HINDI MO na ba alam kung saan ka lulugar? Sa tingin mo ba kulang na? Napapansin mo ba na hindi na sapat? Mukhang kailangan mo nang bigyan ang sarili mo ng space.
Teka teka, ibang “space” ang pinag-uusapan natin. Hindi ito “space” na kakailangan ng isang tao sa proseso ng pagmo-move on. Ang space na tinutukoy ko ay espasyo na paglalagyan ng iyong mga sangkatutak na files sa computer, cellphone o laptops. At ang space na ito ay ibibigay sa inyo ng Dropbox.
Likas na sa ating mga bagets ang pagiging sentimental o ‘yung tipong tayo ang uri ng mga tao na may ugaling magtabi ng mga kagamitan na may kahulugan lalo na kung mga larawan ang pag-uusapan, kaya nga sa henerasyon natin nauso ang Throwback Thursday o #tbt at ang Flashback Friday o “#fbf.
Pagdating naman sa mga tugtugin. Sa bagets din nauso ang Playlist Playback o ‘yung mga kanta na nauso noong 90’s ay may sariling playlist sa ating mga cellphones at ipods. Sa dinami-dami ng files ng mga bagets sa kanilang cellphone at computer, malamang sa malamang space ang pinakamalaking problema nila. Kahit sabihin pa natin na may flash drive at external hard drive naman, nariyan pa din ang takot natin na kahit isang beses lang ito mapasukan ng virus, burado agad-agad ang lahat ng naka-save dito.
Kaya, to the rescue ang Dropbox kapag problema sa space ang pag-uusapan. Ginawa ito nila Drew Houston at Arash Ferdowsi at naging bukas sa publiko noong taong 2007. Nagmula ito sa San Francisco, California. Ito ay isang file hosting service na ino-operate ng Dropbox, Inc.
Ang software na ito ay nagbibigay ng “cloud storage” o espasyo na paglalagyan ng ating mga files at “file synchronization” o ‘yung matapos nating mag-save ng file sa computer o cellphone, direkta na ito naia-upload sa Dropbox. Puwedeng-puwede rin tayong gumawa rito ng mga folder o album kung ating gugustuhin lalo na kung nanaisin natin na naka-organize mabuti ang lahat ng files na naka-save dito.
Ang ikinaganda sa Dropbox ay puwede mo rin itong i-share sa iba sa pamamagitan ng link. Puwede rin nilang mai-download ito sa pamamagitan ng link na ibibigay mo. Napakalaking tulong nito sa ating pag-aaral lalo na sa mga group project. ‘Yung mga pagkakataon na kailangan mong magbigay sa leader ng mga larawan at videos, hindi mo na kailangang pahirapan sarili mong i-email sa kanila isa-isa ang malalaking files na ito, ang gagawin mo na lang ay i-link mo na lang sa kanila, solve na solve na. Hindi mo na rin kinakailangan magbayad pa para sa “joining fee” o “registration fee” dahil ito ay libreng-libre. Walang sinabi ang nagmamahalang mga presyo ng USB. Ang gagawin mo lang ay pumunta sa website nila at gumawa ng sariling account. Ganyan kasimple.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo