ANG PAGKAPANALO ng NBA crown ng Miami Heat laban sa Oklahoma City Thunder kamakailan ay may especial na kahulugan sa mga Pinoy basketball fans. Si Erick Spoelstra, Miami Heat coach, ay half-Pinoy. Ina niya ay taga-San Pablo, Laguna, mula sa angkan ng mga Celino.
Magkasunod na dalawang taon na si Erick ‘pag summer ay umuuwi sa ‘Pinas para magdaos ng libreng basketball clinic sa mga eskuwelahan sa Maynila. Unang dating niya nu’ng 2009, tinanong siya nang straight English ng isang sportscaster. Sa pagkamangha ng lahat, sumagot si Erick ng straight Tagalog. Talagang siksik at liglig na isang Pinoy.
Si American Idol runner-up Jessica Sanchez, isang half-Pinoy rin ay kabaligtaran. Ni kapatak ng Filipino word, walang alam. Mexican, balitang marunong si Jessica.
Nagkataong ang kapatid ng ina (Elisa) ni Erick ay kababata at kaeskuwela ko sa elementary at high school. Siya ay si Tony Celino, isa nang retired agriculturist. Paminsan-minsan, nagkikita pa rin kami ni Tony at ang paboritong paksa ay si Erick, ang kanyang pamangkin.
Sa gitna ng masalimuot na katayuan at suliranin ng ating lipunan, nakaaaya na maraming puro at half-Pinoy ay nagtatagumpay sa kanilang piniling larangan sa buhay na kinikilala ng buong mundo. Manny Pacquiao, Erick, Jessica, Lea Salonga, Paeng Nepomuceno, Nonito Donaire, atbp. Nakabubuhay-dugo ang kanilang tagumpay sa ating lahi. Sana’y magsilbing inspirasyon para sa national greatness ang ehemplo nila.
Si Erick ay umani ng ‘di ordinaryong kara-ngalan at tagumpay. Mabibilang na siya sa elite hall of famers ng NBA.
SAMUT-SAMOT
BAKIT INUTIL ang awtoridad sa pagdakip kay Delfin Lee, pangunahing suspect sa multi-million scam ng Globe Asiatique? Dalawang buwan nang pinalabas ang warrant subalit nagbubulag-bulagan ‘ata ang PNP at NBI. Gayon din sa mga fugitives kagaya ni Gen. Jovito Palparan at Gov. Joel Reyes. Ano’ng solusyon? Bounty na naman? ‘Di na biro ang poot at galit ng mamamayan sa kainutilan ng ating kapulisan. Kaliwa’t kanan ang krimen sa kapaligiran. Nasaan si Exec. Sec. Jojo Ochoa, ang tinaguriang anti-crime czar?
ANG KALAGAYAN ni dating Senate Pres. Jovito Salonga, 92, ay dapat bigyang-pansin ng pamahalaan. Si Salonga ay matagal nang bed-ridden dahil sa Alzheimer’s disease at iba pang sakit dala ng katandaan. Financially-strapped ang kanyang pamilya. Makabubuti na ma-confine siya sa Veterans Hospital at bigyan ng kaukulang medical treatment. Maliit na pabuya ito sa isang mambabatas na ngayon ay itinuturing na isang statesman.
SA WAKAS, unti-unti nang umaarangkada ang tourism campaign ng DOT. Kapansin-pansin ang maraming tri-media activities na pino-promote ang turismo. “It’s more fun in the Philippines” slogan appears to be clicking. Tourist volume has increased in the past months despite the boycott of China. Kudos to Sec. Ramon Jimenez.
KAINGGIT-INGGIT ANG U.S. judiciary system. Sa loob lang ng sang buwang trial, nahatulan ng Pennsylvania jury ng 450 years imprisonment si Jerry Sandbury, isang U.S. football coach dahil sa pedophile cases on 48 counts. Sa atin, mabagal pa sa pagong ang usad ng judiciary. Simpleng kaso, umaabot ng 10 taon ang resolusyon, ‘pag minsan, mahigit pa. ‘Yong Ampatuan massacre case hanggang ngayon ay nakabinbin pa. Maraming corrupt fiscals at judges. Mahihirap walang kalaban-laban sa ating husgado.
ANG SULIRANING ITO dapat tuunan ng pansin. Maraming mamamayan ang nawawalan na ng tiwala kaya kalimitan, nilalagay nila ang batas sa kanilang kamay. Magpasyal kayo sa sala ng isang judge sa Maynila. Patung-patong ang mga ginagagamba nang court files. Sa pasilyo, ganito rin ang sitwasyon. Ano ang ginagawa ng court administrator, Midas Marquez? Saan napupunta ang $450-M loan sa World Bank para ayusin ang facilities ng judiciary sa buong kapuluan? Dapat imbestigahan ito ng Senado.
PATI ANG paghahandog ng National Artist award ay nababoy nu’ng administrasyon ni dating Pangulong GMA. Biro mo, ang katulad nina Carlo Caparas, isang komiks novelist, at Cecile Guidote-Alvarez ay nabigyan ng award. Ano’ng kanilang karapatan? Judiciary, simbahan at religious institusyon ay ganyan din ang nangyari. Masahol pa ‘ata sa dating diktador Marcos. Nararapat lang pagdusahan ng mga nagkasala ang mga ito.
SA MONSEE Café sa White Plains, Q.C. ko kadalasang sinusulat ang mga pitak sa pahayagang ito. Uupo ako sa ‘sang sulok na malamig, o-order ng black coffee, at ang daloy ng isip ay isinasalin ng aking ballpen sa isang notebook. ‘Di ako nauubusan ng paksa. Maraming nangyayari sa paligid. Therapy sa akin ang pagsusulat. Kahit sa pagtulog, maraming pumapasok sa aking isip na natatandaan kong isulat. Siguro sa aking retirement years, ito na ang misyon ko sa buhay. Sumulat tungkol sa mga naaapi, kapabayaan ng pamahalaan sa mga mahihirap at ibahagi ang mensahe ng Diyos. Nagpapasalamat ako kay publisher, Raimund Agapito.
MINSAN, SA aking malalim na pag-iisip, napagtibay ko na talagang napakahiwaga ng buhay. Maikli ang kaligayahan: kalimitan ay problema at masasalimuot na pakikibaka. Unang kaaway natin ay ang masamang anghel sa ating sarili. Nagugupo tayo nito. Malimit akong gumawa ng masama na ‘di ayon sa aking konsensiya. Kailangan, panalangin sa Holy Spirit.
AKO MAN ay napapagod na sa aking paglalakbay. Napakahaba ng panahon. Marami na akong kamag-anak at kaibigan na sumakabilang-buhay na. Doon sa kaharian ng Maykapal na walang sakit at problema. Sa lahat-lahat, wala akong mairereklamo sa aking naging buhay. Napa-
karaming biyaya at grasya. Habang may panahon pa, kailangang gumawa ng mabuti at kumapit sa pananampalataya.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez