MAHILIG KA bang mag-selfie, pero nahiya ka na i-upload sa Facebook dahil baka mahusgahan kang camwhore? Mahilig ka bang kumuha ng larawan pero dahil hindi artsy, pigil na pigil kang i-upload sa Instagram para hindi masira ang feed mo? Mahilig ka bang mag-video ng sarili mo, pero hindi mo ma-upload-upload dahil para sa ‘yo, wala namang kwenta lang ‘yon, pero nanghihinayang ka na hindi i-post dahil cute ka roon? Nako! Pakiramdam ko, itong bagong-bago at usong-usong app na nga ang solusyon sa mga frustrations mo sa mundo ng social media. Ito ay walang iba kundi ang Snapchat!
Ang Snapchat ay isang uri ng video messaging application na gawa ng mga estudyante ng Stanford University. Ito ay sina Evan Spiegel, Bobby Murphy, at Reggie Brown. Sa Snapchat, puwedeng-puwede kang kumuha ng mga larawan, mag-record ng videos, magdagdag ng texts at drawings sa picture o sa video. Ito ay puwedeng ma-send sa list of recipients na kontrolado mo. Ang kinagandahan sa Snapchat, para naman hindi ka mabansagang famewhore o kaya camwhore, lahat ng mga ipo-post mo, mapa-picture o mapa-video ay may expiration time. Kumbaga, nagtatagal lamang ito ng isa hanggang sampung segundo sa newsfeed ng mga recipients mo. Kapag ito ay nag-expire na, ibig sabihin lang nito, ito rin ay na-delete na sa server.
Wala na ngang makapipigil sa pagsikat ng Snapchat, ayon sa kinauukulan ng Snapchat, noong Mayo taon ng 2015, lahat ng Snapchat users ay nakapagpo-post ng humigit-kumulang dalawang bilyong larawan at videos kada araw. Ang isang feature naman ng Snapchat na Snapchat Stories ay may views na 500 million times kada araw. ‘Di lang ‘yan, matapos lamang ang anim na buwan, noong Nobyembre lamang, ang app users ay nakapag-upload na ng 6 billion videos kada araw. At ngayong Enero taong 2016, kasisimula pa lang ng bagong taon, and Snapchat ay may tumataginting na 7 billion daily video views.
Ang mga videos at pictures na iyong ipino-post sa Snapchat ay tinatawag na Snaps. Gaya nga ng sinabi ko kanina, puwede lang ito makita sa iyong specific friends o kaya naman sa isang Snapchat feature na Story. Alam n’yo rin ba, kayo ay masasabihan kung mayroong nag-screenshot ng iyong posts? Dahil nga nawawala o nade-delete agad ang iyong Snaps, kung minsan may mga tao talagang kukuha ng screenshot ng iyong posts. Sa mga babae, puwedeng masyado siyang nagandahan sa iyo kaya hindi niya napigilan ang sarili kaya kumuha ng screenshot. Para naman sa mga kalalakihan, puwede rin namang crush ma crush ka ng girl na gumawa nito. Siguro kapag nangyari ito sa inyo, papalakpak ang mga tainga ninyo.
Kayrami na ngang social media app ang naiimbento. Aking maibibilin lang para sa mga bagets na gaya ko, huwag basta-basta mag-post lang nang magpost. Mag-iwan ka rin ng privacy para sa sarili mo. Alagaan din ang iyong imahe. Hindi lahat ng nangyayayari sa buhay mo ay kailangang malaman ng ibang tao.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo