AKALA SIGURO NI PO1 Mark Manuel Co ay kaya niyang bilugin ang ulo ng inyong SHOOTING RANGE nang makausap namin siya sa Wanted Sa Radyo noong Lunes. Ang hindi alam ng bagitong pulis patolang ito, kakailanganin muna niyang kumain ng tone-toneladang bigas bago niya maisahan ang WANTED SA RADYO.
Noong Lunes, dumulog sa WSR si Joy Armada. Ayon kay Joy, sinadyang sagasaan ng mobile car ang motor na minamaneho ng kanyang anak na si Nhover noong September 13 na siyang ikinamatay ng isa sa mga pasahero ni Nhover at lubhang ikinasugat ng isa pa — kasama rin si Nhover sa nagtamo ng matitinding sugat at kasalukuyang nakaratay sa ospital.
Aminado naman si Joy na walang lisensiya ang kanyang anak at wala rin itong suot na helmet ma-ging ang dalawa nitong pasahero nang pinapara sila ng nasabing mobile car na kung saan lulan sina Co at ang kanyang dalawa pang kasamahang pulis.
Habang binabagtas ng grupo ni Nhover ang isang kalye sa Rizal Park sa Maynila, tinapatan sila ng mobile at sinabihang tumabi kundi ay pagbababarilin sila. Ang grupo nina Nhover ang tanging natiyempuhan ng grupo nina Co. Ang iba pang mga kabataan na mga naka-motor din at kasabay nina Nhover ay nakapuslit at hindi na nahabol nina Co kung kaya’t sa galit, nakapagbitaw ng ganoong salita ang mga pulis.
Sa takot, at dahil na rin sa walang lisensiya si Nhover, tinangka niyang takasan ang mobile. Dito na naging barumbado ang mga pulis at binangga nila ang motor at tumilapon ang tatlong sakay nito.
Nang makausap ko sa telepono si Co, sinabi niyang hindi nga raw sumunod si Nhover sa utos nilang patabihin ito bagkus kumaripas pa ito. At sa bilis ng takbo, na sideswipe daw ng isang pampasaherong jeep ang motor at ito ang dahilan ng pagkatilapon ng grupo ni Nhover.
Nakapanayam din ng WSR ang hepe ni Co na si PSI Jovan Sicat. Sinabi ni Sicat na ayon sa report ng kanyang mga tauhan, nakabundol nga raw ng jeep ang motor nina Nhover sa bilis ng takbo nito na 90km/ph. Pero nang tanungin ko si Sicat kung may plate number ba sila ng jeep na nabundol nila Co pati na ng pangalan ng driver nito, sinabi ni Sicat na hahanapin pa niya.
Nang muli kong balikan si Co, iba na ang kanyang mga sinasabi. Magkasalungat na rin sila ng kanyang hepe. Ang speed daw ng takbong motor ay 80km/ph at hindi naman daw nabangga ng motor ni Nhover ang jeep. Hindi na rin daw kailangan pang kunin ang plate number ng jeep at pangalan ng driver nito dahil hindi naman ito nabangga ng motor na minamaneho ni Nhover.
Dahil sa inconsistencies sa mga sinasabi ni Co, tutulungan ng WSR ang grupo ni Nhover na makapagsampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa grupo ni Co.
ANG WSR AY mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Mon-Fri, 2:00-4:00 pm. Mapapanood din ang inyong SHOOTING RANGE sa Balitaang Tapat sa TV5, Mon-Fri, 11:30-12:15pm. At sa T3 sa TV5 pa rin, Mon-Fri, 5:30–6:00pm.
Sa programang WANTED sa TV5 tuwing Lunes, 11:30 pm, matutunghayan pa rin ang inyong lingkod na nakikipagbakbakan para sa karapatang ng mga maliliit nating kababayan. Mag text sa 0908-87-TULFO o 0917-7 WANTED para sa inyong mga sumbong.
Shooting Range
Raffy Tulfo