OLA CHIKA! HINDI po ako nakarationg sa ibinigay na thanks giving party ng mag-asawang Lani Mercado at Sen. Bong Revilla, Jr. na idinaos sa isang restaurant sa Timog. Ngunit marami ang nakarating na chika sa akin, ‘yung iba, itinawag pa mismo ng ilang kong kasamahan sa hanapbuhay, at nabasa ko rin mismo sa ilang pahayagan.
Sa ginanap daw na thanksgiving party, marami raw ang mga imbitadong movie press. Dumating din daw ang mga ilang press na gaka (gatecrashers), at ito raw ang inabangan ng kasamahan ko rito sa Pinoy Parazzi na si Manay Lolit Solis, upang hindi makapasok sa nasabing event.
Umabot na raw ng 10:30 ng gabi, at nagdesisyon na si Manay Lolit na umuwi. May kalayuan na raw umano sila ng driver niya nang sinabi sa kanya na nandu’n ang mga gaka sa ibaba lang. Gustuhin man daw balikan ni Manay Lolit ang lugar, hindi na niya ginawa dahil nga medyo malayo na sila.
‘Eto namang ang ibang version. Marami raw umanong satsat si Manay Lolit tungkol sa mga gaka. Na kesyo pinakain na raw umano at binigyan ng pamasahe, gusto pa raw umulit, huh! Nakarating lang naman ito sa akin. Wala po akong galit kay Manay Lolit. Ngunit bilang isang mamamahayag, kailangan ko ring ilabas ang saloobin ng ilan kong kasamahan sa hanapbuhay. Sana, makarating ito sa mag-asawang Bong at Lani.
Nu’ng Linggo, habang inuurirat ko ang isyung ito sa aking programa sa radyo, marami ang tumawag sa akin. Sino ba raw si Bong Revilla? Hindi lang siya isang artista, kundi isa ring senador kung saan sineserbisyuhan niya ang buong sambayanang Pilipino. Kaya kahit sino, puwedeng lumapit sa kanya, lalo na sa ganyang klaseng okasyon na ibinigay sa press.
Gaka kung tawagin ang ilang maliliit na press people na walang pangalan sa industry, o nagsusulat sa hindi kilalang pahayagan, o lalo na ‘pag hindi imbitado sa isang okasyon.
Si Sen. Bong, kailangan din niyang ipakita, o makisalamuha sa mga tao kahit hindi niya kilala, lalo na sa press dahil malaki ang naitulong nito sa kanya. Lalo na noong tumakbo siya noong nakaraang eleksiyon, at ngayon nga, balak na naman niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon.
Paano mananalo si Bong kung sa paligid niya, may humaharang na mismo sa kasamahan pa sa hanapbuhay? Malaki ang tulong ng mga gakang ito, dahil sila ang nagpupumilit na isulat ang sinumang tao na sa tingin nila, may malaking naitulong. Kaysa iba riyan na may pangalan nga, hindi naman isinusulat, o kung magsulat man, halos isang letra lang. Dahil, kailangan may kapalit na malaking datung!
Itong mga gakang ito ang malaking tulong lalo na sa pagtakbo ni Bong. Kaya hindi po natin dapat na maliitin, dahil nagsimula po tayo riyan sa pagiging gaka. Hanggang sa nagkaroon na nga tayo ng pangalan.
At huwag po nating ipamukha o kinukuwenta sa kapwa natin na pinakain na, gusto pang manghingi. Dahil una sa lahat, galing sa bulsa ni Bong ang perang ginastos, o ibibigay niya. At hindi sa kung sinumang may lakas ng loob na magsalita ng ganyan. ‘Yun na!
Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding