SOCGEN Vs COMELEC

KASISIMULA PA lang ng taon ay isang pasabog na agad sa mainit na isyu ng disqualification case laban kay Senator Grace Poe ang gumulat sa sambayanang Pilipino. Ito ang posisyong ibinaba ng OSG o ang Office of the Solicitor General. Sa 28-pahinang komentaryo ni Solicitor General Florin Hilbay, sinabi nitong umaayon siya sa naging desisyon ng SET (Senate Electoral Tribunal).

Sa ganitong kaganapan ay tila nagbabanggaan ang kapangyarihan at opinyon ng mga opisina ng pamahalaan sa isyu ng citizenship at residency ni Grace Poe. Hindi nagkakatugma ang pananaw at opinion ng COMELEC (Commission on Elections) kontra sa pananaw ng SOCGEN (Solicitor General) at SET. Ang tanong ay nakanino ang huling boses at desisyon?

Walang duda na ang SC (Supreme Court) ang may huling tinig sa isyung ito. Hindi na rin siguro mahalaga kung sino sa dalawang tanggapan ng pamahalaan ang pinanigan ng OSG at papanigan ng SC. Ang mahalaga ay magkakaroon na ito ng isang pagtatapos na masasabing nakabase sa katarungan at katuwiran. Lagi nating tatandaan na ang mga desisyon ng SC ang nagiging basehan ng mga jurisprudence at kung paanon dapat unawain ang mga batas.

ANG MGA miyembro ng SET na pumabor sa panig ni Grace Poe sa isyu ng citizenship ay sina Sens. Vicente Sotto III, Pia Cayetano, Cynthia Villar, Bam Aquino, at Loren Legarda. Si Sen. Nancy Binay naman kasama ang 3 justices na sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro at Arturo Brion ay hindi sumang-ayon sa naging desisyon ng SET.

Ipinunto ng OSG ang mga argumento ng SET upang ipagtanggol ito. Una na rito ang physical features ni Poe at kuwento ng kampo ni Poe hinggil sa mga sirkumstansya ng pagkakapulot at pagkakaampon kay Poe. Mariing ipinunto ni Socgen Florin Hilbay na ang pagiging ampon ay hindi kakulangan sa pagiging natural born Filipino. Ibinase rin ito ng OSC sa 1935 Constitution ng bansa na nagsasabing ang lahat ng napulot at naampon sa loob ng teritoryo ng Pilipinas ay itututuring na isang natural born Filipino.

Kaya naman, ayonsa solicitor general, mahalaga at sapat na ang birth certificate ni Grace Poe para sabihing isa o parehong Filipino ang mga tunay na magulang ni Poe. Sapat na ito para ituring siyang natural born Filipino. Ito ay mga “facts” na madaling paniwalaan ng sinomang may matinong isipan.

NAG-INHIBIT naman ang 3 SC justices (Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro at Arturo Brion) para sa pagdinig ng Korte Suprema sa isyung ito. Base kasi sa rules ng SC ay hindi maaaring ma-review ng 3 justices ang kanilang mga desisyon bilang bahagi ng SET. 

Para sa OSG, masyadong mabigat ang hinihiling 3 justices bilang ebidensya sa pagiging natural born ni Grace Poe. Ito ay isang “undue burden” para kay Socgen Hilbay. Ang paggamit ng DNA bilang ebidensya ay isang pagpapatupad ng “scientific levels of certainty” na hindi naman karaniwang ginagamit sa mga ganitong uri ng kaso sa korte. Malabisang pamantayang ito at hindi patas at makatarungan. Gamit ang mga argumentong ito ay hiniling ni Socgen Hilbay na ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ni David at panigan ang naging desisyon ng SET.

Sa isang hiwalay na manipestasyon ni Socgen Hilbay, sinabi niya sa SC na hindi na niya maaaring katawanin ang COMELEC sa gaganaping oral argument sa January 19 dahil siya ay pumapanig sa desisyon ng SET na kalaban ng COMELEC sa isyung ito. Kung magkakaganun ay lalabas na walang abogadong kakatawan sa COMELEC sa oral argument ng SC. Paano na ang COMELEC? 

NOONG 1974, sa bisa ng isang Presidential Decree ni dating Pangulong Marcos ay nilikha niya ang tanggapan ng OSG. Ang tungkulin ng isang solicitor general ay katawanin ang mga tanggapan at kawani ng pamahalaan sa mga legal na kasong kinasasangkutan ng gobyerno gaya ng COMELEC at SET.  Sa isyung ito na ang COMELEC at SET ang tila magkatunggali, pumanig ang OSG sa SET. Ang resulta ay isang teknikal na problema kung sino ang kakatawan sa COMELEC sa oral argument.

Kadalasan ay hindi nangyayaring ang parehong kawani o tanggapan ng pamahalaan ang nagtutunggali sa isang legal na isyu kaya’t madaling magampanan ng Socgen ang kanyang tungkulin. Hindi gaya ngayon na naging masalimuot na ang proseso. Kung paano ito reresulbahin ng SC ay isang teknikal na aspeto rin ng batas.

Ang pinakamahalaga ay agarang matapos ang problemang ito sa disqualification case ni Grace Poe dahil tiyak na magiging balakid ito sa mapayapang daloy ng eleksyon sa Mayo. Mahalagang patigilin na rin ng SC ang mga posisyong inilalatag ng mga pulitikong may mga pansariling interes hinggil sa kaso upang hindi magpagulo pa sa isip ng mga botante.

ANG KORTE Suprema ang binigyan ng Saligang Batas ng kapangyarihan para resolbahinang ganitong mga isyu ng pag-uunawa at pagbibigay-kahulugan sa batas. Hayaan na natin ang SC ang magbigay ng pagtatapos kung dapat nga bang madiskuwalipika si Grace Poe o manatiling kanididato sa darating na eleksyon!

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. 

Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn. 

Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm. 

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.   

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleBangs Garcia Emotionally Stressed sa Nakaraang Teleserye,nagbakasyon ng isang buwan
Next articleRosanna Roces, ipinagtanggol si Direk Cathy Garcia Molina sa isyu ng pambabastos at pamamahiya sa ekstra

No posts to display