HALOS ISANG linggo na rin ang nakalilipas nang natapos ang laban ng SMART Gilas sa FIBA World Cup 2014. Nagsimula ito noong Agosto 30. Nang dahil sa sunud-sunod na pagkatalo ng Gilas laban sa Croatia, Argentina, Greece at Puerto Rico, sila na nga ay nalaglag sa pagkakapasok sana sa semis. Pero hindi ito naging dahilan para sila ay sumuko. Sa katanuyan, sa kanilang ikalimang sabak sa court laban sa Senegal, sila ay nagwagi. Isang senyales na ito na ang simula ng bagong pag-asa para makuha ng Gilas ang kampeonato sa World Cup.
Sa kanilang huling laban sa FIBA World Cup ngayong taon, hindi binigo ng Gilas ang manonood sa buong mundo dahil sa kanilang ipinakitang kakaibang enerhiya at kapana-panabik na laban. Lalo na nang naipasok ni Jimmy Alapag ang tres sa fourth quarter.
Ito ay nag-signal ng isang buzzer beater at siyang dahilan ng kanilang pagkamit ng unang panalo laban sa Senegal. Ito man ang kanilang huling laban sa FIBA world cup ngayong taon, umuwi naman sila ng panalo. Dahil nakuha nila hindi lang ang pagmamahal at suporta ng Pinoy kundi ng buong mundo.
Pero hindi pa rin maiiwasan na manghinayang dahil 36 taon na ang lumipas nang huling nakapasok ang koponan ng Pilipinas sa Basketball World Championships at 40 na taon naman na rin ang nagdaan nang nanalo ang ‘Pinas sa championship level. Kaya naman nang mabalitaan na muling lalaban ang Philippine basketball team na SMART Gilas sa World Cup, maraming Pinoy fans ang natuwa at naghangad ng panalo mula sa kanila. Kaya naman nang sila ay malaglag sa semis, hindi maitatago na nalungkot nang husto ang mga miyembro ng Gilas dahil ganoon nila kagustong magwagi para sa bansa.
Ngunit, sa ikalawang banda, hindi naman basta-basta ang larong ibinigay ng Gilas dahil pinadaan nila ang mga kalaban sa butas ng karayom bago sila manalo. Ganoon naging kaganda ang laban kaya naman hindi kataka-taka na matapos ang laban ng Gilas sa Fiba World Cup ngayong taon, kabilaan ang magagandang komento na kanilang nakukuha mula sa mga batikang basketball analysts sa buong mundo. Dumami rin ang kanilang suporta mula sa mga banyagang fans. Sa katunayan pa nga, may mga Argentinian fans sila na humingi pa ng jersey ng kanilang iniidolo na Gilas players.
Ayon sa pag-aaral na isinagawa kamakailan lang, naging trending ang Gilas sa mga bansa gaya ng U.S.A. kung saan umani ng 173,467 mentions ang Gilas. Mas mataas pa kaysa sa sarili nating bansa na may 150,286 mentions. Sinundan naman ito ng mga bansang China, Singapore, Malaysia at United Arab Emirates.
Ngayon na papalapit na ang FIBA Asian Championship Games, isa na sa pinakamatunog at pinakaaabangan ang SMART Gilas. Talaga nga naman na tayo na ang “next big thing!” Patunay lang ito na sa Gilas, tuloy pa rin ang laban.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo