Dear Atty. Acosta,
MAY ISANG PALAPAG na apartment ang kapatid ko sa Bulacan. Matagal na niya itong hindi ginagamit lalo na ngayon na siya ay nasa Taiwan dahil sa kanyang trabaho. Wala naman daw pong problema sa kanya kung papaupahan ko ito. Mayroon na rin akong nakausap na nais umupa ng dalawang taon, hindi siya gaanong tiwala sa akin. Ano po ba ang mga kailangan namin gawin upang madaan sa legal na paraan ang pagpapaupa ng apartment na ito? Salamat at umaasa ako sa inyong tugon.
– Edgar
Dear Edgar,
ANG IYONG NAIS suungin ay isang kasunduan ng pagpapaupa o contract of lease. Upang maging balido ang ganitong kasunduan, kailangan ay malayang ipahiram o paupahan ng may-ari ang kanyang gamit sa taong nais gumamit nito sa halagang kanilang napagkasunduan.
Sa iyong sitwasyon, ang tirahan na binanggit mo ay pagmamay-ari ng iyong kapatid na kasalukuyang nasa Taiwan. Bagama’t walang problema sa kanya at payag naman siya na paupahan mo ito, mahalaga pa rin na nakalahad sa isang kasulatan ang kanyang pagpayag sa nasabing pagpapaupa katulad ng isang special power of attorney. Ayon sa Artikulo 1878 ng New Civil Code, “Special powers of attorney are necessary in the following cases: x x x (8) To lease any real property to another person for more than one year; x x x” Ang awtoridad na ito ang magpapatunay na maaari mong irepresenta ang iyong kapatid sa taong nais makipagkasundo kaugnay ng paggamit ng nasabing bahay.
Ngunit nais naming bigyang-diin na mahalaga na ang special power of attorney na ibibigay sa iyo ng iyong kapatid ay authenticated ng konsul ng Pilipinas sa Taiwan. Karaniwan na notaryado ang ganitong uri ng dokumento upang maging legal na pampublikong dokumento. Subalit dahil sa ang iyong kapatid ay kasalukuyang wala sa Pilipinas, hindi ito manonotaryohan. Kung kaya’t kailangan niyang gawin ang nasabing awtoridad sa Taiwan at kaila-ngan niya ring magtungo sa tanggapan ng konsulada o embahada ng Pilipinas sa Taiwan at ipa-authenticate roon ang nasabing dokumento nang sa gayon ito ay maging legal at balido. Marahil, kung hawak mo na ang nasabing awtoridad, magiging kampante na ang taong uupa ng tirahan ng iyong kapatid sapagkat mayroon ka nang maipapakitang sapat na katibayan na ikaw ay pinagkatiwalaan ng iyong kapatid. Sa oras na maibigay na niya sa iyo ang nasabing awtoridad, maaari ka nang pumasok sa kasunduan ng pagpapaupa. Nais naming ipaalala na mahalaga na magkaroon din ng kasulutan sa pagitan mo at ng taong uupa ng nasabing tirahan upang mayroon kayong basehan ng inyong mga obligasyon at responsibilidad. Batay sa Artikulo 1403, id, “The following contracts are unenforceable, unless they are ratified: x x x (2) Those that do not comply with the Statute of Frauds as set forth in this number. In the following cases an agreement hereafter made shall be unenforceable by action, unless the same x x x be in writing. And subscribed by the party charged, or by his agent; x x x (e) An agreement for the leasing for a longer period than one year, x x x”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta