SA KANYANG privilege speech noong nakaraang Miyerkules, paulit-ulit na binigyang-diin ni Senator Jinggoy Estrada ang mga salitang“selective justice is injustice”.
Ang pinupunto niya rito ay bakit nakasentro lamang sa iilang tao ang paglalantad ng media at pag-imbestiga ng mga kinauukulan tungkol samga katiwalian sa pork barrel.
Sa kasalukuyang imbestigasyon na ginagawa ng Senado tungkol sa PDAF scam na sumabog sa media base sa 2007 hanggang 2009 Commission on Audit (COA) report, lumilitaw na ito ay nakasentro lamang sa tatlong opposition senators.
At sa nasabing imbestigasyon, tanging ang pangalan lamang ni Janet Lim-Napoles ang paulit-ulit na nababanggit bilang utak at promotor ng bilyun-bilyong halaga ng katiwaliang ito bagay na siya’y mabansagang reyna ng pork barrel scam.
May ilang mga kasalukuyang kapwa niyang mambabatas at dating mga mambabatas na binanggit si Estrada na dapat din talagang mabusisi kung paano nila ginastos ang napunta sa kanilang PDAF na tulad niya – ayon kay Estrada, may COA report din na nagsasabing napunta sa mga kuwestyonableng proyekto.
LINGID SA kaalaman ng marami, isang contractor sa DPWH ang inimbestigahan noong nakaraang taon ng mga kinauukulan, partikular na ang BIR, dahil sa hindi pagbayad ng buwis para sa tax period na 2007 hanggang 2009.
Ayon kay BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares, sa nasabing mga taon, si Edwin Gardiola ay nakabili ng mga high-end luxury vehicles tulad ng BMW 74511, Licoln Navigator, Lexus LX470, Land Rover Range Rover, Land Rover Freelander, Jaguar XKR 4.2 Coupe, Toyota Camry, Volkwagen Coupe at Kia Mohave Coupe. Ang kabuuang halaga ng mga ito ay aabot sa P40 million.
Pero ang natumbok ng BIR ay tip of the iceberg lamang, ‘ika nga. Sino nga ba si Edwin Gardiola? Noong panahon ng nakaraang administrasyon siya ay naging super bilyonaryo dahil napadikit sa kamag-anak na lalaki ng isang mataas na opisyal sa Malacañang.
Dahil dito, bilyun-bilyong proyekto ng DPWH ang kanyang mga na-corner. Bilyun-bilyon ding halaga ng mga PDAF mula sa iba’t ibang mambabatas ang ipinadaan sa kanya para sa samu’t saring proyekto.
Ayon sa isang mapagkatitiwalaang source – na isang barangay chairman – ang mga luxury vehicle daw ni Gardiola na natumbok ng BIR ay katiting pa lamang. Ang pangkalahatang bilang ng lahat ng mga mamahaling mga sasakyan ni Gardiola ay aabot daw sa bilang na 63.
Kabilang sa mga nakaligtaan daw ng BIR na mga sasakyan umano ni Gardiola ay ang Toyota Sequoia, Toyota Land Cruiser, Cadillac Escalade, Porsche Cayenne, Mercedes-Benz AMG G-wagen, Toyota Hi-Ace Super Grandia, Porsche 911 Carrera, atbp.
PERO KATITING lamang daw ang halaga ng mga nabanggit na high-end luxury vehicles kung ikukumpara sa mga lupain na nabili umano ni Gardiola sa Lipa, Batangas, ayon pa rin sa source. Sa likod ng San Fernando Airbase sa Lipa, halos lahat daw ng parcel of lands dito ay pag-aari na umano ni Gardiola, dagdag pa ng source. Dito rin daw matatagpuan ang kanyang mansyon na nakapaloob sa halos isang ektaryang lupain.
Nagkalat din daw ang mga land property ni Gardiola sa Mataas na Kahoy sa Batangas, na ayon pa rin sa source, halos lahat na raw sa mga lupain dito ay pag-aari na niya umano. Isa pa rin daw umano na pag-aari ni Gardiola ay ang Jam Liner Inc., na ang mga unit ay pawang mga luxury high-end airconditioned bus.
UNA SA lahat, ano na ang nangyari sa ginawang imbestigasyon ng BIR sa tax evasion case ni Gardiola? At pangalawa, bakit hindi paimbestigahan ng kinauukulan kung saan nanggaling ang mga bilyones ni Gardiola?
Sa napaiksing panahon ng pagiging contractor niya, paano siya naging super bilyonaryo? Sabi pa nga ng aking source, ang mga napapaulat sa media na mga kayamanan ni Napoles ay wala pa raw sa kalingkingan ng kayamanan umano ni Gardiola.
Ang mga tanong ngayon, sinu-sino sa mga mambabatas noon at ngayon ang nakapag-allocate ng kanilang PDAF para sa mga ginawang proyekto ni Gardiola? Nasaan ang mga proyektong ito? Nasaan din ang mga ginawa niyang proyekto na pinondohan ng DPWH?
Sa ginagawang pag-iimbestiga ng kasalukuyang administrasyon sa mga katiwalian sa nakaraang administrasyon, si Gardiola ay puwedeng maging susi – o master key – sa ikabubukas ng mga pinto patungo sa marami pang ga-bundok na katiwalian na kinasasangkutan ng mga taga-gobyerno noon.
Shooting Range
Raffy Tulfo