MAMAYA SA T3 Reload, 5:30-6:00pm, sa TV5, mapapanood ang isang police operation sa isang talamak at lantarang “paihi” station sa Bayanihan Road, Brgy. Doña Imelda, Quezon City. Ito ay mapapanood din simulcast sa AksyonTV, Channel 41.
Mahigit isang linggong pinostehan ng crew ng T3 ang nasabing lugar para sa isang surveillance operation gamit ang mga spy camera matapos makapagsumbong ang isang kilalang kumpanya sa inyong lingkod.
Ayon sa sumbong ng naturang kumpanya, nakatanggap sila ng report na naiispatan ang kanilang mga delivery truck na “nagpapaihi” sa nasabing lugar araw-araw.
Bukod sa kanilang mga truck, parokyano rin daw rito ang mga delivery van ng iba’t iba pang kumpanya.
Sa unang araw ng surveillance operation na isinagawa ng T3 sa nasabing lugar, nakumpirma ang sumbong. Nakunan ng spycam ang samu’t saring sasakyan na pumupunta roon.
Nagmistulang gasoline station ang nasabing lugar. ‘Yun nga lang, sa halip na magpakrudo ang mga sasakyang pumupunta rito, ang mga ito ang nagdidiskarga ng laman ng kanilang mga fuel tank.
Ang modus operandi ng nasabing “paihi” station ay sisipsipin ng isang hose ang fuel tank ng sasakyan sa kalye mismo, at ang hose na ito ay konektado patungo sa mga galon-galon na mga plastic container sa loob ng isang bahay.
Sa tabi ng “paihi”station ay isang karinderia na pag-aari rin ng “paihian”. Dito muna pumupunta ang mga driver at pahinante ng truck bago “magpaihi” kung saan nagaganap ang mga usapan at bayaran.
Matapos makakalap ng sapat na ebidensiya, agad lumapit ang T3 sa Police Action Center ng Quezon City Hall para sa isang operation.
Pagkatapos ng matagumpay na police operation laban sa nasabing “paihi” station, habang iniimbestigahan ang mga suspek sa presinto, isang nagpakilalang Chief Insp. Francisco Islaw ng Quezon City PNP ang diumano’y tumawag sa police investigator on case para arborin ang suspek na may-ari ng “paihi” station.
Abangan ang maaksyong episode na ito ng T3 Reload mamaya!
SI GEN. Mario dela Vega, District Director ng Quezon City Police District ay isa sa mga kahanga-hangang opisyal ng PNP.
Noong Huwebes, November 15, lumapit sa WANTED SA RADYO si Neda Canque kasama ang kanyang manugang na parehong naiiyak habang nagsusumbong. Ayon sa kanila, inaresto si Adonis Canque, isang security guard, ng pulis-Kyusi at ikinulong.
Nang siya’y arestuhin, si Adonis ay nakaduty noon. Sinampahan siya ng kasong illegal possession of firearm ng arresting officer at pinagbintangan ding kasabwat sa naganap na pagpaslang malapit sa lugar na kanyang pinagdyudyutihan nang mga oras na iyon. Ito’y sa kabila ng pagkakahuli sa suspek sa nasabing krimen at mismong pag-amin nito.
Ang arresting officer ay nakilalang si PO2 Hermogenes Capili. Ang pakay pala ni Capili sa pag-aresto kay Adonis ay para takutin at hingan ang mga kamag-anak nito ng P30,000. Matapos makapagtawad at makapagbigay ng P21,500, at hindi pa rin pinakawalan si Adonis, dumulog na ang mag-manugang sa WSR.
Matapos naming maiparating ang sumbong kay Gen. Dela Vega, agad niyang ipinasoli kay Capili ang P21,500. Si Gen. Dela Vega mismo ang nagpiyansa kay Adonis. Pinasampahan din ni Gen. Dela Vega si Capili ng kasong kriminal at administratibo. Bukod pa rito, inabutan din ng konting financial assistance ni Gen. Dela Vega si Adonis dahil sa awa niya rito.
Ang WSR ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Kasabay na napanonood ito sa AksyonTV Channel 41. Para sa inyong sumbong, mag-text sa 0917-7WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo