ANG SOUNDCLOUD ay isang software application kung saan puwede kang mag-record ng kanta, i- upload ito, at i-promote sa mga tao na nasa mundo ng Internet. Kung mahiyain kang masyado para mag-record ng kanta, hindi naman din ito nangangahulugan na hindi ka na maaaring mag-SoundCloud dahil puwedeng-puwede mo rin naman ito gamitin sa pagsuporta sa mga covers ng ibang tao sa pamamagitan ng pag-share nito. Karamihan sa users ng SoundCloud ay mga kabataan na naglalayong magpamahagi ng talento, maipagmalaki ang husay ng iba at mag-impluwensiya ng bagong musika.
Ang application na ito ay nagmula sa Berlin, Germany noong taong 2007. Ito ay gawa ni Alex Ljung na isang Swedish sound designer at Eric Wahlfross na isa namang Swedish Artist. Ang pangunahing intensiyon lamang ng SoundCloud ay para makapagpamahagi ang mga musikero ng kanilang mga kanta sa isa’t isa. Hindi naman akalain na higit pa rito ang kinalabasan dahil nga naging isang “publishing tool” na ito pra sa mga newbie artists natin na may pro skills sa musika.
Alam n’yo rin ba na noong nakaraang taon lamang, taong 2013, pumatak agad sa 40 milyong katao ang registered users at 200 milyong katao na listeners naman ng app na SoundCloud. Nakamamangha! Patunay nga ito na kay raming mga tao na ang nahuhumaling dito at sa bagong musika na alay ng mga kapwa nila.
Ano nga ba ang ikinaganda pa ng SoundCloud?
Bukod sa mga aking naunang nabanggit, kung iisiping mabuti, nang dahil sa SoundCloud, nagkaroon ng isang bagong komunidad ang mga kabataan ngayon na may kakaibang talento sa musika. Kumbaga, hindi man sila pinalad na maipamalas ang kagalingan sa telebisyon o sa radyo dahil kakaunti lang ang masuwerteng nabibigyan ng pagkakataon, mayroon namang SoundCloud, kung saan ito ay nagsilbing bagong platform para sa kanila.
Ang ikinaganda pa nito, para na rin silang isang singer o artist gaya ng kanilang mga iniidolo sa TV dahil may kanya-kanyang fans na rin ang mga SoundCloud producers. At sa SoundCloud, tulad nga ng aking nasabi kanina, hindi lang ito para sa mga may umaawit, para rin ito sa mga taong ang nais ay sumuporta sa musika ng iba. Puwede na ring makasalamuha ng isang SoundCloud singer ang kanyang SoundCloud follower dahil sa feature ng app na ito. O, ‘di ba? Parang recording artist lang ang ganap!
Kung minsan pa nga, mas humahanga pa ako sa mga SoundCloud artists nila dahil tunay na musika at tunay na talento ang handog nila. Bakit ko nasabi iyon? Dahil kung iisipin, hindi naman sila bayad. Hindi sila kumikita ng pera sa SoundCloud pero tuloy pa rin sila sa pamamahagi ng talento nila. Ang iilan pa nga sa mga SoundCloud artists natin ay sariling composition ang kinakanta, makikita mo na mas may laman at mas may mensahe ang kanta nila kung ikukumpara mo sa ibang kanta na sumisikat ngayon na mahahalata mong para lang sa pera kaya ito nagawa.
Kung kayo ay may suhestyon o komento, maaaring mag-email sa [email protected] o mag-text sa 0908-8788536.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo