BAKIT NGA ba hindi nauubos ang mga nangongotong na mga pulis? At bakit paulit-ulit pa nila itong ginagawa kahit na sila’y bistado na? At kung minsan pa’y garapalan ang pangongotong.
Hindi nga ba sila natututukan nang maigi ng kanilang mga pinuno? O baka naman may basbas sila ng kanilang mga amo?
HINDI ITO ang unang pagkakataong nailapit sa amin ang reklamong ito tungkol sa pangongotong ng isang traffic police ng Manila Traffic Bureau.
Dati nang naiparating sa amin ang garapalang pango-ngotong ng traffic police na ito na nangingikil ng bente pesos mula sa mga tricycle driver. Amin na itong naaksyunan ngunit mukhang matigas si traffic enforcer.
Muling inilapit sa amin ang reklamong ito patungkol kay SPO1 Jeffrey Manayan dahil sa pagbalik niya sa kanyang kalokohan. Umunlad na nga ang negosyong kotongan nitong si SPO1. Kung dati ay P20 lang ang kanyang hinihingi, aba’y ito ay umabot na sa P500, na kanyang kinokolekta tuwing Lunes sa mga asosayson ng mga jeep sa F. Agoncillo corner Escoda sa may Ermita.
Agad naming tinawagan si SPO1 Manayan upang kumpirmahin ang kanyang patuloy na pangingikil sa mga driver. Kami’y kanyang kinausap at sinabing napag-utusan lamang siya ni Barangay 675 Chairman Lazaro de Leon na rumonda sa nasabing lugar.
Walang patumpik-tumpik naming tinawagan si Chairman de Leon upang isangguni ang sinabi ni SPO1 Manayan. At doon namin napag-alaman, galing na rin sa mismong bibig ni chairman na wala siyang sinabing ganoon sa kahit na sino man, at wala raw siyang nakakausap ni isang pulis sa mga nagdaang araw.
Anong ibig sabihin nito SPO1 Manayan? Sino ba talaga ang inyong kinausap? Aba’y hindi pa ba sapat ang isang sita para magtanda?
Timbog na nga itong si SPO1 Manayan. At dahil dito ay muli naming ipinagbigay-alam kay Deputy Chief ng MTB na si Major Jesus Cortez ang muling pagbabalik ni SPO1 Manayan sa kotongan. Agad din naman niyang sinabi na tutugunan niya ang perhuwisyong ito. Pero kung tutuusin, hindi ba dapat ay hindi na ito nangyari ulit? Dati na namin itong naidulog kay Major Cortez, pero bakit nagawa pa ring ulitin ni SPO1 Manayan ang kanyang garapalang pangongotong na ngayon ay umabot na ng P500?
Minarapat na naming ilapit ito sa spokesperson ng NCRPO na si Sr. Supt. Dionardo B. Carlos upang ipahatid kay NCRPO Dir. Chief Supt. Leonardo Espina ang nasabing kabalastugan ng pulis na ito.
At ng aming balikan ang status ni SPO1 Manayan kay MPD-TEU chief na si Col. Reynaldo Nava, napag-alaman namin na kanya nang ipinatapon ang pulpol na pulis na ito sa Norte.
NAPAKALUNGKOT ISIPIN na unti-unting namamantsahan ang pangalan ng ating mga kapulisan ng dahil lamang sa bulok na sistema ng mga balahura. At hinahayaan lamang ng ilang may mga posisyon ang kalakarang ito. Hindi kaya’y nakikinabang din sila?
Sana’y malaman ng mga tiwaling pulis na hindi dahil sila ay may kapangyarihan ay maaari na silang mang-abuso. Mahirap sa mga ilan ay lumalaki ang kanilang ulo sa oras na bigyan sila ng ranggo na SPO1. Kabutihan ang ating ipamalas, hindi katiwalian.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00–4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Sa mga nais magsumbong o magrek-lamo, mag-text sa aming text hotline sa 0917-7WANTED.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30–6:00pm sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo