ANG INIIWASAN NI Snooky Serna ay ‘yung masasabi na namang ningas-kugon ang mga sinasabi niyang pagbabago sa kanya. Kaya nga hangga’t makakaya niya, hindi na lang siya nagsasalita. Hayan at work-to-death na lang siya sa pagsu-supervise sa ilang negosyong napasukan niya, at ang kung anu-ano mang katanungan ang may kinalaman sa pagbabago ng kapalaran ni Kukay, ayaw na rin talaga niyang basta ipinangangalandakan.
“‘Pag may mga tanong, sinasagot ko, pero ayoko talagang ‘yung kapag nagsalita ka pa, may mga magsasabing ganyan na naman ‘yun, paulit-ulit na lang,” napapailing na sabi ni Snooky. “Hindi ko masisisi ang mga tao dahil parang nanghinawa na sila sa mga nangyayari sa buhay ko, kaya mas mabuting mag-focus na lang ako sa mga bagay na dapat kong asikasuhin ngayon.”
Dumating ang lalaking tagapagligtas kung tutuusin kay Snooky sa panahong hindi naman siya naghahanap talaga. Kung Divine Intervention man ‘yun, she just keeps her faith. Nagpapasalamat na lang siya sa Diyos.
“The more na hinahanap mo, parang ang layu-layo sa ‘yo. Naisip ko na lang, I have suffered enough siguro. Ito na ‘yung time na kailangan akong makabawi,” tuloy-tuloy na sabi pa niya.
Wish na lang ni Snooky na sana nga, she has really found the right man. Panahong lang talaga ang makapagsasabi kung talagang ang misteryosong lalaki sa buhay ni Kukay ngayon ay ang inilaan na para sa kanya.
“Friends silang dalawa, huh!” Nasabi na lang ni Snooky. “Masaya rin ako dahil ‘yung bagong girlfriend ni Richard, si Anne, we don’t get to talk, pero nate-text ko siya. Minsan, nakakausap sa phone. I wish her luck. Gumagawa siya ng yema at lagi akong nag-o-order sa kanya.”
by Archie de Calma