ILANG TEXT messages ang natanggap ng inyong lingkod bilang reaksyon sa lumabas na artikulo dito na pinamagatang “The Untouchables” noong Lunes, February 4.
Sa nasabing artikulo isiniwalat ang modus operandi ng isang nagngangalang Liya – na sinasabing nasa likod ng Garlic cartel sa bansa – sa pagkokorner sa halos lahat ng permit na iniisyu ng gob-yerno para sa importation ng mga bawang.
Ayon pa kasi sa impormasyon na nakalap ng inyong lingkod, napupunta sa iba’t ibang dummy companies ni Liya ang halos 80% ng quota ng pamahalaan para sa pangkalahatang permit importation ng bansa dahil sa pakikipagsabwatan umano ng ilang tiwaling opisyales ng gobyerno.
Sa limang text messages na natanggap ng inyong lingkod bilang reaksyon sa nasabing artikulo, isa ang namumukod-tangi. Ang nasabing texter ay nagpakilalang empleyado ng Department of Agriculture. Narito ang ilang mahalagang bahagi ng kanyang text message: “Baka ang tinutukoy mo sa iyong column Idol ay si Leah Cruz. Bata siya ni Baron.”
Ilang beses kong tinangkang tawagan ang nasabing texter ngunit ayaw niyang tanggapin ang aking mga tawag, sa halip siya’y nag-text muli at nangakong makikipag-ugnayan na lang sa inyong lingkod sa tamang panahon.
HINDI LANG umaaray kundi literal na umiiyak na ang maraming mga rice miller at rice trader sa norte. Ilan sa kanila ang mga nabangkarote na samantalang marami pa ang patuloy na nalulugi at nabubulok ang mga stock ngayon sa kanilang mga bodega.
Ang mga rice miller, halimbawa, na bumili ng mga palay para gilingin mula sa mga rice trader at balak nilang ibenta ang bawat sakong nagiling nilang bigas sa halagang P1,400 sa pag-asang kikita sila ng P25 – P50 bawat sako ay mabubulaga na lamang sa presyo ng mga imported rice na nagkalat sa Maynila sa halagang mula P1,250 hanggang P1,350.
Ang epekto nito ay kundi man mapipilitang ibenta ng mga rice miller sa bagsak presyo ang kanilang bigas, ito ay itatambak nila sa bodega o iho-hoard at antayin na maubos muna ang mga imported rice sa merkado. Magkakaubusan lamang ng mga imported rice sa merkado kapag naubos na ang mga smuggler at tiwaling empleyado sa gobyerno.
Ang mga rice trader naman na umaasa lamang sa pagbebenta ng kanilang produkto sa mga rice miller ay mapipilitan ding itambak muna ang kanilang mga stock sa bodega. Kundi man, bibili sila ng palay sa mga farmer sa mas napakamurang halaga.
Ang mga farmer ang siyang pinakakawawa sa labanang ito ng bagsak presyo. Dito sila nalulubog sa utang at lalong nagiging pulubi dahil ang lahat ng ani nila ay kulang pa sa pambayad sa mga inutang nilang semilya, fertilizers at insecticides.
KAPAG HINDI tumigil ang ating gobyerno sa pagpadalus-dalos sa pagbibigay ng mga importation permit sa mga gulay at bigas, marami sa ating mga farmer ang lalong malulugmok sa kahirapan at makapag-isip na iwan ang farming at pumasok na lang bilang mga kubrador sa Jueteng, kung saan siguradong kikita pa sila nang walang puhunan.
Hindi kasi kayang makipag-compete pagdating sa presyo ang locally-produced farm products natin sa mga imported. Ang masaklap pa, bukod sa binabaha na tayo ng mga murang imported na rice and vegetable products na nabigyan ng permiso ng gobyerno, hinahaluan pa ito ng talamak na smuggling na mas mura pa talaga.
Kapag hindi tumigil ang kabalbalang ito, baka dumating ang araw na mapilitang makapag-isip ang ilang mga farmer na kapit sa patalim na makipagsabwatan na lang sa mga druglord at magtanim ng Marijuana na siguradong wala pa silang gaanong kakumpitensiya. Huwag naman sana!
Shooting Range
Raffy Tulfo