ANG BUWAN nga naman ng Pebrero, ang daming kaganapan. Ito ang buwan na may pinakakonting araw, pero ito naman ang buwan na kaliwa’t kanan ang mga pangyayari sa paligid. Nariyan ang Hot Air Balloon Festival, ang Pyromusical fireworks festival, ang Valentine’s Day, ang pagpapalabas sa sinehan ng Cinemalaya award winning entry na That Thing Called Tadhana at ang kontrobersyal na pelikula na ayon sa best-selling book, ang 50 Shades of Grey. At ngayon, may nagbabalak pa yatang makisabay sa siksikan ng mga kaganapan sa buwan ng Pebrero, ano nga ba ito? Ito ang “Slidefest Philippines: The Largest Slip-And-Slide In The Country”.
Balikan ang iyong childhood memories kasama ang iyong mga kaibigan noong mga panahon na ang libangan n’yo ay magtungo sa parke para maglaro ng swing, seasaw, monkey bars, at ang all-time favorite n’yo na slide. Ganito ang magaganap sa Slidefest Philippines, hatid nito ang one-to-sawa na saya sa pag-slide sa kanilang mga nagtataasan at naghahabaan na mga slides. May haba lang naman ito ng 1,000 ft. Isipin mo na lang, nag-slide ka sa tatlong pinagdikit-dikit na malalaking football field. Ganito ang level ng saya na mararamdaman sa Slidefest, unlimited!
Hindi lang one-to-sawa na slide festival ang mayroon, may jamming din sa mga nagagandahang tugtog, masasarap na kainan, may water gun activities din. Ang saya-saya siguro lalo na kung kasama mo ang buong pamilya at barkada sa Slidefest Philippines!
May tatlong klase ng ticket na mabibili, ito ay ang mga sumusunod:
Single Sliders – Para sa may Single Sliders na ticket, makapipili sila ng isang slide na kanilang subukan nang isang beses lamang na naaayon din sa gusto nilang schedule. Ang ticket ay nagkakahalaga ng P350, pero dahil may Early Bird Promo rate ngayon, ito ay P300 na lamang.
Wave Sliders – Para sa mga Wave Sliders naman, magkakaroon sila ng pagkakataon na magpaulit-ulit sa pipiliing slide sa loob ng dalawang oras. Ito ay nagkakahalaga ng P600 at magiging P500 na lang kung makahahabol ka sa Early Bird Promo rate.
VIP Sliders – Siyempre ang pinakabongga sa lahat ng passes ay ang VIP Sliders. I-enjoy ang one-to-sawang slidefest nang 12 oras kasama ang barkada at pamilya. Makakukuha rin ang mga VIP Sliders ng Slidefest T-shirts at 20% off sa mga iba pang merchandise na ibebenta sa Slidefest Philippines.
Ang kagandahan pa sa VIP Sliders, dahil ine-expect na dadagsain talaga ng tao ang nasabing event, magkakaroon ng express lane pass para sa inyo. Sa halagang P1,200, mapapasainyo ang mga perks na ito. Para naman makakuha ng discount, i-avail ang Early Bird Promo rate na nagkakahalaga ng P1,000.
Sabik na sabik na ba kayo sa Slidefest Philippines? Antabay lang para sa mga susunod pang anunsyo patungkol sa lugar at schedule ng paggaganapan ng event. Marahil, sasabay ang Slidefest Philippines sa kasiyahan sa tag-init ngayong darating na summer 2015.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo