NASA RUROK ng kasikatan noon ang singer-actress na si Julie Vega nang bigla siyang pumanaw dahil sa isang sakit. She was only 16 years old when she died on May 6, 1985.
Sa real name niyang Julie Pearl Apostol Postigo kinuha ang kanyang first screen name na Julie. Na eventually ay dinagdagan na lang ng “Vega” na mas maigsi at may recall. Ipinanganak ang singer-actress noong May 21, 1968.
Nagsimula sa showbiz si Julie Vega bilang child actress at commercial model. Pero dahil sa angking galing sa pagkanta ay naging singer din siya. Higit na nakilala si Julie Vega sa teleseryeng Anna Liza na matinding karibal noon ng Flordeluna na pinagbibidahan naman ni Janice de Belen.
Bago pumanaw ang dalaga ay nakapag-record pa siya ng kantang Somewhere In My Past na sumikat nang husto noong dekada 80.
Ayon sa premyadong composer at music producer na si Mon del Rosario, balak niyang muling buhayin ang Somewhere In My Past ni Julie Vega ngayong 2021. Pero hindi ito nagbigay ng detalye kung sino ang singer na magre-revive ng naturang kanta.
Ayon pa kay Mon, marami na siyang natanggap na demo tape ng kanta mula sa iba’t ibang aspiring singers pero hanggang ngayon ay hindi pa raw niya naririnig ang tunog at boses na babagay sa kanta.
“Kailangan kasi na yung boses niya ay may distinct sound. Hindi puwedeng kaboses ng ibang singer, dapat kakaiba,” wika ng composer at record producer.
Well, sino kaya ang masuwerteng singer na mabibigyan ng pagkakataon na mai-record ang hit song noon ni Julie Vega?
Yan ang ating aabangan sa mga susunod na araw.