. Maging ang mga malalaking pawnshop ay pumatol sa inalok niyang alahas nang wala man lang hinihinging ID sa kanya. Ang isang pawnshop pa nga na kilala at sikat, pinagkainteresan pa ang pambabaeng Louis Vuitton bag na ginamit na props ng aming lalaking asset na kunwari ay kahahablot lang niya.
Hinahamon ko ang BSP na gayahin ang ginawa ng T3 at nakasisiguro akong marami silang matutumbok na mga tiwaling pawnshop.
Shooting Range
Raffy Tulfo