Hindi naman sa usisera siya, pero sabi ng ating chikadora, mas trip daw ng ating bidang legislator ang mangarir ng bebot kesa sa gumawa ng batas at makipagpalitan ng kuro-kuro sa mga kaliga niya.
Sa latest tip ng ating miron from the Lower Chamber of the Philippine Congress, isa raw kongresista ang namataang abala sa pakikipag-sweet talk sa isang chikababe na bumisita sa Kamara. Batay sa obserbasyon ng mga tsismoso, parang may apoy sa mata ng ating kongresista habang nakikipag-usap sa bebot na nakatambay sa Kamara. Umusok tuloy ang haka-hakang may namamagitan sa dalawa dahil para silang lovebirds na may sariling mundo at walang pakialam sa mga taong nasa paligid nila.
Habang binubulungan pa nga raw ni Kong ang babae, nag-ra-radiate ang nadaramang kilig na hindi naman nakaligtas sa mga mapagmasid sa Kongreso.
Hirit ng mga intrimitida, wala raw namang masama kung magligawan sila. Dahil kung tutuusin, wala naman talagang makapipigil sa puso, ‘di ba?
Ang problema lang, may trabaho itong si Kong. Hindi naman yata tamang habang nagbabalitaktakan ang mga kasamahan niya tungkol sa isang panukala, eh, nandun siya sa tabi at tinatalo pa ang bagong kasal na nasa stage pa ng pulot-gata. Hirit pa ng isang mahadera, wala namang pumipigil sa kinikilig niyang puso, sana lang daw, eh, alam ni Kong kung paano ilulugar ang matters of the heart mula sa trabaho niya. Dahil in the first place, nasa Kamara siya para gumawa ng batas at hindi para manligaw at kiligin na para bang isang teenager na nakatagpo ng kanyang first love.
O, siya, Kongresistang nagbibinta na hindi na naman bata, trabaho muna, hane?