PUMANAW NA noong Biyernes ng hapon, January 26 ang beteranong aktor at senador na si Ramon Revilla Sr. dahil sa heart failure.
Labis na ipinagdadalamhati ng aktor at kasalukuyang Vice Governor ng Cavite na si Jolo Revilla ang pagpanaw ng kanyang lolo na si Ramon Revilla Sr. Sa bahay nila sa Bacoor, Cavite binawian ng buhay ang movie icon.
Si Jolo Revilla, bilang isa sa apo ni Mang Ramon ay nagbigay ng tribute sa kanyang yumaong lolo sa kanyang Instagram post nitong Sabado, June 27.
Ani Jolo, “Daddy Ramon, Mabigat at masakit man sa amin ang iyong paglisan, panatag ang loob namin dahil nasa isang lugar ka na kung saan hindi ka na mahihirapan.”
Inalala rin ni Jolo ang mga huling sandali habang kasama niya ang kanyang lolo.
“Nagpapasalamat ako dahil lalo pang lumalim ang relasyon nating dalawa nitong huli. Sa halos araw-araw na pagbisita namin sa iyo, nakita ko kung paanong sa kabila ng iyong naging karamdaman, kami pa rin ang inaalala mo.
“Nabigyan mo ng pantay-pantay na pagkakataon ang mga anak mo na makaharap ka. Nakita ko rin kung paanong hanggang sa huli ay lumaban ka.
“Alam kong magiging masaya ka na ngayon sa piling ni Mommy Cena.”
Ang tinutukoy na Mommy Cena ni Jolo ay ang kanyang lola na asawa Mang Ramon na Azucena Mortel-Bautista ang real name.
“Daddy, salamat sa lahat ng aral – lalo na ang halimbawa ng pagmamahal mo sa bayan. Sobra ang paghanga ko sa iyo dahil sa malasakit mo sa ating mga kababayan. Napakarami mong tinulungan, inalagaan at inaruga.
“Salamat din dahil dala dala ko ang iyong pangalan. I will take care of it the way you did yours. Mami-miss ka namin ng sobra. Rest well, Daddy. We love you!”
Nakaburol ang labi ng yumaong sendor-actor sa Revilla Cmpd., 305 Aguinaldo Hi-way, Bacoor City, Cavite.
Sa burol ay pina-practice din ng mga nakikiramay ang social distancing kaya pinag-iisipan ngayon ng pamilya kung magkakaroon sila ng online burol.
Hindi pa rin sila sigurado kung sa July 2 o sa July 3 ang magiging libing ng matanda.