MAY NADISMAYA, pero mas marami ang natuwa sa hindi pagsipot ng sexy actress na sina Andrea Torres, Sam Pinto, Solenn Heusaff, at Max Collins sa ginanap na 100 FHM Sexiest Victory Party.
Nadismaya ang mga barakong naghihintay sa pagrampa ng mga sexy star, dahil matagal na nilang iniilusyong makita nang malapitan ang mga ito nang naka-super seksing outfit.
Natuwa ang karamihan dahil tila natuto na raw at hindi nagpauto ang apat na pinapantasya sa showbiz industry sa kapritso lang ng naturang magazine, para magamit sila at rumampa nang walang talent fee na ang makikinabang ay ang naturang magazine.
Bakit ka nga naman rarampa sa isang stage na super seksi ang outfit na pinapanood ng sangkatutak, pero wala naman talent fee at ang sasaya lang ay ang nasabing men’s magazine?
Hindi kami naniniwala na pinagkaisahan nina Andrea, Sam, Solenn, at Max si Jennylyn Mercado na tinanghal ng number one sexiest sa kanila. Hindi na kailangang magpaseksi on stage ang apat dahil sikat na sila at matagal nang pinapantasya.
Kung pelikula pa siguro ang gagawin ng mga ito, dapat kastiguhin kapag hindi dumating or sumipot. Pero ang gagawing pagrampa ay para pasiyahin lang ang mga tumatangkilik sa naturang men’s magazine na nagpasimuno sa kung sino ang 100 sexiest sa ating bansa.
Dapat lang palakpakan sina Sam, Andrea, Max, at Solenn dahil ‘di sila nagpagamit at nagpautong rumampa nang seksi on stage para lang sa kapritso ng naturang men’s magazine.
Understandable naman ang pagpayag ni Jennylyn dahil siya ang tinanghal na number one sexiest at para na rin maipagmalaki na kahit isa na siyang ina ay ganoon pa rin ang katawan na super seksi na mistulang isang dalaga.
Pero sana ‘yun na ang huli niyang pagrampa sa kunu-kuno victory party ng naturang men’s magazine.
Huwag nang pagagamit pa uli, dahil ang naturang men’s magazine lang ang pinasisikat ninyo. Sila (sexy stars) ay mga sikat na at wala nang dapat patunayan, lalo’t pagdating sa paseksihan at pagandahan.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo