Karir kung karir ang moda ng isang kongresista para lamang masigurong kahit papaano ay mapag-uusapan siya. Sa latest kasing tsika ng mga chikadorang mahadera, lagi raw sawsaw si Kongresista sa kahit anong isyu ng bansa para nga naman may libre siyang publisidad.
Kinakabog daw ni Kongresista ng bonggang-bongga ang pipol of the media dahil sa tiyaga niyang i-inform ang mediamen ng kanyang mga komento sa isang nagpag-uusapang isyu. Ang hirit pa nga ng iba, hanga sila sa tiyagang mag-GM o group message ni Kongresista na para bang parte na ng kanyang umaga ang text brigade sa mga mamamahayag.
Talo pa ang 24-hour news monitor ng mga istasyon ng telebisyon, napapailing na lang ang mga recepients ng text ni Kongresista. Kasi naman, nagagawa pa nitong mag-text at mag-send ng updates tungkol sa mga pagdinig na kanyang dinadaluhan.
Sabi nga ng mga mamamahayag na walang magawa kundi basahin ang comments ng ating bida, matutukso ka raw naman talagang kagatin ang mga komento niya kasi nga, tumatagos ito hanggang buto.
‘Eto pa, kung hindi napupudpod ang daliri niya sa pagte-text (na malamang ay may taga-send siya), hindi rin siya napapagod sa pagpapadala ng press releases.
Hay…napapakamot na lang sa ulo ang mga utaw, dahil lahat ay kanyang gagawin para kahit papano, eh, bumango naman ang pangalan niya sa sambayanang Pinoy.
O siya Kong, aral ka na lang ulit sa US ‘pag ‘di nag-click ang mga gimik….