Sitaw, Bataw at Patani

EWAN KUNG sino ang lumikha ng luma at masayang awiting “Bahay Kubo”. Isang awit na pinagdiriwang ang kayamanan ng ating kalikasan at sigla ng paninirahan sa kabukiran.

Naalala ko na isinasayaw naming mga kaklase ang awitin nu’ng ako’y grade 5 pupil sa San Pablo Elementary School. Dekada ‘50. Akmang-akma ang awitin sa sayaw na pandango at tinikling.

Nu’ng elementary years ko, kasama sa curriculum ang gardening. Kaming magkaka-eskuwela ay may nakatokang tig-isang garden plot na tinatamnan namin ng sari-saring gulay kagaya ng pechay, lettuce, sitaw, bataw, patani. Contest sa paramihan ng ani tuwing ikatlong buwan.

Ang Lola Paong ko ay anak ng bukid. Araw-araw na ginawa ng Diyos, siya’y nasa bukid para magtanim ng kung anu-ano. ‘Pag Sabado at Linggo, bitbit niya ako at pinsang Iteng para tumulong sa kanya. Napakatahimik pa nang panahon noon. Mula sa bahay namin sa Ilaya, yapak nagtutungo sa bukid.

Sa eskuwelahan at Lola Paong ko nakuha ang aking pagkahilig sa pagtatanim ng halaman at buhay sa kabukiran.

Kung tutuusin, ang agriculture ang dapat nating pagyamanin at gawing haligi ng ekonomiya. Agricultural country tayo at kainggit-inggit ang yaman ng ating kabukiran sa kapit-bahay nating bansa. Ngunit bakit sila’y asensado at tayo’y kulelat?

Ang Lola Paong ay grabe ang pagka-green thumb. Maglaglag lang siya ng buto ng halaman o gulay sa lupa, ito’y kusang tumutubo. Minsan wika niya: Magaling, lagi mong binubungkal ang lupa. Naalala mo lagi, ikaw ay diyan galing at diyan patungo. Sa murang isip ko, palaisipan ito.

At mas lalong palaisipan ito: Kinakausap ko ang mga halaman; parang tao rin silang may damdamin. ‘Yan ang sikreto ko.

Pagod na ako sa paglalakbay sa buhay sa malaking lungsod. Huni ng ibon, lagaslas ng batis, nektar ng mga bulaklak at kalusugan ng mga gulay, hinahanap-hanap ko. Sitaw, bataw, patani…

SAMUT-SAMOT

 

NAKALIMUTAN NG pamahalaan ang kapakanan ng ating cultural minorities. Wala sila sa prayoridad. Nakalulungkot. Dahil sa kaingero at mining companies, ang ancestral domain ng mga cultural minorities kagaya ng Dumagats ay inalis na sa mapa. Pagala-gala na lang sila sa mga lungsod, nagpapalimos, nagha-hanap ng kalinga.

NAKAKAINIS NA ang bati-away, away-bati nina Hayden Kho at Vicky Belo. ‘Di lang ako naiinis. Nasusuka pa. Di na sila mga paslit. O gimik lang ‘yon para ma-advertise ang Belo Clinic? Sa stature ni Belo, dapat siyang role model ng moralidad. At si Hayden… wala akong mabuting masasabi sa kanya.

SAAN HUMUHUGOT ng physical strength at mental stamina ang 88-anyos na Senate President Juan Ponce Enrile? Pambihira. He’s the longest serving public official in the country. Kahanga-hanga ang kanyang remarkable at sharp memory, wealth of knowledge and vast experience na hanggang ngayon napakikinabangan ng bayan.

ANO’NG LUNAS sa riding-in-tandem problem? Laman ng pahayagan tuwina ang binibiktima ng mga ganitong kriminal. Bakit ‘di ito pagtuunan ng pansin ng mga awtoridad? Para bang very helpless ang pamahalaan sa pagsugpo sa heinous crimes. Ang PNP ay sagad lang sa press releases. Puro ngawa. Walang gawa. DILG Sec. Jess Robredo, magtrabaho ka naman!

ANG LOVE affair kaya nina Angel Locsin at Philip Younghusband ay for keeps? All indications ay positibo. Ngunit pahabain pa ng konting panahon ang pagtuklas nila sa isa’t isa. At bakit unlucky in love si Sarah Geronimo? Crush ko ang angelic niyang mukha lalo na ‘pag ngumingiti. Malakas din ang kanyang sex appeal. Totoo ba ang balita na nagsisimula nang manligaw sa kanya ang anak ni CamSur Gov. El Ray Villafuerte?

ANO NA nangyari sa comeback ni Ate Guy?  Nawala na lang siyang parang bula. Naalaala ko tuloy ang pumanaw na Whitney Houston. Nagtangkang bumalik pero nabigo. Pareho silang nagumon sa droga. ‘Di nila pinahalagahan at inalagaan ang biyayang golden voice. Sayang. Balita pa, tuluyan nang nainis ang Master Showman, Germs Moreno kay Ate Guy dahil sa prima donna attitude nito.

BELATED HAPPY birthday to my high school classmate, Teo Dikitanan, edad 70 na siya ngunit malusog at magilas pa. Napakabait at mapagmalasakit sa kaibigan. He hit it big sa U.S. at bumalik na milyunaryo sa bansa. Ganyan din sina Dr. Apollo Maglalang at Feming Reyes. Biyahe na lang sila nang biyahe around the world after becoming financially successful abroad.

NAKARARANAS BA kayo ng tinaguriang “spiritual drought”? ‘Yun bang kahit anong taimtim na dasal ay tila nagtatago ang presensya ng Diyos. Nakababagabag. At si Lucifer ay madaling magsamantala. Sa mga nakausap kong alagad ng Simbahan, sabi huwag patatalo sa tukso. Humingi ng saklolo sa Holy Spirit. Mga ganyang karanasan ay pagsubok sa ating pananampalataya. Maraming distractions sa ating pagdarasal. Mahirap mag-concentrate. Pakana din ito ng demonyo. Ngunit lumaban tayo at humingi ng lakas sa Panginoong Diyos. ‘Wag sumuko.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleLetse Ka, Raymart Santiago
Next articleInabandona ng Mister na OFW

No posts to display