MAY ISANG doseng buwan sa isang taon, ang bawat buwan ay natatangi; ang bawat buwan ay kaabang-abang dahil sa mga okasyon na ipinagdiriwang bawat buwan. Nariyan ang Pasko kapag Disyembre, Bagong Taon kapag Enero, pagtatapos sa eskuwela kapag Marso, Mahal na Araw kapag Abril, simula ng pasukan kapag Hunyo at marami pang iba. Ngunit, karamihan sa mga bagets, bitter-bitter-an kapag buwan ng Pebrero. Bakit nga ba? Ang buwan ng Pebrero ay buwan ng pag-ibig. Ang mga nabi-bitter sa Pebrero ay ang mga taong sinaktan at iniwan ng minamahal; o kaya ang mga taong hindi pa nakikita ang true love ng kanyang buhay. Sa madaling salita, ang mga bitter na ito ay ang mga sawi sa pag-ibig.
May nabasa ako sa Facebook, mula sa mga kaibigan kong nasawi, ang sabi nila “Ang buwan ng Pebrero ay may dalawampu’t walong araw lamang, sana ginawa na lang itong labintatlo.” Naku, naku, naku! Ingat sa mga hinihiling ate, kuya. ‘Pag nagkataon, pinalalagpas ninyo ang isa sa pinakamagandang kaganapan ng tuwing Pebrero, ang Philippine International Pyromusical Competition.
Ngayong taon gaganapin ang ika-6 na Philippine International Pyromusical Competition sa bansa. Gawing bonding ng iyong pamilya, kasintahan,l at barkada ang event na ito. Kung wala ka namang puwedeng i-date ngayong Pebrero, dumalo pa rin sa pyromusical competition baka malay mo, rito ka makakita ng iyong ka-sparks.
Sa pagdalo n’yo sa 6th Philippine International Pyromusical Competition, hindi lang mabubusog ang iyong mga mata sa nagagandahang pasiklaban ng fireworks, kundi pati kasama na rin dito ang pagsuporta ninyo sa sarili nating bansa, dahil isa itong kumpetisyon ng mga bansa sa pagtatagisan ng galing sa larangan ng pyromusical fireworks.
Ang nasabing event ay tatakbo kada araw ng Sabado mula Pebrero 7 hanggang Marso 14 ngayong taon. Gaganapin ito sa Seaside Boulevard, Mall of Asia. Narito ang calendar of activities ng Philippine International Pyromusical Competition: sa Pebrero 7, magaganap ang opening exhibition ng Platinum Fireworks, Inc. of the Philippines at Akariya Fireworks of Japan. Sa Pebrero 14 naman, makikita ninyo ang Pyromusical fireworks ng Martarello Group of Italy at Vision Show ng Brazil; sa Pebrero 21 naman, masasaksihan ninyo ang Sirius Pyrotechnics ng Mexico at Royal Fireworks ng The Netherlands; sa Pebrero 28, inyong matutunghayan ang Grupo Luso ng Portugal at Göteborgs Fyrverkeri Fabric ng Sweden. Mae-extend pa ang buwan ng sparks sa Marso dahil sa ika-7 ng Marso, magpapasiklaban ng galing ang Royal Pyrotechnic ng Canada at Jubilee Fireworks ng United Kingdom. At sa huling araw ng event, sa Marso 14 ang Polaris Fireworks AB ng China at closing exhibition ng Platinum Fireworks, Inc. ng Pilipinas.
Ang ticket sa 6th Philippine International Pyromusical Competition ay nagkakahalaga ng P1,500 kapag Level 1, P500 kapag Level 2, P300 kapag Level 3 at P100 kapag Level 4. Sa bawat araw ng nasabing pyromusical competition, magsisimula ang show tuwing 7:30 ng gabi. Kaya ano pa ang hinihintay ninyo? Suportahan ang sariling atin! Malay mo, kasabay ng pagtingala sa mga nagagandahang fireworks sa Manila Bay ay ang makita na ang iyong ka-sparks.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo