Sorrow Express

NU’NG DEKADA ‘60, pinakamaaasahang uri ng panlupang transportasyon ang tren ng PNR. Patungo sa Bicol o Baguio, pinuputakti ang tren ng mga nagsisiksikang pasahero. Edad 15 ako ng dekadang ‘yon.

Malinaw pa sa alaala, gabi-gabi ay dumarating mula Senate office sa Maynila ang aking ama lulan ng tren patungong Bicol. Alas-9 eksakto ang laging niyang dating. At pagpitada ng tren sa ganitong oras, karipas na ako sa train station para salubungin siya.

Ang tatay ay matabang lalaki, maitim, kupado ang buhok at mabilis lumakad. Malayo pa lang, kilala ko na siya – isang mapagmahal na ama at maalalahanin, mapagbigay sa inay at sa aming lahat. Pagtatabako lang ang kanyang bisyo. At pagdating niya sa gabi, makikipaghuntahan sandali sa mga naghihintay na kaibigan sa tindahang kanto.

Ewan kung bakit ang halik at yapos niya ay parang paraiso sa aking puso at kaluluwa. Anak, magpakabait at mag-aral nang mabuti. Mahalin ang iyong ina at mga kapatid. Paulit-ulit – at walang sawa – niyang wika sa akin habang hinahaplos ang aking mapawis na buhok.

Ang pagdating ng tren sa takdang oras ay naging mistulang orasan namin sa bayan. Ang pitada sa umaga ibig sabihin ay 7:00 A.M. Sa gabi 9:00 P.M. na. Napakapayapa ang dekadang ‘yun. Simple ang buhay. Simple ang pangangailangan at problema.

Ang pagsundo ko kay tatay ay lagi kong pinananabikan. Pagkabitbit ko ng kanyang bag, may dinudukot na sa bulsang candy at iba pang kakanin. Ito ang pinananabikan kong sandali.

Tumagal mahigit dalawang taon ang ginawa kong pagsundo sa kanya. Hanggang dumating sa mapait at malungkot na gabi na kahit anong pitada ng tren, nakalugmok ako sa aking silid, lumuluha, halos pinagsabugan ng mundo. Sumakabilang-buhay si Tatay sa edad na 68 anyos. Biktima ng heart attack.

‘Yon – sa aking murang edad – ang una kong engkuwentro sa malalim na kalungkutan. ‘Di pa humihilom ang alaalang ‘yon. Hanggang ngayon.

SAMUT-SAMOT

 

SA WIKANG Ingles, ipabasa ko ang isang paboritong food for thought. “Over hundred years from now, it will not matter what kind of house you lived in, how much money you had, what position you held or what your clothes were like. But the world may be a little better because you lighted a candle, whispered a little prayer and reached out to poor suffering souls who quietly walked into your life.”

SA ISANG lumang nitso sa aming sementeryo, may ganitong maikling talata: “Ako ngayon, ikaw bukas.” Aking naisip.  Ganyan kaikli ang buhay. Parang ihip ng dumaraang hangin. Sa kaiklian ng buhay, dapat punuan ito ng mabubuting gawain. ‘Di kayamanan o kapangyarihan dapat lamang angkinin. Kawanggawa sa dukha, paglalaban sa mga inaapi at pagmamalasakit sa lahat – ito ang dapat puno’t dulo ng buhay.

MARAMI AT iba’t ibang tinig ang ating naririnig sa paglalakbay sa buhay. Nakalilito. Dapat tinig lang ng matuwid ang pakinggan. Tinig na nagsusumamo ng hustisya, kaunting tinapay sa gutom na tiyan, at tubig sa mga labing nauuhaw. Ngunit kalimitan, ‘di natin naririnig ang mga tinig na ito. Naririnig natin ang tinig ng kapalaluan. Bakit?

THE POOR will not be hungry for a day but for the rest of their lives. Totoo. Napakaraming dukha at hirap sa mundo. Konti lang ang mayroon. Kung ang mayroon ay magbibigay, walang gutom at kahirapan. Ngunit karamihan ay gahaman sa salapi at pagkakamal pa ng maraming yaman.

SA U.S., milyong tao din ang naghihirap. Sa mga ghettos at outskirt areas, mga taong nakikibaka sa gutom at kahirapan.  Ang kasakiman ay laganap at inalipin ang kabutihan. Sa ating bansa, mahigit 70% ay below poverty line. Palobo pa nang palobo ang ating populasyon. Kulang ang employment opportunities at livelihood projects. Talamak ang graft at corruption. Tatak P-Noy.

BUTI PA ang alaga kong aso, si Sofie, isang Golden Retriever, marunong magpakita ng pasasalamat. ‘Pag hinagisan mo ng buto, ‘di malaman kung paano lulukso at hahabol sa dagliang tuwa. Marami akong kilalang tao ang ‘di marunong magpasalamat. Ni ngiti, ‘di ka mabigyan ng konsuwelo. Tuwing umaga, pasasalamat sa Diyos ang nasa aking labi. Salamat sa pagsikat ng araw, bango ng bulaklak, ngiti ng aking apo at haplos ng aking kabiyak. Araw-araw, pakikibaka sa buhay. Malalim. Masalimuot.

SI DEO Macalma, isang tanyag at batikang DZRH broadcaster, ay naging estudyante ko sa Lyceum. Masipag at matalinong mag-aaral. Dati siyang roomboy sa isang motel sa Pasay. Ngunit nagsumikap. Hanggang makamtan niya ang tagumpay sa kanyang propesyon. Pinagmamalaki ko siya. Isang huwarang nilalang.

GANYAN DIN si Nilo Paurom, Inquirer associate editor. Magkaklase sila ni Deo. Una pa lang araw, nakilatis ko na ang kanyang kagalingan. Mula rin sa dukhang pamilya, ngunit nagsumikap. Dalawang tanyag na mamamahayag na naging bahagi ng aking buhay. Ang hanay ng aking henerasyong mamamahayag ay panipis na nang panipis. Karamihan sa kanila’y nababasa ko na lang sa obit page o nalalaman ang pagpanaw sa text. Si Zip Roxas, beteranong editor ng maraming pahayagan – salamat sa Diyos – ay malakas at namamayagpag pa. Ilang dekada ang aming pinagsamahan. Dakila siya!

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleGen. Regis sa SPD at Rep. Tupas
Next articlePagbabago ng Pangalan sa Birth Certificate

No posts to display