NAGKAKASUNDO SA ISANG bagay sina Liberal Party (LP) standard-bearer Sen. Noynoy Aquino at ang kanyang running mate na si Sen. Mar Roxas – kapwa sila hindi handang matalo sa eleksiyon, isang paniniwalang ikinaalarma ng publiko.
Naunang nagbigay ng pahayag si Aquino na tanging ang pandaraya lang sa halalan ang makapipigil sa kanya na maging Pangulo. Nakibahagi si Roxas sa sobrang tiwala sa sarili ng kanyang katambal kaya sinabing hindi siya maaaring maging bise-presidente ng ibang aspirante sa panguluhan na maaaring manalo sa halalan sa Mayo 10.
Paniwalaan dili pero hindi matanggap ni Roxas kahit sa isipan lamang na magtatrabaho siya sa ibang pangulo maliban kay Noynoy.
Nang kapanayamin sa telebisyon nitong Miyerkules kung handa siyang suportahan si Sen. Manny Villar kung magwawagi ang Nacionalista Party (NP) standard-bearer bilang presidente, walang tiyak na maisagot si Roxas.
Tinanong siya: “Kung sakaling si Manny Villar ang manalong pangulo, susuportahan n’yo ba siya? Makikipagtulungan ba kayo at kalilimutan n’yo ba ang away pulitika?”
May yabang ang sagot ni Roxas: “Tiyak ako na ang mananalo ay walang iba po kung hindi si Senador Noynoy Aquino.”
Nang igiit na maaaring ibang kandidato ang lumabas na pangulo sa Mayo 10, buong yabang na sumagot si Roxas na nagkakamali kung sino man ang may ganoong tanong.
“Pero tiyak na tiyak po ako, kitang-kitang po at ramdam na ramdam natin, kasama na po ‘yung nasa survey na talagang namamayagpag ang Senador Noynoy Aquino at ang tambalang Noynoy at Mar sa darating na halalan,” dagdag niya.
Pagkarinig sa pahayag ng sobrang tiwala ng mga pambato ng LP na halos kahambugan na, kabaligtaran naman ang naging sagot ng kalmado at mapagpakumbabang pambato ng NP sa kaparehong tanong.
“Nakahanda akong manalo pero nakahanda rin akong matalo,“ simpleng tugon ni Villar nang tanungin kung handa siyang matalo sa halalan.
Hindi tulad ng ibang kandidato, partikular si Roxas na hindi mailarawan ang sarili na magtatrabaho maliban sa kanyang katambal na si Noynoy, nakahanda si Villar na magtrabaho kahit sino ang kasama kung pagkakalooban ng mandato sa halalan.
“Ako naman parati kong kayang makipagtulungan maski kanino. Pero siyempre mas gusto ko ‘yung running mate ko na si Loren Legarda,” ani Villar sa naunang panayam. (Janna Enriquez)
Pinoy Parazzi News Service