NGAYONG HOLIDAY season at magpa-Pasko na naman, masarap sana sa pakiramdam na bukod sa pamilya at mga kaibigan, may bonus ka pang love life. ‘Yung kasabay mong mag-Christmas shopping. ‘Yung tipong sosorpresa sa ‘yo sa Pasko. ‘Yung mag-e-effort sa ‘yong mag-ala-Santa Claus, mapagbigyan lang gusto ang mo. ‘Yung taong magpaparamdam sa iyo na hindi ka nag-iisa at kabilang sa bitter na grupo na SMP o Samahan ng Malalamig ang Pasko. Kaso nakapagtataka lang, may itsura ka naman, masipag ka naman, mabait ka naman pero bakit wala pa ring nahuhumaling sa beauty n’yo mga ate at sa kakisigan n’yo mga kuya. Baka naman nasa genes n’yo na ‘yan.
Alam n’yo ba mga bagets, may isang research ang napatunayan sa Beijing, China na may kinalaman ang genes sa ating katawan kung bakit magpahanggang ngayon single pa rin ang mga tao. Ito ang 5 – HTA 1.
Ayon sa research, ang carriers ng ganitong genes ay may 20% na tyansang maging single. Ang 5 – HTA 1 genes daw ay nagiging sanhi ng pagbaba ng serotonin gene level sa ating katawan. Ang serotonin ay isang klase ng chemical sa katawan na siyang bahala sa mga moods ng isang tao. Kung minsan ito ay tinatawag na “happy hormone”.
Ang mababang level ng serotonin ay may malaking epekto sa atin. Pinabababa nito ang comfort level ng mga tao sa pagbubuo ng isang samahan. Ito ‘yung nagiging dahilan kung bakit kung minsan hindi tayo kumportable sa mga close relationships at kung bakit tayo naiilang. Madalas pa nga ‘yung carriers ng 5 – HTA 1 ay umiiwas sa mga tao na alam nilang may gusto sa kanila o ‘yung tinutukso sa kanila. Kung minsan wala pa ngang nabubuo, pinipigilan na agad. Sa madaling salita, pinangungunahan na ang mga bagay-bagay na maaaring pagmulan ng isang matamis na simula.
Sa isang research experiment na ginawa sa Chinese University, halos genes ng 600 na Intsik na estudyante ang pinag-aralan gamit ang kanilang mga hair samples.
Napag-alaman sa experiment na may dalawang version pala ang 5 – HTA 1 gene. Ito ay ang -G at C-. Sa may gene na -G, 60% sa kanila ay mga single o walang karelasyon habang 50% lamang sa may gene na C -.
Sabi pa sa research ang may uri ng 5 – HTA 1 gene -G ay ang mga taong neurotic at depressed. Ang pessimism at neuroticism ay hadlang sa pag proseso ng isang quality relationship. Ito rin ang magiging sanhi ng mga hiwalayan.
May bagong kaalaman tayo ngayong araw. May papel pala talaga ang genes at hormones sa ating mga pinagdaraanan. Akalain mo na ang pagiging single ay dala rin ng genes sa ating katawan. Pero paalala lang, sabi naman sa research 20% lang ang tyansa na ito ‘yung nagiging dahilan kung bakit ganoon ang nangyayari, may 80% pa rin ang nasa kamay mo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo