MARAMING showbiz personalities na ang nagfile ng certificate of candidacy para sa election 2022 simula nitong Oct. 1, 2021. Matatapos ang filing of candidacy sa Oct. 8 at siguradong marami pa ang hahabol dito.
Lahat sila ay gusto raw maging public servant at ang pagpasok sa pulitika ang isa sa nakikita nilang paraan para magsilbi sa bayan.
Isa sa naghahangad ng mataas na posisyon sa gobyerno ay ang former That’s Entertainment member at discovery ni German Moreno na si Manila Mayor Isko Moreno. Tatakbo si Isko bilang presidente ng bansa.
Ang dating host naman ng Eat Bulaga at Senate President na si Tito Sotto ay magle-level-up din sa pagtakbo niya bilang bise-presidente.
Kabilang sa mga artistang dati nang nasa pulitika na tatakbo pa rin next year para sa iba’t ibang posisyon ay sina Yul Servo na kakandidato bilang vice mayor ng Maynila. Si Cavite Vice Governor Jolo Revilla na matatapos na ang tatlong termino ay susubukan namang pasukin ang Congress.
Muli ring tatakbo sina Lou Velozo, Alma Moreno, Jhong Hilario bilang konsehal ng kani-kanilang bayan. Ang komedyanteng si Teri Onor naman ay tatakbong vice mayor ng Bataan.
Kabilang naman sa artistang sasabak sa pulitika sa kauna-unahang pagkakataon ay sina Ejay Falcon na kakandidato bilang vice governor ng Oriental Mindoro. Tatakbo rin sa pagka-konsehal ng Zambales si Claudine Barretto.
Ang baguhang aktor naman na si Javi Benitez ay gustong maging alkalde ng Victorias City, Negros Occidental. Si Javi ang kasalukuyang boyfriend ng Kapamilya actress na si Sue Ramirez.
Tatakbo namang konsehal sina Nash Aguas sa Cavite, Angelu de Leon at Kiko Rustia sa Pasig City at Bobby Andrews sa Quezon City.
Nag-file na rin ng kanyang COC si Jason Abalos na tatakbo bilang Board Member sa Nueva Ecija.
Pareho namang gustong papasukin nina Arjo Atayde at Aiko Melendez ang Kongreso kapag nanalo sila sa kani-kanilang distrito sa Quezon City.
Matunog din ang balitang tatakbong konsehal si Arci Munoz sa Rizal pero hindi pa naman ito nagpa-file ng COC.
Hinihintay din kung sa anong posisyon tatakbo si Herbert Bautista na tatlong terminong naging mayor ng Quezon City, at si Vilma Santos na kongresista ng Batangas.
Abangan natin hanggang October 8 kung meron pa bang madadagdag sa listahan na ito ng mga artistang papalaot na rin sa mundo ng pulitika.